Nakaranas ng sunud-sunod na atake ang mga magsasaka at katutubo mula sa Mindoro at Tarlac ilang araw lamang bago ang Araw ng mga Pesante bukas.
Nitong umaga, hinarang ng mga pulis at militar sa Tarlac ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita na patungo sa isang pagtitipon para sa Buwan ng mga Pesante.
Naganap ito dalawang araw matapos lusubin at pagbantaan ang buhay ni Francisco Dizon, lider-pesante ng Hacienda Luisita sa Tarlac, ng apat na pinaghihinalaang mga militar, ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura.
Samantala, nitong Biyernes ay iligal na inaresto ang 29 na Iraya Mangyan sa Hacienda Almeda, Occidental Mindoro ng sanib-pwersang pulis at pribadong tauhan ng pamilyang Almeda. Kabilang sa inaresto ang 12 menor de edad.
Hindi pa rin makontak sa ngayon ang mga inaresto ng kanilang mga kamag-anak na maaaring bunsod ng pagkuha sa kanilang mga cellphone, ayon sa Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK).
Ayon din sa grupo, matagal nang kinakaharap ng mga Iraya Mangyan ang pangangamkam sa lupa na ipinalubha ng kawalan ng titulo sa lupa.
“Kakutsaba pa [ang National Commission on Indigenous Peoples] sa pagkakaantala at mabagal pa sa pagong na proseso sa pag-validate sa ancestral land … Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring pinanghahawakan na Certificate of Ancestral Domain Title ang komunidad,” dagdag ng KASAMA-TK.
Ilang taon nang ipinagtatanggol ng mga magsasaka ng parehong hacienda ang kanilang karapatan sa lupa. Sa kabila nito, patuloy din nilang nararanasan ang tumitinding militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao.
Ang mga naturang insidente ang pinakabago sa dumaraming kaso ng panggigipit sa mga magsasaka at grupong pesante ng Gitnang Luzon at Timog Katagalugan. Kabilang na rito ang pagdakip sa organisador ng mga magsasaka na si Fhobie Matias, pati ang tumitinding militarisasyon ng Lupang Ramos at Lupang Tartaria sa Cavite.
“Mariing kinokondena ng Karapatan Central Luzon ang lantarang [panggigipit] na ito sa mga lehitimong organisasyong masa ng mga manggagawang bukid at magsasaka ng Asyenda Luisita,” giit ng grupo. ●
EDITOR'S NOTE: Nakasaad sa bagong ulat ng Mindoro Youth for Environment and Nation na 30 Iraya Mangyan ang inaresto noong Oktubre 19. Sa grupong ito, 15 ang menor de edad.