Sa paanan ng bundok, matatagpuan ang tahanan ng mga katutubong Bontoc sa Kaboloan. Para sa mga katutubo rito, sagradong yaman ang bigas na nagmumula sa malalawak nilang sakahan at matabang lupa. Ang kanilang pagpapahalaga sa bigas ay nakatali sa mahika ng mga espiritung pinaniniwalaan nilang naninirahan sa bawat palay na naaani.
Isa na rito si Lira, isang kabataang katutubong Bontoc na hindi pa nakakakain ng kanin. Isang anino ng pangamba ang bumabalot sa hinaharap habang patuloy silang nilulubos ng mga pagsubok ng kalikasan.
Sa bawat bukang-liwayway sa kanilang komunidad, ang bigas ay parang ginto sa lupa—bihira, pinag-aagawan. May kahirapan kasi sa pagsasaka ng palay, bunsod ng hindi tiyak na klima. At kung makaani man, sasapat lamang para sa kalakalan sa ibang pangkat, labas sa kanilang komunidad. Matagal na rin noong huli silang nagkaroon ng masaganang ani. Kaya naman, sa tuwinang titingin si Lira sa hapag, kalungkutan ngunit may bakas ng determinasyon ang maaaninag sa kanyang mukha, nag-aalab ang pagnanais na makatulong sa sakahan.
Magkalingkis ang gawi ng mga katutubong Bontoc sa pagsasaka sa kanilang kolektibong paniniwala. Maingat sila sa bawat yugto ng pagtatanim—mula sa pagbubungkal ng lupa, pagtatanim ng binhi, pag-aalaga sa pananim, at hanggang sa pag-iimbak nito—sa paniniwalang may mga espiritung nananahan sa mga butil ng palay. Anumang paggalaw sa paligid ng mga pananim ay nagdadala ng takot sa mga lokal, silang naniniwala na nagagambala ang balanse sa pagitan ng tao at kalikasan kapag nangyayari ito.
Papunta na dapat si Amara sa sakahan nang biglang hilahin ng kanyang anak ang kanyang kamay, nagpupumilit sumama. Ngunit ano pa mang pagpupumilit ni Lira, hindi ito pinayagan ng kanyang ina dala ng pangambang manggagambala lamang ang anak sa mga gawain sa sakahan. May paniniwala kasi ang komunidad na dapat manatiling payapa ang sakahan upang pagpalain sila ng magandang klima ng mga espiritu—tamang araw, eksaktong hangin, at katamtamang tubig.
Habang abala si Amara sa sakahan, inistorbo siya ng sariling muni-muni: “Matagal na kaming binubuhay ng mga espiritu ng palay, oras na upang ituro kay Lira ang aming mga pamamaraan at pamumuhay.” Kinabukasan, bumalik ang mag-ina sa sakahan, at ibinahagi ni Amara kay Lira ang kanilang gawi at paniniwala sa pagsasaka—ang proseso ng pagtatanim, paggalang sa mga espiritu ng kalikasan, at sining sa pagbasa ng panahon.
Sa pagsisimulang magsaka ni Lira, napangatawanan din ni Amara ang kaniyang misyon—ang mapagyaman ang mga paniniwala at maipasa ito sa mga susunod pang henerasyon. Kahit papaano, panatag na si Amara na mananatili ang diwa ng kanilang kultura. Anuman ang mangyari, may binhing ipupunla, may aning tutubo, at may mga magsasakang babangon para sa kanilang komunidad. Habang nakayuko si Lira sa lupa, natanto niyang bawat butil ay luwal ng kanilang sakripisyo at regalo ng mga espiritu.
Hindi na lamang bata si Lira magmula noong sandaling iyon. Tagapangalaga na rin siya ng bawat sisibol na butil na kanilang ipinunla. At sa bawat binhi at ani, mas nag-aalab ang kaniyang pangako sa sarili—na alagaan at pasibulin ang pamana ng kanilang paniniwala at kultura. ●