Panata ng isang matatag na haligi ng tahanan ang pinanghawakan ni Tatay Idelfonso Viñas, 68, nang manalasa ang Bagyong Yolanda sa Tacloban, Leyte taong 2013. Sariling buhay ang isinangkalan ni Tatay Idelfonso nang inanod siya ng malalakas na hampas ng tubig at hangin habang sinasalba ang kanilang tahanan sa Cancabato Bay mula sa pinsala ng bagyo.
Makalipas ang ilang taon, may mas malaki pa palang pagsubok na kakaharapin sina Tatay ldelfonso.
Sa higit tatlong dekadang pangingisda ni Tatay Idelfonso sa Cancabato Bay, kabisado na niya ang galaw ng dagat at oras na dapat siyang pumalaot. Ngunit sa loob ng higit isang taon, malaki na ang pinagbago ng dagat at komunidad mula nang sinimulan ang konstruksyon ng Tacloban City Causeway noong Enero 2023. Isang P4 bilyon na proyektong reklamasyon ang causeway na pinangungunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Eastern Visayas, sa suporta ng lokal na pamahalaan ng Tacloban.
Si Tatay Idelfonso Viñas, 68, ay higit tatlong dekada nang namamalakaya sa Cancabato Bay, Tacloban. Nanganganib ang kaniyang kabuhayan dahil sa tinatatag na Tacloban City Causeway, isang proyektong reklamasyon. (AJ Dela Cruz/Philippine Collegian)
Sa harap ng nagbabadyang pinsala bunsod ng tinatayong causeway, pangunahing panawagan ng mga mamamalakayang Taclobanon ang kagyat na pagpapatigil sa proyektong sumisira sa kanilang kabuhayan at komunidad.
Nagbabadyang Unos
Pinasisinungalingan ng karanasan ng mga mamamalakaya sa Cancabato Bay ang pangakong pag-unlad at proteksyon mula sa mga kalamidad na hatid umano ng reklamasyon.
Makatutulong daw ang causeway sa pagpapabilis ng byahe sa pagitan ng Daniel Z. Romualdez Airport at Tacloban Downtown, at pagprotekta sa syudad mula sa storm surges, giit ng DPWH. Pangako rin ng causeway ang pag-unlad ng lokal na ekonomiya bilang unang hakbang sa mas malaki pang proyekto na Cancabato New Central Business District, ayon sa Save Kankabatok Advocacy (SKA), isang organisasyong pangkalikasan sa Tacloban.
Namamatay na raw ang Cancabato Bay, ani LGU sa Comprehensive Land Use Plan nito, kung kaya ito ang napiling lokasyon para sa reklamasyon. Ngunit giit ng mga mamamalakaya, buhay ang katubigan at ang pagtatayo ng causeway ang tuluyang kikitil dito.
Bunsod ng pagbuhos ng lupa at semento, naging kulay putik na ang dating asul na tubig. Nasisira rin ang tahanan ng mga lamang-dagat kaya umuunti ang huli ng mga mamamalakaya tulad ni Tatay Idelfonso. Tinatayang 1,500 pamilya ang mawawalan ng kabuhayan dahil sa reklamasyon, batay sa datos ng SKA.
Bitbit ni Tatay Idelfonso ang kakarampot niyang huli matapos ang tatlong oras na pagpapalaot. Napansin niya at ng ibang mamamalakaya ang pag-unti ng kanilang huling lamang-dagat nang magsimula ang reklamasyon. (AJ Dela Cruz/Philippine Collegian)
Taliwas sa mga pangako nito, binabago ng mga proyekto ng reklamasyon ang galaw at daloy ng tubig na nagiging sanhi sa mas matinding storm surges, ayon sa Oceana, isang ocean conservation organization. Sa halip na maligtas, napipilitang lumikas ang mga residente na matagal na ring pinapalayas bunsod ng lokal na ordinansa na nagbabawal sa pagpapatayo ng mga gusali na 40 metro o mas mababa pa mula sa baybay. Nasa 500 bahay ang haharap sa demolisyon dulot ng causeway, ayon sa tala ng SKA.
Ang tanging inihaing plano ng LGU para sa mga apektado ay relokasyon sa isang pabahay sa Tacloban North na nasa 15 kilometro ang layo sa sentro ng syudad. Magmula noong salantahin ang Cancabato Bay ng Bagyong Yolanda, dito na inilipat at naninirahan sina Tatay Idelfonso. “Bawal daw yung tinitirhan namin [dati] diyan [sa Cancabato Bay]. Gusto nga namin dito kami eh, kaso ayaw naman ng LGU kasi baka bumagyo uli,” aniya.
Bukod sa layo mula sa kabuhayan ng mga residente, wala ring akses ang mga binigay na pabahay sa tubig, at malayo ito sa mga paaralan at ospital, ayon sa pag-aaral sa Dialogues Health noong 2022. Kung minsan, nasisira na ang ilang bahagi ng pabahay bago pa man maipamahagi ng LGU dahil hindi ito yari sa kalidad na materyales, dagdag ni Jericho Aliposa, kasapi ng SKA.
Saglit na napahinto ang pagpapatayo ng causeway noong Mayo 2023 bunsod ng pagtutol ng mga Taclobanon sa kawalan ng Environmental Compliance Clearance ng proyekto. Ngunit nagpatuloy din ito makalipas ang isang buwan dulot ng panibagong plano na pahabain ang tulay na bahagi ng causeway at magdagdag ng sewage treatment plant na sasalo sa pinsalang idudulot ng konstruksyon.
Sa kabila ng mga nilatag na pagbabago, bigo pa ring resolbahin ang ugat ng hinaing ng mamamalakaya na itigil ang reklamasyon at suportahan ng gobyerno ang kanilang hanapbuhay.
Pagharap sa Daluyong
Karagdagang pagsubok ang reklamasyon sa patong-patong na problemang matagal nang kinakaharap ng mga mamamalakayang Taclobanon. Kabilang rito ang mababang kita, mahal na mga materyales, at kawalan ng suporta mula sa pamahalaan.
Wala nang sapat na suporta, kapos pa sa pang araw-araw na gastusin ang P300 kinikita ni Tatay Idelfonso nang magsimula ang reklamasyon. Dati, sapat na ang dami ng nahuhuli nilang alimasag upang ibenta ito sa halagang P60 bawat kilo. Ngunit dahil sa pagtumal ng kanilang huli, napipilitan silang itaas ang presyo nito sa halagang P300 kada kilo upang tumbasan ang mas mataas nilang kita bago ang reklamasyon.
Napupunta ang kalakhan ng kinikita ni Tatay Idelfonso sa lambat na pumapalo sa P100,000 at tumatagal lamang ng isang buwan, at P100 petrolyo na araw-araw niyang binibili para makapalaot. Wala pa ang kita niya sa kalahati ng naitayang nakabubuhay na pang araw-araw na sahod para sa pamilya na may limang miyembro sa Eastern Visayas na P872, ayon sa pag-aaral ng IBON Foundation.
Inaayos ni Tatay Idelfonso ang kanyang lambat pagkatapos makabingwit ng alimango. Pumapalo sa P100,000 ang nagagastos niya sa lambat kada buwan. (AJ Dela Cruz/Philippine Collegian)
Hindi alintana ang init ng araw o lakas ng ulan, patuloy siyang sumusuong sa dagat may maiuwi lang para sa kanyang pamilya. “Kahit malaki yung alon, pumapalaot kami. Pag signal number one napalaot pa kami. Sanay na kami,” kwento niya.
Bagaman nakatatanggap ng ayuda ang kooperatiba nina Tatay Idelfonso mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong 2023, nahinto ito bunsod ng kanilang pagkawatak-watak dahil sa mga internal na isyu. Malaking tulong sana ang kooperatiba para makabawas sa gastos sa lambat at magkaroon ng nagkakaisang pwersa laban sa reklamasyon, ani Tatay Idelfonso.
Bilang suporta sa mga mamamalakaya, naglulunsad ng mga seminar ang SKA ukol sa epekto ng reklamasyon sa kanilang kabuhayan. Nakikipag-ugnayan ang organisasyon sa City Fisheries and Aquatic Resources Management Council na may mandatong ipaabot ang mga hinaing ng mga mamamalakaya sa LGU. Ngunit malaking pagsubok sa kanilang tunguhin ang pangangasangkapan ng LGU sa lokal na midya upang ilako sa publiko na nakabubuti para sa komunidad ang reklamasyon.
Gayunpaman, masigasig na pinabubulaanan ng organisasyon ang mga kasinungalingan tungkol sa causeway na kumakalat sa publiko sa pamamagitan ng social media at aktibong pakikilahok sa panawagan ng mga mamamalakaya na tutulan ang reklamasyon.
Panatag na Paglayag
Kasabay ng panawagan sa LGU na bigyan sila ng suporta sa hanapbuhay at disenteng pabahay, ang pangunahing paninindigan ng mga mamamalakaya ay tuldukan ang reklamasyon sa Cancabato Bay.
Kung si Tatay Idelfonso ang tatanungin, sapat na ang ayudang lambat bilang suporta ng gobyerno para sa maliliit na mamamalakayang kagaya niya. Ngunit maski ito ay malabo ring mangyari dahil nakaambang matapyasan ng P18 bilyon ang pondo ng DSWD at P10.4 bilyon sa Department of Agriculture sa susunod na taon, batay sa mungkahing badyet ng pamahalaan para sa 2025.
Alang-alang sa kagustuhan ng mga mamamalakaya na manatili malapit sa kanilang hanapbuhay, tungkulin ng pamahalaan na siguruhing climate-resilient o matibay sa panahon ng kalamidad ang mga pabahay sa dalampasigan, ayon sa SKA. Hindi maisasakatuparan ng demolisyon at patapong relokasyon ang hangarin ng LGU na gawing ligtas ang mga residente sa tabi ng Cancabato Bay, dagdag ng organisasyon.
Maaaring paghalawan ang climate-resilient na pabahay ng United Nations Development Programme (UNDP) sa Vietnam na, tulad ng Pilipinas, ay bulnerable sa mga bagyo. Lapat ang pabahay ng UNDP sa kultural at ekonomikong kondisyon ng komunidad sapagkat gumagamit ito ng mga lokal na materyales at mismong mga lokal na manggagawa ang nagtatayo nito.
Ngunit kapwa walang silbi ang ayudang lambat at climate-resilient na pabahay kung pahihintulutan ng LGU ang pagpapatuloy ng reklamasyon sa Cancabato Bay. Kung talagang pag-unlad ang nais ng LGU, mungkahi ng SKA ang pagpapayabong sa “blue economy” o yamang-dagat ng Cancabato Bay, pagpapatayo ng mga nakabubuhay na imprastraktura at industriya sa Tacloban North, at tuluyang pagwawakas sa reklamasyon.
Isang mamamalakayang pumapalaot sa gitna ng Cancabato Bay. Para sa mga komunidad sa lugar, sa dagat na nakasalalay ang kanilang pamumuhay sa pang araw-araw. . (AJ Dela Cruz/Philippine Collegian)
Panata ni Tatay Idelfonso at ng marami pang mamamalakaya na protektahan ang karagatan na pinagmumulan ng kanilang hanapbuhay. Sa kasagsagan ng daluyong ng reklamasyon, sila ang tatayong haligi na magsasalba sa dagat. ●