Pormal nang naghain ng kaso ang mga pamilya ng mga biktima ng Bloody Sunday Massacre sa United Nations Human Rights Committee (UN HRC) matapos silang balewalain ng mga korte sa Pilipinas.
Pinangunahan ang kampo nina Rosenda Lemita, ina ng pinaslang na organisador ng mga mangingisda na si Ana Marie Lemita-Evangelista, at ni Liezl Asuncion, asawa ng pinaslang na lider-manggagawa na si Manny Asuncion. Isinapubliko ang kaso sa isang press conference na ginanap noong Nobyembre 9 sa Tomas Morato, Quezon City.
Bukod kina Rosenda Lemita at Liezl Asuncion, umupo rin bilang panel sa press conference sina Christina Palabay (Karapatan), VJ Topacio (HUSTISYA), at Ephraim Cortez (National Union of People’s Lawyers) (Dean Gabriel Amarillas)
Bukod sa pagpapaingay ng pagpapasa ng kaso, itinampok din sa press conference ang panawagan nilang isama sila sa kasulukuyang hearing ng House Quad-Committee sa giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Isang taon na ang lumilipas walang ginawa ang DOJ (Department of Justice) sa pamumuno ni Boying Remulla. Nawalan na kami ng pag-asa sa mabagal na justice system dito sa Pilipinas. Hindi lang ako ang nakararanas nito, pati ang tokhang at pagpaslang ng estado,” ani Lemita.
Ang Pinagdaanan ng Kaso sa Pilipinas
Isa ang Bloody Sunday Massacre sa pinakamalaking operasyon na ginawa ng gobyerno sa Timog Katagalugan na nauwi sa anim na nasawing aktibista noong Marso 7, 2021. Sa operasyong ito, pinunterya ang nasa 24 na indibidwal sa pamamagitan ng mga search warrant na nagresulta din sa pagkakaaresto ng anim na indibidwal sa mga probinsya ng Rizal, Batangas, at Cavite.
Mga organisador sa kani-kanilang mga komunidad ang karaniwang naging biktima ng operasyon. Ayon sa pahayag ng Karapatan, bago ang madugong pamamasalang, matagal na silang nakaranas sila ng matinding red-tagging at pananakot mula sa gobyerno.
“Masakit sa akin bilang ina na nag-aalala sa lagay ng aking mga anak, ang sinapit ng aming pamilya,” sabi ni Lemita. “Hangad lang namin ang disenteng pamumuhay, ipaglaban ang karapatan at ang aming komunidad, pero ganito ang sagot sa amin ng estado.”
Bigo ang mga naging imbestigasyon sa masaker dito sa bansa. Nauwi lamang ito sa pagkakaabswelto ng mga salarin sa pamumuno ng DOJ, na siyang pinangunahan ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Dahil sa posisyong ito, miyembro si Remulla ng anti-terror council na may kakayahan na bansagan ang mga sibilyan bilang terorista. Siya rin ang namumuno ng AO 35 Inter-agency Committee na naglalayong protektahan ang mga aktibista at tigilan ang mga extrajudicial killing.
Ngunit, ilang araw matapos maupo sa puwesto bilang tagapamuno ng kagawaran binansagan niya sa isang panayam na “career helper” si Asuncion ng mga rebelde, ayon umano sa kanyang mga intel.
Ayon sa resolusyon noong Disyembre 2022, na isinapubliko lang noong Marso 2023, ibinasura ang kasong inihain ng mga pamilya ng biktima ng Bloody Sunday dahil sa kakulangan ng ebidensya–bagay na pinabulaanan ni Ephraim Cortez, National Union of People’s Lawyers, lalo’t may mga saksi raw ang mga pamamaslang.
“This is the kind of ‘working justice system’ that we have in the country. It is one that works to ensure impunity for the perpetrators of state-sponsored killings and deny justice to the victims,” saad ni Christina Palabay, Karapatan secretary general.
Pagkakahalintulad sa Tokhang
Para sa mga kaanak at abogado, parehas ang naging mekanismo ng mga extrajudicial killing at Bloody Sunday Massacre na siyang hinahayaan ang pamamayani ng madudugong pamamaslang nang walang pangangailangang dumaan sa mga lehitimong proseso.
Patunay ang sinapit ng unyonistang si Manny Asuncion dito, na sinugod ang bahay, at pinalabas muna bago barilin. Idinagdag pa ni Cortez na gusto pa raw palabasin ng pulisya dati na nakipaghabulan si Manny mula Cavite City hanggang Dasmariñas. Ito ay dahil ang search warrant na ginamit noong Bloody Sunday ay “drive against gun-running syndicates” aniya.
Kung kaya’t iginiit din ng mga grupo ang kagyat na pangangailangang bigyan ito ng pansin ng House Quad-Committee, lalo’t iniimbestigahan nila ngayon ang giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kaya sinasabi natin sa QuadComm, nararapat na i-expand yung investigation, not only to include lawyers killed in the course of the drug war, but also activists [and] dissenters, pati ang mga … [sibilyan na] sinasabi nilang NPA (New People’s Army) na nanlaban,” dagdag ni Cortez.
Nitong nakaraang Blue Ribbon Committee hearing noong Oktubre 28 patungkol sa War on Drugs ni Duterte, inamin niya na hinihikayat niya ang mga pulis na palabasin na lumaban muna ang mga biktima bago sila patayin.
Magkapareho ang mga pangalang nabanggit sa press conference na itinurong mga salarin sa pagpapanatili ng ganitong mekanismo. Bukod kay Duterte, naging matunog ang mga pangalan nina Police Col. Lito Patay na kasali sa Bloody Sunday Massacre at dating Philippine National Police (PNP) Chief Debold Sinas para sa paglelehitimisa ng mga pagpaslang.
“It's a legitimate operation because they are covered by search warrants. Kung alam niyo kung gaano kahirap kumuha ng search warrants then naintindihan niyo you have to justify the charge, witnesses. Those are legitimate operations covered properly by the documents issued by the court,” banggit ni Sinas sa isang press conference noong Marso 2021.
Parehas kapwa sikat sa paglahok sa mga madudugong operasyon. Nagamit bilang isang halimbawa ang Oplan Sauron ni Sinas, isang malakawang operasyon na imbes puntiryahin ang mga krimen at droga, ay pumatay sa mga nangangalaga ng karapatang-pantao sa Negros sa rehimen ni Duterte.
Iginiit din ng mga grupo na “malambot” ang pagtrato ng QuadComm kina Sinas at Patay, kumpara kay dating PNP Chief din na si Royina Garma, na tumakas sa bansa noong Nobyembre 7.
Ang Hinaharap ng Kaso sa UN
Tatlong kaso ang isinampa ng mga pamilya sa UN HRC base sa International Covenant on Civil and Political Rights: ang Right to Effective Remedy, Right to Life, at Right to Liberty and Privacy.
Inaasahang hindi bababa sa anim na buwan ang kinakailangan para pormal na maiproseso ng UN HRC ang sinampang kaso. Pagkatapos nito, ipapaalam ang kaso sa gobyerno ng Pilipinas kung saan mabibigyan sila ng pagkakataon para sumagot. Mabibigyan naman ng dalawang buwan ang mga complainant para ibigay ang kanilang panig.
Kapag natapos na ito, tsaka pa lamang maaaring magbigay ng findings ang komite ng UN.
Bagaman hindi pa napag-aaralan ang pagpapatupad ng gobyerno sa isang internasyunal na hatol, naniniwala ang mga grupo para sa karapatang-pantao na malakas ang kanilang kaso.
“We submitted lahat ng mga evidence including affidavits of eyewitnesses … So it’s that strong to establish na not only that they were killed, but also who killed them at yung manner of killing, kasi they were obviously overpowered already,” sabi ni Cortez, “malaki ang chance nito sa UN committee.”
Lampas sampu ang respondent ng kasong inihain sa UN HRC, kabilang na rito si Col. Patay.
Bagaman bukod ito sa imbestigasyon ng International Criminal Court, nilinaw ni Palabay na “they complement each other in terms of looking at the situation sa Pilipinas.”
“Walang respeto si Duterte sa karapatang-pantao, wala siyang respeto sa aming maliliit na tao. Ang pag-file po namin ng complaint sa United Nations ay hindi lang para sa amin ng pamilya ko, ito ay para sa lahat ng mga walang-awang pinatay na mga aktibista at biktima ng EJK ng rehimeng Duterte,” sabi ni Lemita. ●