May kakaiba kay Sara, kaibigang loro ni Karla. Paano at laging may kapalit ang bawat pagtulong ng kaibigang loro sa kanya—noong una’y boto ng kanyang magulang sa eleksyon, tapos naging limpak na salapi ng kanilang bayan, hanggang pati sa kanyang karapatan at kinabukasan. Ang pagiging mabuti pa man din ang itinuturo sa kanya ng loro. May kakaiba nga kay Sara, mapang-abusong kaibigang loro ni Karla.
Nitong Agosto, inihambing ni Vice President Sara Duterte ang kanyang sarili sa akdang Isang Kaibigan bilang mapagkakatiwalaang pulitiko sa gitna ng mga kinasasangkutang isyu tungkol sa korapsyon. Umani ang akda ng kritisismo dahil sa anomalya ng pagpopondo para sa paglilimbag, nakakaalarmang pagsasawalang-bahala sa gramatika at wika, at pagkakahawig sa akdang Owly: Just a Little Blue na isinulat ni Andy Runton.
Magkalingkis ang pagtuturo ng panitikang pambata sa kabutihang-aral at pagpapaunawa sa panlipunang suliranin ng bayan. Dito, maaaring maging materyal ang panitikang pambata sa pagkakaroon ng bukas na pulitikal na diskusyon sa loob ng tahanan. Sa panitikang may pagkilala at pagpapahalaga sa mga bata, ang mga bata ay nagkakaroon ng pagkakataong tumuklas at umusisa hinggil sa mga paksang madalas sinasabing mahirap ipaunawa. Mainam na espasyo ang panitikang pambata upang talakayin ang sosyo-pulitikal na kalagayan ng bayan, ano ang kanilang mga karapatan, at sariling ahensya sa pagpapasya at paniniwala.
Nag-iiwan ng pangmatagalang epekto ang bawat aral na natututuhan ng mga bata sa kanilang pag-uugali at paglaki. Sa yugto ng kanilang murang edad kung saan kritikal ang pagkatuto, instrumento ang panitikang pambata sa pagbuo ng diskurso ukol sa mga isyung panlipunan at maging inspirasyon upang tugunan ang mga ito, ayon kay Meagan Patterson, propesor mula sa University of Kansas.
Kasaysayan ang nagpapatunay na hindi lamang tipikal na kwento ng katatawanan ang maaaring maging paksa ng panitikang pambata. Noong 1945, matapos ang Digmaang Pasipiko, umusbong ang palimbagan ng panitikang pambata sa Pilipinas, ayon sa manunulat na si Ceres Alabado. Naging masikhay ang paglalathala ng mga akdang sumasalamin sa buhay noon na may pagpapahalaga sa kolektibong pagkilos tungo sa kasarinlan. Makikita ito sa Kangkong 1896 ni Alabado, kung saan tampok ang karakter ng batang si Plorante Acabo na naging bahagi ng KKK at Himagsikang Pilipino laban sa mga mananakop. Lalo ring umusbong ang paglalathala ng mga akdang bitbit ang diwang aktibismo sa pagtatapos ng Batas Militar noong 1981 na pumapatungkol naman sa karahasan ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr.
Makapangyarihan ang panitikang pambata sa pagpapaunawa ng isang ideya, kung kaya minsan ay ginagamit din ito upang magpakalat ng mga paniniwalang nakakiling sa personal na pakinabang ng iilan. Higit, ginagamit ito ng mga maimpluwensiya, upang lalong igiit ang mga ideolohiyang dantay sa kanilang sariling interes.
Sa panahon ng diktadura ni Marcos Sr., ginamit niya ang kwentong Malakas at Maganda, isang alamat tungkol sa pinagmulan ng pinakaunang lalaki at babae, upang ipinta ang sarili at kanyang asawa bilang mga “magulang” ng Pilipinas. Tiniyak ni Marcos na sa tuwing ikukwento ang alamat sa mga bata sa tahanan, makikita ang kanyang imahe bilang isang ama o tatay. Dito umusbong ang ideya na ang lahat ng nasa ilalim ng kanyang rehimen ay magkakapatid at may iisang pag-unlad sa kanyang “Bagong Lipunan.”
Pinasubalian ng mga manunulat ang huwad na imaheng ito gamit din ang panitikang pambata. Sa kwentong Ito ang Diktadura ni Equipo Plantel, ipinaliwanag kung ano ang itsura ng isang diktador na kontrolado ang lahat sa lipunan tulad ng salapi at lupa. Gamit ito, naituturo sa mga bata kung paano maging kritikal sa mapaniil na pamumuno, at naipapaunawa sa kanila ang kahalagahan ng paglaban dito.
Patuloy ang mga progresibong panitikang pambata tulad nito sa paglikha ng mga kwentong humuhubog ng kaisipang mapagkalinga at mapag-unawa. Dito, may paglalahad ng mga naratibong tunay na representasyon ng buhay ng mga marginalisadong grupo sa lipunan.
Isa si Weng Cahiles sa mga manunulat ng kwentong may pagtuon sa totoong danas ng isang bata. Sa kanyang akdang Si Kian, ipinakita ang kolektibong panawagan ng komunidad ni Kian Delos Santos tungo sa hustisya. Gamit ang mga payak na salita, malinaw na naipabatid ang mabigat na usapin ng paglabag sa karapatang pantao noong pamamahala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagiging mabisa ang panitikang pambata kung napupukaw ang atensyon ng mga bata o magulang na target na mambabasa. Mas aksesible ito kung ang wikang gamit din ay batay sa kanilang wika at hindi didaktiko ang pagtuturo. Higit, nagiging makabuluhan ang panitikang pambata kung tinuturuan nito ang batang maunawaan ang tunay na kalagayan ng kanyang lipunan, at matutuhan kung paano ba magiging kritikal dito.
Makapangyarihan ang panitikang pambata sa paghubog ng kaisipang may pagpapahalaga sa sama-samang pagkilos tungo sa progresibong lipunan; lalo na’t napatunayan na rin ng kasaysayan na ang kabataan mismo ang dadalumat kung anong kinabukasan ang kanilang nais. Bawat bida at teksto ay mahalagang nakatuon sa layuning ito: Maipaunawa sa mga bata ang kanilang sama-samang lakas upang gamitin ang sariling tinig, at patuloy na mangarap. ●