Mula sa pagpasok ng ika-21 siglo hanggang sa kasalukuyan, nasa isang pampolitika, panlipunan at pangkulturang sangandaan ang Pilipinas. Galing sa paniniil ng kolonyalismo at imperyalismo, sa hagupit ng Batas Militar, hanggang sa mga isyung panlipunan sa kasalukuyan, nagsisilbing daluyan ang teatro sa paglaban sa inhustisyang dulot ng di-makatarungang sistema.
Isang adaptasyon ni Rody Vera ng “Mother Courage and Her Children” ni Bertolt Brecht, isinasalaysay ng dulang “Nanay Bangis” sa direksyon ni J. William Herbert Sigmund Go,ang paglalakbay sa Mindanao ni Nanay Bangis katuwang ang kanyang mga anak. Lulan ng tindahang de-karton, sinubukan nilang mamuhay sa gitna ng sagupaan sa pagitan ng mga Moro at sundalong Pilipino sa ilalim ng pamumuno ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Isinadula sa entablado ang tindi ng militarisasyon sa Mindanao noong Batas Militar, na nagdulot ng karahasan, pambobomba, at masaker sa libu-libong Moro. Sapilitang pinalayas ang marami mula sa kanilang lupaing ninuno, siyang nagdulot ng kahirapan at diskriminasyon. Pinuntirya ng operasyong militar ang buong rehiyon kung saan ang mga residente ay itinuring na kasabwat ng armadong paglaban ng mga Moro. At hanggang ngayon, mailap ang paghilom ng sugat dulot ng militarisasyong patuloy na nararanasan sa Mindanao.
Bilang isang adaptasyon ng dula ni Brecht, ipinamamalas ng “Nanay Bangis” ang mga katangian ng dulaang Brechtian na naglalaman ng hangaring manghikayat ng kritikal na pagsusuri sa mga isyung panlipunan at pampolitika. Nagsisilbi ang ganitong teatro bilang mabisang kasangkapan ng protesta, isang tradisyong nagsimula na noon pang mga unang taon ng teatrong sedisyoso.
Simulain ng Teatro bilang Protesta
Higit pa bilang lokus ng libangan, may kapangyarihan ang teatro na isulong ang mga adhikain ng kilusang masa. Ito ang ipinagtibay ng pag-usbong ng seditious theater, maging ang mga kolonyal na porma ng teatro—sarsuwela, drama lirico, drama simboliko—na kalaunan ay nalangkapan ng subersibong tradisyon ng mga mandudulang Pilipino. Lumitaw din ang street theater o dulansangan bilang mahalagang kasangkapan ng aktibismo noong diktadura ng rehimeng Marcos, kung saan nanaig ngunit nilabanan ang militarisasyon.
Habang nagsisilbi ang dula bilang paglalarawan ng sosyo-politikal at sosyo-kultural na pagbabago sa lipunan, sa mas malalim na pagsipat, ipinamalas ng mga sinaunang dulang protesta ang esensiya ng kolektibong pagkilos. Giit ni Pamela Castrillo, propesor at mananaliksik ng panitikan, patuloy na nagsisilbing kasangkapan at ensayo para sa rebolusyon ang teatro para sa mga inaapi, habang natututo silang itanghal ang kanilang sariling mga kwento bilang paghahanda sa pakikibaka para sa kalayaan.
Buhat nito, natuto ang mga mandudula mula sa teatrong Brechtian kung saan nakahanap sila ng mga inobatibong paraan upang magpatalas ng protesta. Sa ganitong paraan, nagkaroon ng interaksyon ang teatrong Pilipino at teatrong Brecht, silang nagkakaisa sa parehong layunin—ang gawing sandata ang teatro sa pagmumulat at pagtataas sa antas ng kamalayan sa materyal na kondisyon ng lipunan.
Unang itinanghal sa Pilipinas ang mga dula ni Brecht noong dekada sisenta, kabilang na ang “Mother Courage and Her Children,” na itinanghal sa Ingles ng Repertory Philippines noong 1968. Bilang pagtuligsa sa Batas Militar at bilang pagtugon sa layuning mapakilos ang mamamayan, nagsimulang ilangkap sa mga dulang Pilipino ang mga elemento ng teatrong Brechtian.
Nanay Bangis: Ina, Maralita, at Negosyante
Isang palaisipan ang karakter ni Nanay Bangis, marahil, matutunghayan sa entablado ang pagtunggali niya sa kanyang sarili. Isa siyang ina ngunit ang bawat galaw ay nakatuon sa kung anong pakinabang ang mabibigay nito sa kanyang hanapbuhay. Ang pagiging masalimuot ni Nanay Bangis ay maaaring tingnan hindi lamang bilang bunga ng kapitalismo kundi bilang manipestasyon ng sistemang pang-ekonomiya at panlipunan na nangluluwal ng ganitong uri ng tauhan.
Maaaring masuri si Nanay Bangis bilang talinghaga ng isang lipunang nasa krisis. Ayon kay Joi Barrios sa “Mula sa mga Pakpak ng Entablado,” higit na mauunawaan bilang talinghaga ang babae sa dula sapagkat sila ay karaniwang inilalarawan hindi bilang kongkretong tauhan, kundi bilang mga abstraktong konsepto, naglalantad ng mas malalim na pinagmumulan.
Sa dula, makikita ito sa pagiging hindi aktibo ni Nanay Bangis sa paglahok sa pagbabago. Kung gayon, matutukoy bilang isang manipestasyon ng krisis ng bansa ang pagguho ng kanyang moralidad. Maihahalintulad ito sa troll farms noong nakaraang eleksyon na sa halip na nagsulong ng makatotohanang diskurso ay naging kasangkapan para sa panlilinlang na nagbubunyag ng pagguho ng krisis moralidad sa harap ng krisis panlipunan.
Ang pagpapasya ni Nanay Bangis na maging negosyante ay matatalos bilang isang reaksyon sa materyal na kondisyon ng kanyang paligid, kung saan ang pagsunod sa dikta ng kita at kapital ang nagiging pangunahing paraan upang mabuhay. Samakatuwid, si Nanay Bangis ay sintomas ng kapitalismo—ang kanyang kalagayan at tunggalian at repleksyon na nagbubunyag ng mas malalim na mga kontradiksyon sa loob ng bansa na may malakas na tulak ng kapitalistang sistema.
Gayunman, hindi maikakahon si Nanay Bangis sa alinman sa kabutihan o kasamaan. Marahil, nasa gitna ng isang moral at praktikal na tunggalian ang kaniyang pagiging ina at negosyante. Maihahalintulad ito sa masang Pilipino na napipilitang magtrabaho at magnegosyo sa paraang sumusuporta sa naghaharing kaayusan. Halimbawa, sa isang eksena sa dula, nagkunwari si Nanay Bangis na hindi niya kilala ang kanyang yumaong anak na si Kesong Puti, upang hindi siya matimbog ng mga sundalong Pilipino bilang “kasabwat ng mga Moro.” Pagkalipas ng insidenteng iyon, ipinagpatuloy pa rin niya ang pagbebenta sa mga sundalo upang mapanatili ang kanyang negosyo.
Samakatuwid, representasyon ang sitwasyon ni Nanay Bangis ng mas malawak na reyalidad. Ang kawalan ng aktibong paglahok ni Nanay Bangis ay hindi simpleng kawalan ng interes, kundi resulta ng sistemang sinadyang gawing abala ang mga tao sa pagtugon sa kanilang agarang pangangailangan. Sa ganitong malas, tumatayo si Nanay Bangis bilang talinhaga ng masang napapailalim sa parehong mekanismo ng pang-aalipin.
Negosyo Bago ang Lahat
Isa sa sandigan ng teatrong Brecht ay ang paggamit nito ng Marxistang pagdulog, na siyang pinanatili sa adaptasyon ng Nanay Bangis. Matutunghayan ito sa mga desisyon ni Nanay Bangis nang nahirapan siyang magdesisyong isanla ang tindahan para tubusin ang anak sa militar, siyang laging nakatuon sa kanyang tindahan bilang pinakaunang priyoridad. Batay sa pagsasakategorya ni Amado Guerrero, maaaring maituring si Nanay Bangis bilang isang lumpien proletariat. Ayon kay Guerrero, “The lumpen proletarians are an extremely unstable lot. They are easily bought off by the enemy and are given to senseless destruction”.
Bukod sa tatak ng teatrong Brecht na “alienation effect” na layuning ilayo ang manunuod sa mga tauhan sa dula, lantad din ang pagpapanatili ng paggamit ng alienation sa adaptasyon, isang konseptong Marxista. Ipinapahayag ng alienation ang proseso kung saan ang tao ay nagiging hiwalay sa mga aspeto ng kanyang buhay at lipunan na mahalaga sa kanyang pagkatao. Ito ay pagkakahiwalay ng tao mula sa sariling paggawa, produkto ng paggawa, kapwa tao, at sa sarili niyang potensyal bilang tao.
Gaya ng natunghayan sa Nanay Bangis, ang ganitong alienasyon ay makikita rin sa tunay na buhay. Sa konteksto ng mga manggagawang Pilipino, nanalaytay ang alienasyon partikular sa mga kontraktuwal na manggagawa at mga manggagawang sumusuweldo nang mas mababa sa minimum wage. Ang alienasyon sa hanay ng mga manggagawang nabanggit ay nagmumula sa kawalan ng kontrol sa kanilang sariling paggawa. Walang katiyakan ang seguridad at kinabukasan ng mga kontraktuwal na manggagawa habang ang mga manggagawang sumusuweldo nang mas mababa sa minimum wage ay inilalayo sa kanilang karapatang pantao dahil sa hindi sapat na suporta para sa disenteng pamumuhay, nagbubunsod ng siklo ng kahirapan at pang-aapi.
Ang paggawa ng mga manggagawang Pilipino ay pag-aari ng kapitalista, naituturing lamang silang instrumento para sa sagana ng namamayaning puwersa. Alintana na ang alienasyon na naranasan ng mga manggagawang Pilipino ay hindi lamang isang pansamantalang kalagayan, kundi isang sistematikong dagok na matagal na nating nilalabanan. Ang sitwasyon ni Nanay Bangis ay salamin sa patuloy na pakikibaka ng mga maralita sa isang sistemang mapang-uring patuloy na nagiging sanhi ng kanilang alienasyon.
Hindi pa Tapos ang Laban
Sa pagtatapos ng dula, matutunghayan si Nanay Bangis, mag-isa, wala nang tindahan, nanlulumo sa hinuhang hindi siya ang kumita sa digmaan, bagkus, ang digmaan ang kumita sa kanya. Ngunit higit pa rito, sumasalamin ang kanyang pagkatalo sa estruktural na pagkatalo ng mga maralita sa isang lipunang hinuhubog ng pangingibabaw ng kapitalismo at pasismo.
Hindi pa tapos ang laban, iyan ang ipinapahiwatig ng malungkot at bukas na pagtatapos ng Nanay Bangis. Sa ganitong malas, nagiging isang makapangyarihang daluyan ng paggising at pagpatalas ng kamalayan ang teatro. Pinaglilimi ang mga manunuod, hinihimok na magnilay sa sariling gampanin sa pagbabagong dapat matamo para sa pagtaguyod ng interes ng mas nakararami.
Isang tanong ang magpapaisip sa manunuod sa pagwawakas ng dula: paano nga ba makakamtan ang katarungan sa isang sistemang ang mismong balangkas ay pagkawala, pagkaubos, at hindi pagkapantay-pantay? Ngunit sa bawat hakbang ng manunuod palabas ng teatro, dala nila ang sagot—na ang paglaban para sa pagbabago ay hindi natatapos sa entablado, kundi nagsisimula sa ibaba nito. ●