Kasabay ng paghahabol na makumpleto ang units sa pagsalubong sa bagong semestre, isa pang pagsubok na haharapin ng maraming estudyante ang kasalatan sa slots ng mga dorm sa UP. Para kay Laom, isang estudyante mula sa Kolehiyo ng Sining Biswal, malaking tulong sana ang matanggap sa UP dorm lalo pa’t nagmula pa siya sa Naga, Camarines Sur. Kaya gayon na lamang ang pagkadismaya nang malamang bigo siyang makuha rito.
Isang buwan bago magsimula ang ikalawang semestre, nagbukas ang tanggapan ng UP Diliman Office of Student Housing para sa mga estudyanteng nangangailangan ng dorm slots. Nagsisilbi ang mga dorm sa UP bilang maayos, aksesible, at abot-kayang espasyo para sa mga estudyanteng naghahanap ng matutuluyan, kabilang na ang mga nakatira sa malalayong probinsya.
Ayon sa 2010 General Guidelines on Accommodation in UP Diliman Residence Halls, nakabatay sa layo ng lugar na pinagmulan at income bracket ng pamilya ng aplikante ang deliberasyon ng Dormitory Assistance Committee. Dito, mas binibigyang prayoridad ang mga nakatira sa probinsya, mga nagmula sa mababang income bracket, at freshmen. Ngunit patunay ang karanasan ni Laom na hindi pa rin ito katiyakan upang makakuha ng dorm slot sa UP.
Naghahanap si Laom ng dormitoryo sa Krus na Ligas matapos hindi matanggap sa UP Dorm. (Marcus Azcarraga/Philippine Collegian)
Isa sa naging bahagi ng aplikasyon ang pagkuha ng litrato ng bahay na kasalukuyang tinitirahan ng dorm applicant. Ngunit para kay Laom, hindi ito sapat na batayan upang masabi ang totoong estado ng pamumuhay ng isang mag-aaral. “May part kasi ng form [that] asks for the picture of the area, siguro to understand the situation of the person from the province … Although, hindi rin kasi nakikita doon yung situation mismo ng tao … It doesn’t really signify [yung income bracket].”
Magmula noong tumama ang pandemya, humarap sa mga pampinansyal na suliranin ang pamilya ni Laom. Abala din siya ngayon sa pag-aasikaso ng thesis, kung saan malaki ang ginagastos sa mga materyal na kinakailangan. Buhat nito, tulad ng maraming mag-aaral, hangad niya sanang makatipid sa espasyong matutuluyan.
Naglalaro sa P5,000 hanggang P7,000 ang presyo ng mga unit sa Krus na Ligas, ang karaniwang alternatibong tuluyan ng mga isko at iska dahil aksesible at malapit lamang din ito sa kampus. Kung susumahin ang bayad sa renta at ibang pang mga bayarin sa tubig, kuryente, at pagkain, malaking dagok ito para sa mga estudyanteng tulad ni Laom. “Nag-try lang din ako [kumuha ng dorm sa UP] kasi kailangan ko na rin lumipat. Namamahalan na rin kasi ako dito sa current studio unit na nakuha ko. Sabi daw kasi mas mataas daw yung chances ng taga-probinsya kapag mag-a-apply,” dagdag pa niya.
Karaniwang itsura ng mga studio units sa Krus na Ligas. (Marcus Azcarraga/Philippine Collegian)
Upang makatipid, mas minabuti ni Laom na maghanap ng mag-aaral na kapwa nangangailangan ng unit para mapaghatian ang renta. Sa UP Diliman Alternative Housing Portal, isang inisyatibong pinasinayaan ng University Student Council, malayang nakakapag-post ang mga estudyante ukol sa paghahanap ng dormitoryo. Talamak din ang mga ganitong group sa Facebook kung saan kolektibong nagtutulungan ang mga dormer upang makahanap ng maayos na matutuluyan sa abot-kayang halaga.
Sinasalamin ng kondisyon ni Laom ang realidad ng marami pang estudyante sa kampus: Ang pagkukumahog maghanap ng abot-kayang matutuluyan buhat ng limitadong slots sa UP dorm. Nananatili ang malaking gampanin ng administrasyon ng UP na tutukan ang pagbuo ng mga espasyong nakalaan sa kapakanan ng mga mag-aaral at komunidad na dapat pinagsisilbihan nito. Higit, kinakailangang matiyak na holistiko ang proseso ng aplikasyon, kung saan hindi lamang pangunahing nakabatay sa pinagmulan o kinikita ang pamantayan. Bagkus, sa kasalukuyang estado at pangangailangan ng isang estudyante.
Pagkat karapatan lamang din ng bawat estudyante ang makatamasa nang maayos na espasyong magpapabuti ng sariling kondisyon sa pag-aaral sa pamantasan. ●