Higit kalahati o 55% ng mga tumatakbong party-list group sa halalan ng 2025 ang hindi nagrerepresenta sa mga marhinalisadong sektor sa bansa, ayon sa pag-aaral ng isang election watchdog.
Isiniwalat ni Kontra Daya convenor Danilo Arao sa isang media forum sa UP Diliman College of Media and Communication Miyerkules na 86 sa 156 na tumatakbong party-list ay may kaugnayan sa politikal na angkan, malalaking negosyo, kapulisan, o militar.
Pinuna ng election watchdog na may kaugnayan sa apat ang mga nangungunang party-list group sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations: 4Ps, ACT-CIS, Duterte Youth, Ako Bicol, FPJ Bantay Bayanihan, Tingog Sinirangan, at Talino at Galing ng Pinoy.
Ipinunto pa ng Kontra Daya na “dapat bantayan nang maigi” ang mga tumatakbong party-list, partikular ang Tingog Sinirangan na kaugnay sa angkan ng mga Romualdez na kinabibilangan ng kasalukuyang lider ng Kamara, at ang ACT-CIS na kaugnay sa angkan ng mga Tulfo at Yap.
Bukod sa mga kahina-hinalang ugnayan, pinuna rin ng Kontra Daya ang mga party-list group na may hinaharap na kasong katiwalian at may kaduda-dudang adbokasiya, at maging mga party-list nominee na nagbigay lamang ng limitadong impormasyon sa Commission on Elections hinggil sa kanilang trabaho.
Layunin ng sistemang party-list na magkaroon ng representasyon sa Kongreso ang mga madalas na nakaliligtaan at nabibilang sa marhinalisadong sektor gaya ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang tagalungsod, katutubo, kababaihan, kabataan at iba pa, batay sa Republic Act 7941 na ipinasa noong 1995.
Noong 2001, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagpapatibay na para lamang sa mga marhinalisadong sektor ang pagtakbo sa party-list. Ngunit makalipas ang 12 taon, binaglitad ito ng parehong korte at sinabing hindi na lamang para sa mga marhinalisado ang party-list kundi bukas na rin para sa lahat.
“For example, I'm not a security guard. But if I say that I'm a champion of the rights of security guards, then I can be a party-list nominee for security guards,” ani Arao.
Dagdag pa ng propesor, ang desisyon na ito ng Korte Suprema ang dahilan kung bakit nahahalal ang mga kandidatong kabilang sa politikal na angkan, malalaking negosyo, kapulisan, o militar. Kaya, hindi pagbuwag sa sistemang party-list ang nakikitang solusyon ng Kontra Daya kundi pagreporma rito.
“We have to push for it. And part of the reform is also to question that particular Supreme Court decision kasi yun din yung nagbunsod ng problema sa kasalukuyan. And of course, choose wisely. Isa lang yung iboboto natin [sa party-list]. So, dapat malinaw yung ating tindig kung sino ba ang nararapat sa ating boto,” ani Arao. ●