Pabatid: Maaaring maglaman ng mga spoiler hinggil sa pelikula ang artikulong ito.
Ilang kliyente na ang kanyang inayusan at pinaganda bilang parlorista. Naibsan na niya ang sakit at mga lamig sa likod ng napakaraming kliyente bilang masahista. At hindi na rin mabilang ang mga kantang kanyang ni-lip sync bilang drag queen. Pagdating kay Bambi, hindi naging alintana ang pagod at sakit alang-alang sa pagsuporta sa pamilya. Kaya, kahit ang pamemeke ng sariling kamatayan para lamang makuha ang P10 milyong life insurance ay pinatos niya na rin.
Sa pelikulang “And The Breadwinner is…” sa direksyon ni Jun Robles Lana, binagtas ang buhay ng isang breadwinner ng pamilya, kaakibat ng pagiging Overseas Filipino Worker (OFW) niya. Bilang breadwinner, pinasok ng karakter ni Bambi ang iba-ibang trabaho matiyak niya lamang na may sapat na perang maipadadala sa pamilya. Habang tinitipid ang sariling pagkain, patuloy naman siya sa paggastos sa mga damit ng kanyang mga kapatid, at pati ang pagtustos sa matrikula ng mga ito. Para kay Bambi, mas matimbang ang kanyang kagustuhang tiyakin ang pang-araw-araw ng pamilya kaysa ang lumbay na nadarama sa higit isang dekada niyang hindi pag-uwi sa Pilipinas.
Pinatutunayan ni Bambi na walang iisang itsura o kasarian ang breadwinner. Noong namayao ang kanyang tatay Popsie at naglahong bigla ang panganay na kapatid na si Baby, tinalikuran ni Bambi ang pangarap niyang maging flight attendant. Sa halip ay buong loob niyang inako ang responsibilidad na maging tagapagtaguyod ng pamilya.
Anuman ang pagkakakilanlan ay maaaring maging breadwinner, lalo na kung dito nakasalalay ang ikabubuhay ng pamilya. Gayundin, ang sitwasyon ni Bambi ay tumutugon sa nagbabagong itsura ng ating lipunan. Bukod sa pagkakaroon ng baklang breadwinner, malimit na rin na ang mga nanay o kaya naman mga panganay na babae ang umaako rito.
Lampas sa hangaring matulungan ang pamilya, natutulak ang mga taong maging mga breadwinner at mag-ibang bansa buhat ng masalimuot na ekonomikong kondisyong kanilang nararanasan. Noong 2023, tinatayang 2.16 milyon ang bilang ng OFWs mula buwan ng Abril hanggang Setyembre, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority. Kalakhan ng mga OFW ay nag-iibang bayan dahil sa mas mataas na pasahod at kompensasyong hindi natatamasa sa Pilipinas.
Ngunit may hangganan ang lahat ng kasinungalingan. Kasabay ng pagkabigo ng kanilang planong makuha ang life insurance ay ang komprontasyon sa pagitan ni Bambi at ng kanyang pamilya hinggil sa pagturing sa kanya bilang isang bangko. Panunumbat mang maituturing, hindi maaalis ang bigat ng pasanin ng pagiging breadwinner na inilaan ang buong buhay upang suportahan ang pamilya. Patong-patong ang bitbit na mga problema ni Bambi, mula sa pagkadismaya sa hindi nabuong bahay na akala niyang pinundar niya sa Taiwan, hanggang sa paglubha ng sakit ng kanyang ina na buong akala niya ay pinagagamot na, dagdag sa kanyang iniindang kanser.
Kalaunan, buhat ng taning sa buhay ni Bambi, nabuo sa reyalisasyon ng pamilya Salvador ang kahalagahan ng tunay na pagsasama-sama. Ipinakita sa dulo ng pelikula na hindi naman dapat hantungan ng mga breadwinner ang magkaroon ng malubhang sakit o mamatay. Bagkus, nagtapos ito sa pag-unawang ang responsibilidad sa pamilya ay hindi mag-isang ginagawa, kundi kolektibong inaangkin.
Likas sa maraming Pilipino ang pagiging malapit sa pamilya, kaya gayon na lamang din ang mga sakripisyo alang-alang sa kanila. Ngunit nabibigo lamang din ang malasakit at pagmamahal na ito kung mag-isang binabagtas ng miyembro ng pamilya ang mga pagsubok ng buhay.
Gaya ng ipinakita ng karakter ni Bambi, walang espasyo ang pagiging makasarili lalo pa pagdating sa usapin ng pamilya. Ngunit, salimbayan dito, hindi rin naman dapat nating akuing mag-isa ang responsibilidad sa kanila. Dahil sa huli, mas mainam pa rin ang sama-sama at may pagpapahalaga sa gampanin ng bawat isa sa pagtataguyod ng isang pamilya. ●