Walang aanihin kung sa simula pa lamang, bulok na ang lupang pinagtamnan. Taliwas sa ibinabanderang sustenableng agrikultura ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr., paglason sa kalupaan at pagpapalala ng krisis sa pagkain ang itinatanim ng mga huwad na “siyentipiko” nitong programa sa agrikultura.
Una nang ipinangako ng pangulo ang pakikipagtulungan ng bansa sa Association of Southeast Asian Nations para maisulong ang sustenableng agrikultura. Ngunit gasgas na ang pangakong modernisasyon at rice self-sufficiency ng administrasyon gayong nananatiling top importer ng bigas sa buong mundo ang bansa ngayong taon.
Tulad ng kanyang ama, pinaubaya ni Marcos ang pagbuo ng mga patakaran sa agrikultura sa mga lokal at internasyonal na teknokrata–mga ekspertong sinasabing siyentipiko raw ang batayan ng inihahaing solusyon sa mga problemang kinahaharap ng mga pesante. Ang mismong Kagawaran ng Agrikultura (DA) ay pinamumunuan ng isang bilyonaryong may-ari ng korporasyon na responsable sa mga proyektong reklamasyon na sumisira sa kabuhayan ng mga mamamalakaya sa Manila Bay.
Sa ilalim ng DA, pinangunahan ng Bureau of Plant Industries ang planong pagsali ng Pilipinas sa International Union for the Protection of New Varieties of Plants (UPOV). Ngunit sa pagpapahintulot ng estado na ibayong paigtingin ang dikta ng UPOV sa mga maaaring itanim, napipilayan ang karapatan ng mga magsasakang magtanim ng sariling binhi batay sa pangangailangan.
Sa deka-dekadang pagpupumilit ng estadong tanggalan ng awtonomiya ang magsasaka sa lupa at pagtatanim, lalo lamang lumala ang krisis sa pagkain at kalupaan. Salat sa pondo ang sektor ng agrikultura at repormang agraryo, na nakaambang matapyasan pa ng P9.2 bilyon ayon sa 2025 National Expenditure Program.
Winawasak lamang ng pagtuon ng estado sa eksport at pagkakaroon ng kita ang mga lupaing nagbibigay pagkain sa bansa. Sa pagbuhos ng samot-saring mga kemikal sa kalupaan upang matamnan ng cash crops, nasisira ang mga sakahan. Ang resulta: 87.1 porsyento ng lupa sa bansa ang apektado ng land degradation, ayon sa IBON Foundation.
Hindi na maikukubli ng estado ang interes nito: ang makapagkamal ng kita nang walang pagsasaalang-alang sa mga pesanteng naghihikahos bunsod ng mga maka-dayuhang polisiya sa sektor ng agrikultura. Kung tutuusin, mas siyentipiko pa nga ang gawi at kaalaman ng mga magsasaka.
Karaniwang makikita sa mga bungkalan tulad ng sa Lupang Ramos, Lupang Tartaria at sa San Jose del Monte ang crop rotation at paggamit sa organikong pataba—mga gawing nakaugat sa siyentipikong kaalamang nilinang ng mga magsasaka ng marami nang henerasyon. Sa kolektibong pagpapayabong ng mga magsasaka sa mga bungkalan, naituturo nila ang kanilang mga gawi, at napaparami nila ang kanilang ani nang hindi nalalason ang kalupaan.
Ngunit dahil lihis ito sa interes ng estado at maka-dayuhang porma ng sektor ng agrikultura, patuloy na ginigipit ang mga pesante sa bansa. Puno’t dulo ng mga atakeng ito ang pagpigil ng estado sa primaryang solusyon sa krisis ng agrikultura: ang tunay na reporma sa lupa. Kalakip ng pagdagdag ng badyet sa sektor, ipinapanukala ng mga pesante ang Genuine Land Reform Bill na magsisiguro sa pagkakaloob ng libreng lupa sa mga magsasaka.
Kaakibat nito ang kahingiang talikdan ng estado ang pagpasa ng mga problema sa agrikultura sa kamay ng mga teknokrata at negosyante. Sa siyentipikong gawi at bungkalan napapamalas ng mga magsasaka ang sustenableng agrikultura, at sila rin ang tanging may kakayahang payabungin ito.
Nasa kamay ng mga pesante ang binhing makapagpapatatag sa kalupaan ng bansa. Sa pagsulong sa kanilang karapatan sa lupa at pagsuporta sa mga siyentipiko nilang gawi sa pagsasaka makakamtan ang tunay na sustenableng agrikultura. ●