Higit na nakikilala ang mga patalastas sa pamamagitan ng malikhaing produksyon ng mga ito. Kung kakaiba at bago sa paningin ng mamamayan, hindi malabong tangkilikin ang patalastas at ang produktong ibinabandera nito. Naging kaagapay ng mga negosyante ang iba’t ibang plataporma tulad ng radyo, telebisyon, dyaryo, at social media na araw-araw ginagamit ng mamamayan upang makibalita.
Sino ba ang hindi mangangasim ang sikmura, halimbawa, kapag nakita sa mga grocery ang paggamit ng Nescafe sa mukha ng mga magsasaka sa pakete ng mga produkto nito? Ayon sa kanila, isa raw itong paraan ng pagdakila sa mga magsasaka, hindi na bale kung sa mahabang panaho’y pinagkakitaan at pinagsamantalahan sila sa ngalan ng pagkamal ng labis-labis na kita.
Kamakailan lamang, may pumatok na namang patalastas ng isa sa mga kilalang softdrinks sa Pilipinas. Naging usap-usapan ito sa social media dahil bihira lamang tayo makakita ng konsepto ng isang inang nag-aangat ng ulo, sa ilalim nito ay mayroong bote ng softdrinks.
Kalabisan
Magaling makipaglaro sa ating mga isipan ang mga negosyante kung kaya madalas, hindi natin napapansin na tayo ay nililinlang na. Sinasamantala ng mga negosyante ang ating mga pangangailangan at personal na kagustuhan sa pamamagitan ng paglikha ng mga patalastas.
Bilang kasangkapan ang mamamayan ng mga mapagsamantalang makinarya ng lipunan, lalo na sa paglikha ng kultura sa loob nito, malaki ang impluwensya ng madalas na pinipili ng kalakhang bilang ng mga nakakasalamuha natin sa personal nating mga pinagpipilian.
Sa araw-araw na pagpapalabas ng mga patalastas ng kanilang mga produkto sa telebisyon, radyo, dyaryo, at social media applications, mas mapapabilis ang paghahakot nila ng mga suki na siya namang makakapag-impluwensya sa mas malaking bilang ng mamamayang Pilipino.
Bukod pa rito, sinasamantala rin ng mga negosyante ang estilo ng paglikha ng sining ng mga ad creative at ang pagtanggap ng mamamayan sa mga sining.
Isa ang RC Cola ad sa maituturing na postmodernong likhang ad na labis na pinag-usapan noong 2020. Patok ang paggamit ng estilong ito sa paggawa ng sining na nagbibigay ng laya na gawin ang kahit na anong porma ng sining sa kahit na anong pamamaraan, nang walang depinitibong kahulugan.
Tila palaisipan pa rin para sa iba kung ano ba talagang layunin ng mga patalastas. Sa isang interbyu na dinaluhan ng mga creative ng RC Cola ad, tinanong sila kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng patalastas na kanilang inilabas. “Basta” lamang ang natatanging naging sagot ng mga taong bumuo ng ideya ng patalastas.
Naging matagumpay ang RC Cola ad sa pagtupad sa layuning hatid ng postmoderno na likha kaya naging usap-usapan ito sa social media. Napaglaruan nito ang isipan ng mamamayan dahil sa mga simbolismong ginamit ng ad creatives, tulad ng bote ng softdrinks sa ilalim ng ulo ng isang ilaw ng tahanan.
Pilit na hinahanapan ng mamamayan ng kultural na kahalagahan ang mga pinagtagpi-tagping elemento sa RC cola ad na magkakasama sa iisang patalastas lamang. Kaya maging ang kulay ng balat at ayos ng buhok ng isa sa mga gumanap na artista sa patalastas, at ang tunay na relasyon nito sa kanyang ina, ay naging usap-usapan din.
Kabawasan
Layunin ng postmodernismo na kalikutin at itulak ang mamamayan sa pag-iisip kung bakit kailangan pa ng rason sa pag-iral ng mga bagay na ganap at yari na rito sa mundo. Ayon sa isang negosyanteng si Hitesh Bashin, para sa kanilang mga negosyante, hindi na mahalaga ang nilalaman ng mga patalastas dahil mas nakatuon na ang pansin ng mamamayan sa kung paano magiging nakakatawa at kakaiba sa kanilang paningin, pandinig, panlasa, at pandama ang mga patalastas na natutunghayan.
Nagbibigay ang postmodernismo ng laya sa atin upang tanggapin ang mga sining na kakaiba sa ating mga mata at mas naitutulak tayo ng estilong ito na pumili lamang ng mga bagay na mas mapapakinabangan natin bilang mga indibidwal, kahit pa wala talaga itong kapaki-pakinabang at maitutulong sa kalakhang mamamayan.
Naniniwala sina Shelly Rodgers at Esther Thorson, mga manunulat ng librong Advertising Theory, na ang paglikha ay umuunlad depende sa pangangailangan ng henerasyon kaya kinakailangan nitong umayon sa mga oportunidad na ihinahatid ng midya, mga pag-uugaling pangkaraniwan sa mamamayan, isyung pangkultural, at mga kakatwang representasyong panlipunan ng mga gumagawa ng patalastas.
Sa tuwing nakalilikha ng “icon” ng produkto at naisasapubliko ang mga ito sa midya, naghuhulma ito ng imahe ng mga produkto ng mga negosyante sa isipan ng mga ordinaryong mamimimili, lalo kung sasabayan pa ito ng mga punchline na tiyak na nakatutuwa para sa publiko o hindi kaya ay nakakakiliti sa iba pang mga emosyon ng mamamayan.
Dahil sa puspusang paggastos ng mga negosyante sa disenyo at porma ng mga patalastas o icon ng kanilang mga produkto, mas lumalawak ang mamamayang naaabot nito. Kadalasan pang gumagamit ng mga kilalang artista upang ipakilala ang kani-kanilang mga produkto. Kabilang na sa postmodernong pag-iisip ang pagtanggap sa mga malikhaing istratehiya ng mga negosyanteng ito.
Mapapansin na pinapatay ng mga likhang postmodern ang siyentipikong paglikha ng sining. Kabilang tayo sa mga nag-aambag at nabubuhay sa postmodernong panahon kaya sa ngayon, ito pa ang pinaka-tinatangkilik na estilo na siyang nagpapadaloy sa paggawa ng mga patalastas, maging sa iilang sining sa kabuuhan dahil malaya ang lahat na gumawa ng kanilang sining nang walang gaanong panghuhusga, bagkus lubos pang pagtanggap sa mga gawa.
Karahasan
Taong 2019, nagkaroon ng patalastas ang isang kumpanya ng mga kape gamit ang danas ng mga magsasaka. Patuloy man nilang subukang maging maka-masa sa pamamagitan ng pagsalpak ng litrato ng mga magsasaka sa packaging ng kanilang mga kapeng ibinebenta sa merkado, hindi nito matutumbasan ang pangangailangan ng mga magsasaka.
Bukod pa rito, partikular din sa mga negosyanteng gumagawa ng alak ang pag-iral ng mga kababaihan na parating tinitingnan bilang materyal ng mga kalalakihan—na pinakapangunahing pinupuntiryang mamimili ng produktong ito.
Dagdag pa ang pagtingin ng lipunan sa mga ina. Kadalasan sa mga patalastas ng sabong panlaba, nanay ang parating nagiging simbolo nito na tila ba sila lamang ang mayroong kakayahan upang maglaba ng mga damit, kahit pa kaya rin naman itong gawin ng mga kalalakihan. Kaya humantong ang mga kalalakihan sa pagtingin nila sa mga kababaihan bilang taong bahay lamang.
Sa kabila ng pang-impluwensya ng mga negosyante sa kalakhang bilang ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpapalabas na mahikal at kapaki-pakinabang ang kanilang mga produkto ay mayroong mga binabastos, ikinukulong at pinapatay.
Kung mayroon talagang layunin ang mga negosyante na baguhin ang pagtingin ng mga tao sa mundo, kailangan maging isa sila sa pagwawaksi ng maduming kalakaran sa merkado. Itigil ang paggamit sa danas ng mamamayang noon pa lamang ay inaabuso na. At bilang mga naglalakihang negosyante, maging makatao sa pagbibigay ng sahod o bahagi ng lupa para sa mga manggagawa’t magsasaka—nang magkaroon din sila ng pantustos sa kani-kanilang pamilya at nang hindi lamang manatili ang kanilang mga danas sa mga telebisyon, radyo, dyaryo, social media application, at maging sa packaging ng mga produktong ibinebenta sa merkado. ●