Hinihikayat na ang mga kolehiyo sa UP Diliman na bumuo o muling palakasin ang kani-kanilang komite sa wika, matapos lagdaan ni Tsanselor Edgardo Carlo Vistan II ang Memorandum Blg. ECLV-25-003 noong Enero 9, 2025.
Bubuuin ito ng isang pinuno at apat na miyembro na naglalayong tugunan ang mga pangangailangang pangwika ng kanilang kolehiyo, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Sentro ng Wikang Filipino (SWF).
Ang SWF ay isang institusyong itinatag sa UP Diliman matapos pagtibayin ng Lupon ng mga Rehente ang Patakarang Pangwika noong 1989 para itaguyod ang wikang Filipino bilang intelektuwalisadong wika ng pagtuturo, saliksik, publikasyon, malikhaing produksiyon, at opisyal na komunikasyon.
Sa usapin ng pangangailangang pangwika, hindi SWF ang magtatakda sa kung ano ang kailangan ng bawat kolehiyo. Bagkus, responsibilidad ng mga komite na ilapit sa sentro ang mga pangangailangan nila, sa pagsasalin man ito ng mga katitikan sa pulong, pabatid, korespondensiya opisyal, o pubmat.
“Isa sa mga tiningnan ko, kailangang ma-maximize lahat ng efforts ng Sentro, hindi lang sa publikasyon o sa pagbubuo ng mga seminar. Ang pinakamahalaga ay pakikipag-ugnayan sa mga kolehiyo. Tila nakakalimutan natin paano pa natin palalakasin ang Filipino sa loob ng UP,” saad ni Jayson Petras, direktor ng SWF - UP Diliman.
Hindi na bago ang mga ganitong pagtatangkang palakasin ang wikang Filipino sa loob ng kampus. Alinsunod ang pagbubuo ng mga Komite sa Wika sa Konstitusyong 1987 at UP Patakarang Pangwika ng UP. Ngunit, dahil sa pabago-bagong prayoridad ng sentro tulad ng pagpapaunlad ng wika sa pamamagitan ng mga seminar, tila naisantabi ito nang higit isang dekada.
Kung kaya’t itinuturing ng SWF na makasaysayan ang pagpapasa ng memorandum na ito. Ang institusyonalisasyon ng Komite sa Wika ang panghahawakan ng sentro na magpapatuloy ang proyektong ito, mag-iba man ang direktor, dekano, o administrador.
Sinimulang bisitahin ng sentro ang mga kolehiyo noong mga huling buwan ng 2023, kung saan ipinaliwanag nila kung ano ang mga Komite sa Wika at ang SWF. Ibinahagi ni Petras kung papaano hindi pa rin alam ng iilang kolehiyo ang trabahong ginagawa nila sa unibersidad. Inakala pa nga ng iilan na parte sila ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng Kolehiyo ng Arte at Literatura.
“Sa pagbisita namin, nalaman naming nakikita ng mga kolehiyo ang importansya ng wika. Ang problema, hindi nila alam kung papaano ito gagawin. … Ang sinasabi nila, 'Hindi kami nasanay na gumamit ng Filipino sa mga disiplina namin.’ Ang ideya nila ng Filipino ay purong Filipino na kinakailangan na lahat ng teknikal na termino, sinasalin sa Filipino,” ani Petras.
Sa ngayon, umabot na sa 20 ang mga nabisita ng sentro, at pito pa ang kailangan nilang bisitahin. Kabilang sa mga hindi pa nila nakakapanayam ang Kolehiyo ng Agham, na malayo ang disiplina sa humanidades. Ngunit, sa tulong ng bagong labas na memorandum, inaasahan nila ang isang makabuluhang relasyon sa hinaharap.
“Sa pagkalat ng misimpormasyon at disimpormasyon, at kung nasa Ingles lagi nagsasalita ang unibersidad at ang mga disiplina, salungat ito sa lumalabas sa social media na [Filipino ang] wika ng masa. Kaya importante na talagang tumawid sa ganitong klase ng pagpapahayag sa wikang nauunawaan ng masa,” sabi ni Petras. ●