Kasama ng kapwa mga unyonista at mga manggagawa, kumikilos si Mark Ryan Cruz sa kanilang hanay upang itala ang kanilang mga salaysay at unawain ang pangunahing pangangailangan nila—katiyakan sa trabaho at makataong sahod na kayang sustentuhan ang isang pamilya. Si Cruz ang Regional Executive Committee ng Kilusang Mayo Uno (KMU) Metro Manila, at dating ring miyembro ng League of Filipino Students - Technological Institute of the Philippines (TIP).
Nagsilbing inspirasyon si Cruz sa mga kakilala. Tinatanaw siya bilang masayahin, masigasig, at may positibong pagtanaw sa buhay, ayon sa isang Facebook post noong Disyembre 30, 2020 ni Ella Durana, maybahay ni Cruz. Bukod sa pagiging unyonista, si Cruz ay ama at asawa rin, na abala sa pag-aalaga ng mga aso. Pinapa-raffle for a cause ni Durana ang mga tutang Siberian Husky na alaga nila, at ang perang malilikom ay mapupunta sa panggastos nila sa araw-araw at tulong pinansyal na rin kay Cruz at sa mga kasamahan niyang dinakip nitong Disyembre.
Isang patunay sa pagiging mabuti ni Cruz ang tingin sa kanya ng pinsan niyang si Joseph Gonzales, na kasamang niyang bumuo ng pangarap sa isang urban poor community sa Tondo, Manila. Inspirasyon ni Gonzales si Cruz simula nang makita niyang nakikiisa ito sa rally. Dahil dito, napabilang na rin si Gonzales sa isang pang-masang organisasyon.
Ngunit lagi naman nang kumikilos sa mga komunidad ang pamilya ni Cruz. Sa isang panayam sa kapatid niyang si Dave Rosman Cruz, ipinaglaban nito na ang pagiging terorista ay wala sa bokabularyo ng kanilang pamilya at hangad lamang nila ang pagkakapantay-pantay at hustisya para sa lahat.
Mula pa noong Edsa Dos, tumutungo na si Cruz sa lansangan bitbit ang mga panawagan ng mamamayan. Minsan siyang naging lider ng Anakbayan Manila, BAYAN - Manila at KMU NCR. Aktibo si Cruz sa pagiging unyonista ng mga manggagawa ng Unipak, Manila Harbor, at marami pang iba. Bago pa tumama ang pandemya, pinapanawagan na nina Cruz, at kanyang mga kapwa unyonista at manggagawa, ang makatwiran at makataong umento sa sahod.
Isa si Cruz kasama nina Dennise Velasco, Romina Astudillo, Jaymie Gregorio, Jr, Joel Demate, Rodrigo Esparago at Lady Ann Salem, sa tinaguriang #HRDay7. Pinagtibay ang panghuhuli sa kanila ng inisyung warrant ni Judge Cecilyn Burgos-Villavert nitong ika-10 ng Disyembre 2020 sa kasong “illegal possession of firearms and explosives.” Sa panayam kay Durana, iginiit niyang walang ibang dala ang kanyang asawa bukod sa laptop.
Sa higit na pagpapaigting ng Anti-Terrorism Act of 2020, walang habas na pinaghuhuli at kinukwestyon ang mga kritiko ng estado. Dahil din sa batas na ito, higit pang dumarami ang kaso ng mga dinadakip na organisador at ordinaryong mamamayan na inaakusahan bilang terorista.
Ang pulitikal na paniniwala ng mga katulad ni Cruz, at ang mga kinatatakutang kritisismo ng pamahalaan, ay hindi uusbong kung simula pa lamang, naging maayos ang naging pamamalakad ng mga namamahala sa bansa at kung nakikinig ang mga ito sa nais ng sambayanan. Bagkus, ang paghingi ng maayos na pagtugon sa pandemya, at pagtulong sa kapwa, ay itinuturing na mga akto ng pagrebelde sa pamahalaan, o ang pinakamasidhi—terorismo.
May kapangyarihan ang pamahalaang ikulong ang mga nananawagan para sa karapatan at busalan sila hanggang gusto nila, ngunit hindi nito mapapatahimik ang mas malawak na bilang ng mamamayang kanilang ginugutom dahil sa kawalan ng trabaho, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at kakulangan sa sa pamamahagi ng ayuda at sa mismong pagtugon sa pandemya. •