Bagaman pinuri ng mga magsasaka ang naging hatol ng Court of Appelas nitong Agosto na ipagpapatuloy ang ban kontra golden rice at Bt talong, nangangamba pa rin ang Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (MASIPAG) sa posibleng pagbawi ng ban na ito.
Tagumpay na maituturing ng MASIPAG ang 33-pahinang hatol ng Court of Appeals, kung saan iginiit ng korte ang pagpapatigil sa komersyalisasyon ng dalawang genetically modified organism (GMO).
Ngunit, inaasahan ng grupo na tatangkain ng mga proponente ng golden rice at Bt talong—ang Department of Agriculture (DA), Bureau of Plant Industry, at ilan pang ahensya ng gobyerno–na bawiin ang desisyon.
“Ina-anticipate namin this year na mag-fi-file ng motion for reconsideration ang Philippine government … mag-pre-prepare kami ng comment at ng counterarguments para hindi ma-overturn yung ruling,” ani Eliseo Ruzol Jr. ng MASIPAG.
Banta sa Kalikasan at Magsasaka
Ang golden rice ay nilikha bilang lunas sa kakulangan ng vitamin A buhat ng mataas nitong lebel ng naturang bitamina. Samantala, ang Bt talong ay may mas mataas na resistensya sa peste kumpara sa karaniwang uri ng talong. Pareho itong tinututulan ng MASIPAG dahil sa maaaring negatibong epekto nito sa kalikasan.
Bagaman ligtas ang golden rice ayon sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice), ahensyang kabilang sa DA, ayon naman sa korte ay wala pang consensus ang kaligtasan ng dalawang pananim.
Dagdag ng korte, hindi natupad ng gobyerno ang sapat na pagmomonitor sa epekto ng dalawang pananim sa kapaligiran na minamandato ng mga Joint Department Circular ng DA.
“Maaaring mag-trigger kasi ng nationwide genetic contamination itong golden rice dahil possible na ma-cross contaminate yung mga traditional rice varieties natin,” ayon kay Ruzol.
Hindi bihira ang mga kaso ng kontaminasyon ng mga GMO. Sa Pilipinas, inulat na ng ilang magsasaka ang kontaminasyon ng kanilang mga binhi ng mais matapos ang introduksyon ng Bt corn, isang GMO.
Dahil ang Bt corn ay may resistensya sa herbisidyo, hinihikayat nito ang mga magsasakang damihan ang aplikasyon ng kemikal. Ngunit, kung naparami ang aplikasyon ng iisang kemikal sa mahabang panahon, maaari itong magbigay-daan sa “superweeds” na mahirap puksain buhat ng resistensya nito sa herbisidyo.
Bukod sa banta nito sa kalikasan, natunghayan ng MASIPAG na mababa ang ani ng golden rice kumpara sa kumbensyunal na uri ng palay. Tumatabo lang sa 2.8 tons per hectare lang ang naaani kumpara sa karaniwan na 4.3 tons per hectare—na ayon kay Ruzol ay magdudulot ng pagkalugi ng magsasaka.
Dagdag pa niya, dahil ang lisensya sa golden rice ay nasa Syngenta, isang pribadong korporasyon, posibleng tumaas pa ang gastos sa produksyon ng bigas na magiging dagdag pasanin sa magsasaka.
Tunggalian sa Korte
Mahaba ang naging hidwaan sa korte ukol sa dalawang GMO. Unang inaprubahan ng DA ang komersyal na produksyon ng golden rice noong 2021 at ng Bt talong noong 2022.
Ang hatol ng Court of Appeals ay nakaugat sa isang petisyon noong 2022 ng MASIPAG kasama ang ilan pang grupo. Nilayon nitong ipatigil ang komersyalisasyon ng dalawang pananim at bawiin ang mga biosafety permit nito para sa komersyal na propagasyon.
Bago ang hatol nitong Agosto, nag-isyu na ang Supreme Court ng writ of kalikasan noong Abril 2023 bilang tugon sa petisyon, at sinuhayan ito ng hatol ng Court of Appeals noong Abril 2024. Hinarangan ng mga ito ang komersyalisasyon ng dalawang GMO sa kamay ng PhilRice at iba pang ahensya ng gobyerno.
Hinihiling sa korte ang writ of kalikasan sa paghahangad na proteksyunan ang kalikasan kapag nalalagay sa panganib ito.
“It is actually an extraordinary remedy since it is … a remedy designed for [the] special purpose of giving stronger protection for the environmental rights in cases when one’s right to healthful ecology has been violated,” ayon sa isang abogado ng mga petisyoner.
Pagtanaw sa Hinaharap
Naghahanda ang MASIPAG sa posibilidad na dalhin muli sa Supreme Court ang petisyon kung maghain pa ng motion for reconsideration ang mga respondente, bagaman wala pang ipinalabas na pahayag o plano ang DA ukol sa desisyon noong Agosto.
Kung dalhin man ang petisyon sa Supreme Court, tinitingnan ng MASIPAG na magmungkahi ng bagong polisiya upang pahigpitin ang pagmomonitor ng mga GMO sa bansa, bagay na suportado rin ng Court of Appeals.
“Mag-iisip na kami ng either another policy for [GMO] ban, or isang concrete policy on maayos na biosafety law,” ayon kay Ruzol. “Meron lang tayo nung Joint Department Circulars … problema [dito] ay hindi siya gaano katapang, hindi siya gaano ka-stringent o rigorous.”
Higit pa sa hidwaang legal, idinidiin ng MASIPAG na ang mga problemang nais lutasin ng mga GMO—ang malnutrisyon at ang kawalan ng seguridad sa pagkain—ay mga problemang masosolusyunan ng pakikinig sa mga magsasaka at pagtugon sa kanilang mga pangangailangan.
”Regardless kung manalo kami or matalo, ipapagpatuloy pa rin namin yung aming gawain sa likas-kayang pagsasaka at farmer empowerment … di naman end-all, be-all ang court policy,” ani Ruzol. ●