Magsasagawa ng kilos-protesta ang iba-ibang organisasyon ng mga estudyante at manininda sa UP Diliman upang tutulan ang komersyalisasyon ng unibersidad sa nalalapit na bahagyang pagbubukas ng DiliMall, partikular ang Robinsons Easymart sa Lunes.
Sa ipinadalang email ng Office of Student Projects and Activities kaninang umaga, imbitado ang ilang organisasyong pang-estudyante sa one-day bazaar sa unang palapag ng mall. Magsisimula ang bazaar mula 8:00 n.u. hanggang 5:00 n.h.. Eksaktong 10:00 naman ng umaga ang opisyal na seremonya.
Papalitan ng DiliMall ang nasunog noong 2018 na Shopping Center, at ang master leaseholder na CBMS Research and Management Consultancy Services (CBMS-RMCS) ang mamamahala nito.
Nauna nang iniulat ng Collegian na magbubukas ang DiliMall noong Agosto 2024. Ibinahagi pa ng consultant ng CBMS-RMCS na ang grocery at mga photocopier sa ikatlong palapag ang mauunang magbukas. Taliwas ang mga ito sa nalalapit na pagbubukas ng Robinsons Easymart, na nasa unang palapag, sa Lunes.
Una na ring ibinahagi ni University Student Council (USC) Councilor-elect at UP Not for Sale Network (UP NFS) Co-convenor Kristian Mendoza na nilapitan umano ng pamunuan ng DiliMall ang ilang organisasyon para dumalo sa pagbubukas at magtanghal.
Kaugnay nito, magpapatawag ng community town hall assembly ngayong linggo ang USC at UP NFS kasama ang administrasyon ng UP Diliman at DiliMall upang pag-usapan ang isyu. Bukas ang pagpupulong sa mga estudyanteng nais dumalo.
“Now more than ever, dapat nila tayong pakinggan dahil yung epekto naman ng DiliMall is not just confined doon sa maninindas, not just confined sa admin, but sa entire [UP Diliman] community,” giit ni Mendoza.
Isiniwalat pa ni Mendoza na sa isang pagpupulong noon sa pagitan ng UP Shopping Center Stallholders Association at CBMS-RMCS, mayroong plano na ipasara ang Area 2 dahil magiging kakompetensiya raw ito ng DiliMall.
“Ang CBMS rin ang suspected na third-party leaser ng (UP) International Center and we derived this information from the fact na una nakalagay dun sa release nila for job postings, job listings na yung opisina ng CBMS ay sa UP International Center,” pagbibigay-diin ni Mendoza.
Dagdag pa ni Mendoza, upang magagap ng mga estudyante ang isyu hinggil sa DiliMall, kailangang ituring ito bilang “gut issue” dahil aniya ang epekto nito sa loob ng unibersidad ay pagtaas ng presyo ng pagkain, pagbagal ng daloy ng trapiko, at pagtaas ng bilang ng mga banta sa kaligtasan.
Apektado rin aniya ang kabuhayan ng 30–31 manininda sa Old Tennis Court at ng iba pang nakapwesto sa J.P. Laurel St. sakaling ipasara ang Area 2 upang bigyang-daan ang pagtatayo ng mall.
“Tigilan at huwag ibenta ang ating unibersidad dahil sa pagbenta na ito, ang ginagawa rin ay binibenta yung kinabukasan natin,” ani Mendoza. “Makiisa tayo sa laban dahil ang laban na ito ay hindi lamang sa ating kinabukasan, kundi sa kinabukasan ng buong [UP Diliman] community.” ●