Nagpapatuloy pa rin ang iba-ibang uri ng scam at cybercrime sa bansa halos dalawang taon matapos isabatas ang SIM Registration Law, ayon sa ulat ng Computer Professionals’ Union (CPU), progresibong samahan ng mga propesyunal mula sa larangan ng Information and Communication Technology.
Nanggaling pa mismo sa Philippine National Police ang tala na tumaas nang 21 porsyento ang bilang ng cybercrime mula Enero hanggang Marso, kumpara sa parehong panahon noong 2023. Para sa CPU, patunay itong hindi natupad ng batas ang pakay nito higit isang taon matapos ang itinakdang panahon para sa pagrehistro ng SIM card noong Hulyo 2023.
“Kahit sa karanasan ng mga mas technologically advanced na countries, hindi naman nagawa ng SIM registration na ma-eradicate yung mga scam [at] krimen na gumagamit ng SIM card,” ani Kim Cantillas, chairperson ng grupo.
Layuning di Matupad
Nilagdaan ang Republic Act 11934 o SIM Registration Act noong Oktubre 2022. Minamandato nito ang pagrehistro ng mga SIM card upang bawasan umano ang bilang ng cybercrime sa bansa. Kabilang sa prosesong ito ang pagbibigay ng personal na datos, tulad ng pangalan, tirahan, at larawan ng sarili, sa kumpanyang nagbebenta ng SIM.
Hindi maikaila mismo ng pamahalaan na may pagkukulang ang SIM registration sa paglutas ng cybercrime. Nitong Hunyo, naglabas ng pahayag ang National Telecommunications Commission na hindi sapat ang batas upang tuldukan ang cybercrime sa bansa.
Mula Agosto, ilan nang mambabatas ang naghayag ng kanilang mga mungkahi upang maging mas epektibo ang batas sa pamamagitan ng mas mahigpit na proseso ng pagrehistro. Halimbawa nito ang mga suhestyon ni Cong. Richard Gomez na ipagbawal ang pagbebenta ng mga di rehistradong SIM at ni Sen. Win Gatchalian na limitahan ang bilang ng SIM card ng bawat user.
Ngunit anumang pag-amyendang isagawa sa batas, hindi pa rin matutupad ang layunin nito, ayon kay Cantillas. Aniya, kailangan munang tugunan ng pamahalaan ang mga krisis na tumutulak sa taong makilahok sa cybercrime—ang mababang sweldo, nagmamahal na bilihin, at kahirapang maghanap ng trabaho.
“Itong mga sunod-sunod na proposal, na mga amendments sa SIM registration, [ang] pinapakita nito sa atin ay … hindi inaaral ng gobyerno natin kung ano talaga yung ugat ng problema,” ani Cantillas.
Kontra sa Karapatan
Bukod sa hindi nalutasan ng batas ang mga scam, naghayag din ng pagkabahala ang iba-ibang sektor, kabilang na ang mga mamamahayag, manggagawa, abogado, at siyentista, ukol sa banta ng SIM Registration Act sa data privacy.
Bagaman nakasaad sa batas na mandato ng mga telco na tiyakin ang seguridad ng nakalap na datos, maaari pa rin nila itong ibunyag sa mga awtoridad kung may karampatan itong court order o subpoena.
Kung nais man ito ng pamahalaan, maaaring gamitin nito ang nakalap na datos upang puntiryahin ang kung sino mang indibidwal, ani Philip Zuñiga, propesor ng computer security sa UP Diliman.
Dagdag banta rin sa privacy ng mamamayan ang mga data breach. Mula Marso 2023, hindi bababa sa 12 insidente ng data breach ang naitala sa mga ahensya ng gobyerno, kabilang na ang PhilHealth, Philippine Statistics Authority, at Department of Science and Technology.
Bagaman ang nakalap na impormasyon mula sa SIM registration ay nasa pamamahala ng mga telco at hindi sa gobyerno, nananatili ang panganib na magkaroon ng breach at magamit ang datos sa mga krimen tulad ng identity theft, ayon kay Zuñiga.
“The question is ano yung mechanisms ng private companies, ano yung gagawin nila in the event na magkaroon ng data breach … I haven’t seen any backup plan. For me, yun yung mas concern ko from a computer security perspective,” ani Zuñiga.
Dagdag pa niya, imbes na tutukan ang SIM registration bilang panlaban sa mga scam, dapat isulong ang edukasyon ukol sa data privacy upang maproteksyunan ng bawat mamamayan ang kanyang impormasyon.
“Panawagan naman namin ay i-repeal itong SIM registration law, burahin lahat ng database,” ani Cantillas. “May potential talaga na may sumubok na kumuha ng access diyan sa information na yan, [lalo na’t] buong mamamayang Pilipino yung sakop ng kinukuhanan [ng] information.” ●