Nang maabo ang bahay ni Lilian Lamusao, 55, sa sunog sa Aroma Temporary Housing, Tondo noong Setyembre 14, wala siyang ibang naisalba kundi ang daster na suot noong araw na iyon at ang dalawang buwang gulang niyang apo na si Oppa.
“Masakit sa akin. Ilang taon akong nagpundar ng gamit,” saad ni Lamusao na pangulo ng Nagkakaisang Mamamayan Tungo sa Pagbabago, isang samahan ng mga residente ng Aroma. “Hindi ko maisip kung bakit ganoon lang kabilis naging abo yun,” sabi niya sa panayam ng Kulê.
Isa ang pamilya ni Lamusao sa 2,006 na maralitang pamilyang nawalan ng tirahan at ari-arian matapos lamunin ng sunog ang 12 gusaling pabahay sa Aroma. Bagamat walang nasawi o nasaktan sa pangyayari, hanggang ngayon ay kaduda-duda sa mga residente ang tunay na pinagmulan ng apoy.