Limang beses kada araw naglalaan ng ilang minuto si Hailoden Salainto, estudyante ng chemistry, para sa salah, o ang pagdarasal sa mga tiyak na oras na minamandato ng Islam.
Kabilang ang salah sa mga haligi ng Islam na inoobserbahan ng higit-kumulang 100 estudyanteng Muslim sa UP Diliman. Ngunit ayon kay Salainto, walang tiyak na lugar sa kampus para isagawa ito.
“Since naka-dorm naman ako, dito ko ginagawa yung prayer ko sa room ko. Yung iba, ginagawa nila sa libraries. Tapos yung iba is sa gilid lang ng mga classroom or available na space na walang tao,” ani Salainto, na pangulo ng UP Muslim Students’ Association (MSA).
Malaon nang dama ng mga Muslim sa UP Diliman ang kakulangan ng espasyo sa kanilang mga gawaing panrelihiyon. Kakaharapin muli ng MSA ang dagok na ito ngayong magsisimula ang Ramadhan pagsapit ng Marso, kung saan plano nitong magreserba ng silid sa Student Union Building (SUB) nang isang buong buwan. Ngunit balakid din sa mga plano ng MSA ang renta ng mga silid dito.
Halos P9,000 ang kailangan ng MSA upang magreserba ng isang silid sa SUB para sa apat na oras kada araw sa isang buong buwan, ayon sa tala ni Salainto. Hindi pa rito kasama ang pagkain at ibang kagamitan. Bagaman magmumula ang pantustos nila sa mga donasyon mula sa mga miyembro at alumni, dagdag-gastos pa rin ito sa MSA na isang non-profit organization.
Para naman sa mga estudyanteng nais tumungo sa isang moske ngayong Ramadhan, kinakailangan ang dalawa hanggang tatlong sakay at higit 30 minuto upang mapuntahan ang pinakamalapit na moske, na nasa Salam Compound sa Brgy. Culiat.
Dating ginagamit ng mga estudyanteng Muslim ang espasyo ng Institute of Islamic Studies (IIS) sa Romulo Hall para magdasal, ngunit nawala ito noong 2018 nang itakdang di ligtas ang gusali. Pansamantalang matatagpuan ang IIS sa Institute of Small-Scale Industries.
Sinimulan naman noong 2022 ang pagpapatayo ng isang bagong complex para sa IIS, na kapag natapos ay inaasahan ng MSA na magbibigay ng dagdag na espasyo para sa kanila. Ngunit kagaya ng ibang mga proyekto sa kampus, may posibilidad din itong maantala, tulad ng bagong Faculty Center na itinakdang matapos noong 2020 pero ginagawa pa rin hanggang ngayon.
Hindi lamang sa espasyo nagigipit ang mga estudyanteng Muslim. Halos walang nagbebenta ng pagkaing halal sa buong kampus, ayon kay Salainto, kaya kailangan niyang mag-ingat upang iwasan ang mga tindahang nagbebenta ng baboy. Hindi rin opsiyon, aniya, ang pagluluto sa kanyang dormitoryo.
“Hindi kami makagamit ng oven kasi same yung lutuan ng pork. Ang hirap eh na ang pwede lang namin mabili is yung ready-to-eat na food at saka yung mga canned goods,” saad ni Salainto.
Iginiit ng MSA na kailangan ng administrasyon na magtayo ng mga espasyong mapagdadasalan sa UP at lumikha ng mga programa na magpaparami ng mga pagkaing halal para sa kanilang komunidad.
“Not just because we are a minority lang. If ever magpatayo man, mafi-feel namin na we have a voice and welcome kami dito sa campus,” ayon kay Salainto. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong Peb. 18, 2025.