Kakabit na ng buhay ni Tarhata Nasiron, 62, isang katutubong Molbog, ang Sitio Mariahangin sa Brgy. Bugsuk, Balabac, Palawan. Dito niya na rin nakilala at napangasawa ang di-katutubong si Eusebio Pelayo, 69. Nagkaroon ng 12 anak ang dalawa at laking pasasalamat nila sa mga biyaya ng dagat dahil binuhay nito ang kanilang pamilya.
Brgy. Bugsuk, Balabac, Palawan.
Pagtatanim ng lato sa dagat at pangingisda ang pangunahing ikinabubuhay ng mga katutubo sa sitio. Sa tig-anim na oras na paglaot sa araw at gabi, kumikita sila ng hindi bababa sa P500, at pinakamataas naman ang P10,000.
“Basta continuous lang ang hanapbuhay, maliksi ang buhay namin. Sapat sa pagkain gaya ng inihaw na isda, kinilaw na lato, kahit kamoteng kahoy lang basta mabuhay kami,” paglalarawan ni Eusebio sa pamumuhay nila sa Sitio Mariahangin nang kapanayamin ng Collegian.
Sa ganitong paraan itinaguyod ng mag-asawa ang kanilang pamilya. Sa katunayan, makakapagtapos ang isa sa kanilang anak ng kursong agrikultura ngayong taon, habang kursong edukasyon naman ang tinahak ng isa pa.
Ngunit noong Hunyo 29, gaya ng kanilang sinisisid na mga lamang dagat, tila isdang nabulabog sa sariling tahanan ang mga katutubo nang pasukin ang Sitio Mariahangin ng 16 na armadong kalalakihang may takip ang mukha at nagpaputok ng baril nang anim na beses. Ayon sa mga katutubo, tauhan umano ang mga lalaki ng Bricktree Properties, isang subsidiary company ng San Miguel Corp.
Dumalo ang mag-asawang Pelayo sa media forum sa Ateneo noong Set. 24, 2024 upang ipanawagan na itigil na ng San Miguel ang pandarahas sa kanila tulad ng gabi-gabing pagpapalipad nito ng drones. (Litrato ni Eunicito Barreno)
Danas Mula sa Pandarahas
Ibinahagi ng kabataan at katutubong Molbog na si Rustene Leoncio ang karanasan niya hinggil sa pandarahas ng umano’y armadong tauhan ng San Miguel noong Hunyo 29. Ayon sa salaysay ni Leoncio sa isang media forum sa Ateneo De Manila University, may nakita siya at ang kanyang mga kaibigan na isang armadong lalaki na nasa itaas ng isang malaking bato sa dalampasigan ng isla.
“Natakot ako kasi nag-warning shot yung lalaki. Nagsabi siya sa akin na wag ko raw isumbong na nandoon sila. Tinutukan niya ako ng baril. Hindi ko na rin hinintay na kalabitin niya ang baril. Nakadapa na ako sa pampang. Sabi ko sa mga kasama ko na bumalik na kami para humingi ng tulong at magsumbong,” ani Leoncio.
Kinabukasan, Hunyo 30, naging triple pa ang bilang ng mga armadong lalaki. Nagtayo rin sila ng kampuhan malapit sa tahanan ng mga katutubo. Pitong pulis mula sa munisipalidad ang dumating limang oras matapos ang insidente ayon sa mga katutubo, matapos na ilang ulit nilang tawagan ang Commission on Human Rights bandang alas-12 ng tanghali.
Nanindigan naman ang lider ng kabataang Molbog na si Angelica Nasiron na tauhan din umano ng San Miguel ang mga opisyales ng barangay at lokal na pamahalaan ng Balabac. Kaya, hindi tumutugon ang mga ito sa panghihimasok sa lupain at pandarahas sa mga katutubo.
“Hindi nila kami tinutulungan kahit sa pagkuha ng requirements katulad ng sedula o barangay certificate. Hindi rin kami makapasok mismo sa aming barangay hall,” ani Nasiron sa parehong media forum.
Planong Pangkaunlaran?
Ang panghihimasok at pagpapaalis sa mga katutubo sa Mariahangin ay upang makuha ang iba pang karatig isla at bigyang-daan ang itatayong 5,568-ektaryang ecotourism development project ng Bricktree Properties sa isla ng Bugsuk, ayon kay Romillano Calo, pinuno ng Samahan ng mga Katutubo at Maliit na Mangingisda sa Dulong Timog Palawan (Sambilog) at katutubong Pal’awan.
Dagdag pa ni Calo, hindi lamang sa 10,821 ektaryang lupain ang planong eco-tourism ng Bricktree Properties kundi sa 25,000 ektaryang lupain ng isla ng Bugsuk at mga karatig isla nito.
Mapa ng isla ng Bugsuk na pagtatayuan ng San Miguel ng mga imprastruktura nito.
Plano ng San Miguel na magtayo ng white beach tourist park sa naturang isla. Nakapagtayo na ito ng paliparan at nagsimula nang mag-alis ng mga bakawan upang bigyang-daan ang 20-kilometrong white beach. Samantala, mayroon na ring mga white beach at kilometrong haba na sandbars sa 38-ektaryang isla ng Mariahangin.
Sa kasalukuyan, dalawang paliparan na ang itinatayo ng San Miguel sa isla ng Bugsuk. Isa rito ang Bugsuk International Airport na gagamitin sa pagluluwas ng mga produktong gawa sa niyog. Samantala, isa pang paliparan ang itinatayo para sa Philippine Air Force.
Ayon sa Bricktree, may permiso anila ang kumpanya mula sa pamahalaang lokal ng Balabac. Nakasaad sa dokumento na nakakuha ang korporasyon ng strategic environmental plan clearance at environmental compliance certificate mula sa Department of Environment and Natural Resources sa mismong Balabac Office of Sangguniang Bayan noong Nobyembre 2023.
“Hindi namin yan maaaring ibigay sa kanila kasi dyan kami nabubuhay. Sa simula’t sapul, doon na kami talagang pinanganak ng magulang namin. Pati yung mga libingan ng mga magulang namin, nandoon iyon. Bawal din po iyon halungkatin at ilipat sa ibang lugar,” giit ni Tarhata.
Siklo ng Pandarahas
Ang insidente noong Hunyo 29 ay hindi ang unang pagkakataon na nakaranas ng pandarahas ang mga katutubo. Una nila itong naranasan noong ng Batas Militar. Para sa mga katutubo, hindi ito tuluyang nawala sapagkat nararamdaman pa rin anila ang “de facto Martial Law” na dulot ng San Miguel.
Taong 1974 nang ikaloob ng diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa negosyante at dating may-ari ng San Miguel na si Danding Cojuangco ang lupa ng mga katutubo sa Balabac, Palawan upang bigyang-daan ang hybrid coconut plantation project nito. Makalipas ang limang taon, itinayo naman ang Jewelmer Corp ng isang French pearl farmer at ni Manuel Cojuangco, kapatid ni Danding.
Ilang tala ng pandarahas ng San Miguel at Jewelmer Corp. ayon sa mga katutubo sa Balabac, Palawan
- 1981 - Higit walong libong ektarya ng pangisdaan sa Balabac ang isinara sa mga katutubo at sa halip ay ibinigay sa Jewelmer. Pinagbawalan na mula noon ng Jewelmer ang mga katutubo na mangisda sa tradisyunal nilang pangisdaan.
- 1989 - Nakaranas ng intimidasyon si Eusebio Pelayo mula sa noo’y Philippine Constabulary at security personnel ng Jewelmer. Kwento ni Pelayo, matapos siyang sumisid at makakuha ng dalawang kilo ng balatan mula sa katubigang isinara, hinarang siya ng security guard ng Jewelmer sakay ang isang speedboat at saka inatake ng dalawang pulis ng konstabularyo.
- 2007 - Iniutos ng kapitan ng barangay na si Eduardo Alfaro na igapos at muntikan nang ipapatay ang kapatid ni Eusebio na si Oscar Pelayo kaugnay ng pagiging lider nito ng sitio, samahan at pangunguna sa mga kilos-protesta noong 2004 sa Puerto Prinsesa Palawan. Nagkaroon ng rekomendasyon ang barangay sa ilalim ni Alfaro na nagtatalaga na ang kinatitirikan ng pearl farm ng Jewelmer ay isang "strict protection zone."
- Peb. 2019 - Nilapitan ang katutubong Molbog at mangingisdang si Alham Tahil ng dalawang armadong tauhan ng Jewelmer sakay ng isang speedboat. Habang nangingisda, binantaan aniya siya ng dalawang lalaki na kung hindi sila aalis sa Mariahangin ay pupukpukin sila ng sagwan. Umalis na lamang si Tahil sa kanyang pinangingisdaan dahil sa takot.
- Hunyo 29, 2024 - Pinasok ang Sitio Mariahangin ng 16 na armadong kalalakihan na may takip ang mukha at nagpaputok ng baril nang anim na beses.
- Nob. 2024 - Binisita ng mga pulis at mga kinatawan ng San Miguel ang Mariahangin at pinilit ang mga residente na tanggapin ang halagang P75,000 hanggang P400,000 kapalit ng pag-alis nila sa isla. Nagbanta pa umano ang mga tauhan sa mga katutubo na sasampahan sila ng kasong sibil at kriminal kung hindi nila tatanggapin ang alok.
- Nob. 22, 2024 - Sinampahan ng reklamong kriminal sa kasong grave coercion si Eusebio ni Caesar Ortega, dating direktor ng National Commission on Indigenous People at Ancestral Domain’s Office. Kaugnay ito ng umano’y marahas na pangunguna ni Eusebio noong Hunyo 27 upang harangin ang mga tauhan ni Ortega na nakatakdang magbigay sa mga residente ng mga kopya ng isang sertipiko na nagpapawalang-bisa sa apela nina Romillano Calo, Jomly Callon atbp. upang baligtarin ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang desisyon nitong bumabawi sa mga notice of coverage ng lupain sa sitio.
- Dis. 4, 2024 - Sa ipinadalang video ng Sambilog sa Collegian, muling pinasok ang Mariahangin ng 11 lalaking tauhan umano ng San Miguel. Makikita sa video na pinipilit ng mga ito na makipagdayalogo sa mga residente.
- Dis. 13, 2024 - Napag-alaman ng Sambilog nang magtungo ito sa National Commission for Indigenous Peoples (NCIP) na sinampahan din ni Ortega ng parehong kaso ang siyam na residente ng sitio kabilang sina Tarhata, Angelica, at Oscar. Mariin naman nilang pinabulaanan ang akusasyon ni Ortega. Humarap kahapon, Dis. 19, ang mga residente sa Justice Hall sa Sta. Monica, Puerto Prinsesa, Palawan.
Malaon na Pakikipaglaban
Set. 9 nang tumungo sa Maynila ang mga katutubo upang manawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ihinto ang plano ng San Miguel na ecotourism development project at ibalik sa kanila ang lupaing ninuno sa Balabac.
Hinihiling din ng mga katutubo na baligtarin ng DAR ang desisyon nito sa utos ni Secretary Conrado Estrella III na bumabawi sa mga notice of coverage ng lupain kasunod ng isang ulat na nagsasabing hindi angkop ang uri ng lupa sa sitio upang pagtaniman.
Noong Hunyo 2014, naglabas ang departmento ng naturang pabatid para sa mga residente ng Sitio Mariahangin sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ngunit binawi rin ito kalaunan noong nakaraang taon ng Mayo.
Nagsisilbi ang notice of coverage bilang pormal na abiso sa may-ari ng lupa na ang kanyang lupain ay sakop ng CARP, kasama ang kanilang mga karapatan at pribilehiyo. Layunin naman ng programa na maipamahagi ang mga lupaing pansakahan sa mga magsasaka at bigyan ng pagkakataon ang mga walang lupa na magkaroon ng sariling sakahan.
Setyembre 2023 naman nang pagtibayin ni Estrella ang kautusan at naglabas pa ng isa pa upang maalis ang mga lupain sa Bugsuk mula sa CARP. Noong Abril 2024, pinagtibay ng DAR ang deklarasyon nito.
Ngunit pinasinungalingan ng mga residente ng Balabac ang ulat ng DAR at sinabing noon pa man ay nakapagtatanim na sila sa lupain ng mais, kamote, at saging. Ibinahagi pa ni Angelica Nasiron ang isang Facebook post noong Hulyo 2 na may mga residenteng nakapagtanim din ng iba-ibang mga prutas at gulay.
Taong 1999 at 2005 pa naghain ang mga katutubo ng aplikasyon sa NCIP para sa certificate of domain title sa 56,000 ektaryang teritoryo sa Balabac, Palawan, ngunit nakabinbin pa rin ito sa komisyon hanggang ngayon. Ang sertipiko ang opisyal na dokumentong kumikilala at nagbibigay-proteksyon sa karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno.
Mula Dis. 2 hanggang Dis. 10, nanatili ang mga katutubo, kabilang ang mag-asawang Pelayo, sa harap ng DAR upang isagawa ang anila’y mapayapang pakikibaka sa pamamagitan ng siyam na araw ng pag-aayuno. Ngunit sa kabila nito, hindi humarap ang kalihim ng ahensya sa mga katutubo.
“Nananawagan kami sa ating pangulo na sana naman tulungan naman kaming mga mahihirap na mga katutubo—mga inosente na no read, no write. Bigyan naman ng gobyerno ng buhay kasi yan lang ang kabuhayan ng katutubo,” ani Eusebio. ●
Makiisa sa panagawan ng mga katutubo at lagdaan ang kanilang petisyon dito: https://bit.ly/49Pn1OD