Nakasanayan na ni Richard Arcana, 45, na sumisid sa katubigan ng Rosario, Cavite pagsapit ng gabi upang manghuli ng sari-saring isda at lamang-dagat tulad ng alimasag, hipon, at lapu-lapu.
Ngunit naputol ang kanyang hanapbuhay ng tatlumpung taon dahil sa oil spill sa Manila Bay noong Hulyo. Higit isang buwang makalipas, ramdam pa rin ang epekto nito sa kanyang komunidad.
“[Noong simula ay] hindi kami nakakahanapbuhay … yung huli naming isda at alimasag, kinukumpiska ng BFAR (Bureau of Fisheries and Aquatic Resources). Nung tumagal-tagal naka-ban [ang] fishing [sa amin],” ani Richard, na miyembro rin ng PAMALAKAYA-Cavite, isang progresibong samahan ng mga mangingisda.
Kabilang si Richard sa higit 50,000 mangingisdang apektado ng oil spill batay sa tala ng PAMALAKAYA. Bukod sa kawalan ng hanapbuhay at pinsalang dala ng langis sa kapaligiran, dagdag pasanin sa mga mangingisda ang kakulangan ng suporta mula sa pamahalaan, ayon sa grupo.
Naganap ang oil spill matapos tumaob ang barkong MT Terranova ilang kilometro mula sa baybayin ng Limay, Bataan, buhat ng habagat na pinalakas ng Bagyong Carina. Halos kasabay nito ang paglubog ng MTKR Jason Bradley at MV Mirola 1 na kapwa barko rin ng langis.
Lulan ng MT Terranova ang higit 1.4 milyong litro ng langis—sapat para magpakarga ng higit-kumulang 23,000 jeep—na umabot hanggang sa Cavite, Bulacan, at Metro Manila. Tinatayang higit 62 kilometrong kwadrado na ang lawak na inabot ng langis noong Hulyo 28, ayon sa Philippine Space Agency.
Bilang tugon, ipinagbawal ang pangingisda sa isang lungsod at pitong bayan ng Cavite, kabilang na ang Rosario, kung saan ito ang pangunahing hanapbuhay. Napilitan tuloy ang maraming residenteng maghanap ng pansamantalang trabaho. Nakapasok man si Richard sa konstruksyon, inaalmahan niya ang di sapat na kita mula rito.
“P700 [ang kita], babawasan mo pa ng pamasahe, balikan, P150. [E di] magkano lang [ang] matitira? P550. Babawasan mo ng meryenda, pagkain. Parang pumapatak lang siya ng P400 a day. Maghapon pa [yung trabaho],” ani Richard.
Hindi rin sapat, aniya, ang natanggap niyang ayudang pumapatak lamang sa P6,500 mula sa kanilang gobernador at ilang mambabatas. Bukod sa kinailangan niyang makipagsiksikan sa libo-libong tao upang makuha ang ayuda, malayo ito sa P15,000 na kompensasyon kada buwan na itinutulak ng PAMALAKAYA sa mga mangingisdang naapektuhan.
Ang MT Terranova ay kinontrata ng SL Harbor Bulk Terminal Corporation, isang subsidiary ng San Miguel Corporation. Itong subsidiary rin ang kumontrata sa MT Princess Empress, ang barkong lumubog at nagdulot ng oil spill sa Oriental Mindoro nitong huling taon.
Bagaman nakatanggap ng kompensasyon na binubuo ng insurance mula sa mga internasyunal na organisasyon ang ilang residente ng Mindoro, naantala ito ng higit isang taon matapos ang insidente.
Sumabay sa oil spill sa Manila Bay ang pagsalanta ng Bagyong Carina at Enteng, na ginawang mapanganib ang pagpapalaot. Saksi rin si Richard sa kung papaano pinalala ng dredging, o ang paghukay ng buhangin sa dagat para sa reklamasyon, ang pinsalang dala ng mga bagyo bawat taon.
Talamak ang Manila Bay sa mga gawaing reklamasyon, kabilang na ang isinasagawang dredging ng San Miguel para sa New Manila International Airport. Dulot nito ang kawalan ng lugar kung saan maaaring mangitlog ang mga isda, epektong mas tatagal pa sa mismong oil spill ayon kay Richard.
Kaya sa kabila ng pagtanggal sa fishing ban at paglinis ng Philippine Coast Guard sa kumalat na langis, mananatili pa rin ang dagok ng reklamasyon sa kabuhayan ng mga mangingisda, ayon kay Riza Fausto ng AGHAM, organisasyong nagsasagawa ng pananaliksik ukol sa oil spill.
“At best, thousands of years, millions of years yung pagrerecover ng nature, lalo kapag sa dredging … ang damage niya, generational na yung span [na] aabutin dahil matagal talaga mag-re-recover yung mga bahura, kahit yung porma ng dalampasigan,” ani Fausto.
Malabo man ang kagyat ng pagbalik ng Manila Bay sa dati nitong sigla, patuloy na ginigiit ni Richard, kasama ang PAMALAKAYA at AGHAM, ang pagpapanagot sa San Miguel at sa pamahalaan, paglalaan ng sapat na suporta sa mga mangingisda, at pagpapatigil sa reklamasyon.
“Pagkaganitong kalamidad naman, sana matulungan kami sa ayuda man lang … yung mabilis na proseso ba para sa pamilya,” ani Richard. “Dun naman sa pag-dredging, ipatigil na [dapat ito]. Talagang marami nang pinahirapan [ito].” ●