Nahaharap ang mga estudyante sa mas peligrosong katayuan makalipas ang isang taon. Sa magkasunod na taon, naglunsad ng special elections para sa University Student Council matapos muling manaig ang abstain sa kalakhan ng mga posisyon sa konseho nitong Mayo.
Tigib ng mga kontradiksyon at sanga-sangang diskurso hinggil sa pagwawasto at pagpapaabot ng puna ang naging laman ng usapin sa mga forum at programa nitong mga nakaraang linggo. Sa hindi pagresolba sa ugat ng mga isyung nagdala sa kinahahantungan ng kilusang estudyante, lalong lumalawak ang siwang sa representasyon.
Hindi natatapos sa eleksyon ang patuloy na pagpapalakas sa pakikilahok ng mga estudyante tungo sa tunay na representasyon, at lalong hindi dapat ito dumulo sa pawang diskurso ukol sa pananatili o pagtanggal ng abstain sa balota. Ano pa man ang dahilan ng pagboto ng abstain at hindi paglahok sa halalan, malinaw na patuloy na humihina ang tiwala at sumisidhi ang disilusyon ng mga estudyante sa konseho at mga lider-estudyanteng kumakandidato.
Higit na kahingian ngayon ang mas malalim na pag-ugat sa mga isyung kinakaharap ng kilusang estudyante—ang dispalinghadong pagwawasto at pagkokonsolida ng mga samahan hinggil sa pagkasangkot ng mga lider-estudyante sa mga kaso ng sexual harassment at frat-related violence, humihinang partisipasyon sa mga pagkilos, at kahinaan ng mga kampanyang hindi lumalagos sa mga mag-aaral.
Kung tutuusin, unang hakbang pa lamang sa pagpapalakas ng kilusang estudyante ang paglutas sa mga nagsasanga-sangang isyu na ito. Gayong habang nagpapatuloy ang kalugmukan ng kilusan, hindi nito nagagampanan nang lubos ang tungkuling magsilbi sa mga estudyante at iba pang sektor.
Pagkat hindi na napapagana ang mga teknikal at internal na proseso sa pagpapaabot ng puna at pagreresolba ng mga suliranin, dumaluhong ang mga isyu sa naganap na miting de avance noong Lunes. Higit isang taon mula nang sumailalim sa pagwawasto ng mga bulok na internal na proseso ng paghawak ng mga kaso ng sexual harassment ang STAND UP, wala pa ring ganap na katarungan para sa mga biktima. Walang bahid ng tapat na pagharap sa mga kontradiksyon ang tono ng mga naging diskurso, walang tunguhing makapanghikayat ng paglahok sa mga estudyanteng hindi gagap ang pinagmumulan ng hidwaan.
Dinidiin ng mga pangyayaring ito ang kahalagahan ng salimbayang pagtutulak ng ganap na pagwawasto ng mga internal na proseso at pagpapalakas ng pakikilahok ng publiko sa pamamagitan ng mga kampanyang tumutugon sa pangangailangan ng nakararami.
Ngunit maging ito ay hindi makasasapat kung mananatiling nakapako sa mga lipas nang taktika ang mga binubuong solusyon. Bunsod ng kapos na pagkonsolida sa mga estudyante, humihina ang mga kampanya tulad ng Defend UP Network, dahilan para hindi tumagos ang mga pagkilos sa iba pang mga estudyante. Sa pagpapanawagan laban sa militarisasyon, komersyalisasyon, at iba pang isyu sa pamantasan, mahalagang mapatimo ang mga kongkretong ugnayan ng mga estudyante sa panghihimasok ng mga militar sa kampus o paglalako ng UP sa lupain nito sa mga negosyante.
Kahingian ang palagiang pagkonsulta at pakikinig sa mga estudyante upang matugunan ang mga kondisyong humahadlang sa kanilang partisipasyon—personal na disposisyon, mabibigat na gawaing pang-akademiko, limitadong dorm slots, at kapos na espasyong pang-estudyante.
Hamong kailangan tanganan ng mga lider-estudyante ang pagbuo ng mga kampanyang umaangkop sa nagbabagong demograpiya, prayoridad, at gawain ng mga estudyante sa UP. Maaarok lamang ito sa pamamagitan ng pagsisimula sa sistematikong pag-aaral hinggil sa kondisyon ng mga estudyante. Ano pa’t sa tiwala at kumpiyansa ng mga estudyante lang din magmumula ang kakayahan ng konseho na gampanan ang mandato nito.
Ang tiwalang ito ang magsisilbing armas ng konseho sa pagpapaunawa sa mga estudyante sa kahalagahan ng partisipasyon at magbibigay katwiran sa itinutulak nitong mga kampanya.
Ngunit lampas sa konseho, kinakailangan ang pagkokonsolida sa lahat ng pormasyong bumubuo sa komunidad ng UP, kabilang na ang mga organisasyon at partidong politikal. Halaw sa mga kampanyang kinakasa sa mga lokal na kolehiyo, maaaring bitbitin ang parehong malapit na pakikipag-ugnayan upang matalunton ang interes ng mga estudyante. Patunay ang ilang mga lokal na kolehiyo at iba-ibang organisasyon na napapakilos pa rin ang mga estudyante basta’t lapat ang mga gawain sa kanilang mga kalagayan.
Sa paghubog ng mga lider-estudyante mula pa lamang sa antas ng lokal na kolehiyo, mabubuhay muli ng kilusan ang pagpapalakas sa mga kampanyang isusulong sa unibersidad at maging sa administrasyon ng UP. Mabigat na gampanin, kung gayon, ang pakikinig sa mga estudyante upang makabuo ng pundasyon na magiging lunsaran ng pagpapanumbalik ng nagkakaisang pwersa ng kilusan.
Gayundin, nahaharap ang buong sangkaestudyantehan sa gampaning mas maging kritikal sa pagpili ng mga lider na uupo sa konseho. Ang mga estudyante, higit sa lahat, ang pangunahing apektado sa mga panahong hindi maagap na nakakapagkasa ng mga kampanya laban sa kakulangan ng mga espasyong pang-estudyante, nakaambang pagtaas ng bilihin sa kampus buhat ng komersyalisasyon, at mabilis na pagpasok ng mga represibong patakaran sa pamantasan. Mga pinunong pinagkakatiwalaan ng estudyante ang magiging susing kinatawan sa pagsulong ng mga kampanyang ito.
Ano pa man ang maging resulta matapos ang botohan ngayong araw, mananatili ang lamat na nabuo ng mga kontradiksyon at diskurso nitong nagdaang kampanya. Sa pagkakataong may manalo man sa bawat posisyon at lahat ng mga kumakandidatong councilor, mananatiling kapos ang uupo sa konseho, indikasyon ng mas tumitinding kahingiang makilahok at harapin ang mga kontradiksyon tungong ganap na kalutasan.
Sa kabila ng mga mapanghating diskurso, isa lamang ang tiyak: Nananatili ang iisang tunguhin na makapaglingkod at matamasa ng bawat estudyante ang mga serbisyo at karapatang malaon nang sinusulong. Marahil sa nagkakaisang hangarin na ito mabubuklod ang mga lider at kapwa mag-aaral upang higit na pasiglahin ang kilusang estudyante. ●