Muling nagbabalik ang Collegian bilang lingguhang pahayagan ng mga mag-aaral ng pamantasan.
Makalipas ang higit anim na buwang pagkakaantala ng pag-iimprenta ng dyaryo, nagbabalik ang publikasyon sa entrada ng mga gusali sa kampus, naghihintay na maipamahagi sa mga mobilisasyon at kampuhan, patungo sa mga komunidad at sektor na pinatutungkulan ng mga pahina nito.
Bagaman ito na ang pinakamahabang panahon mula nang matigil ang pag-iimprenta ng dyaryo bukod noong pandemya, hindi nagpatinag ang pahayagan sa kawalan nito ng dyaryo. Masugid na pinalawak ng Collegian ang presensya nito sa digital na espasyo upang panghawakan ang mandatong magsilbi sa mga mambabasa.
Buhat ng nahuhuling disbursement ng Commission on Higher Education sa pondo ng Collegian sa ilalim ng Free Tuition Law, pumasok ang patnugutan ng pahayagan sa termino nang walang naaprubahang badyet, pilay ang mga operasyon, at walang pantustos sa araw-araw na presswork. Hindi man paborable ang mga kondisyon, patuloy na naglalabas ng mga napapanahong balita ang publikasyon nang hindi binibitawan ang radikal na tradisyon ng pamamahayag.
Sa pagbabalik ng Collegian, kakaharapin nito ang lumulubhang komersyalisasyon sa mga espasyo ng pamantasan na produkto ng sabwatan ng administrasyon ng UP at mga malalaking korporasyon. Nakikihamok din ito sa patuloy na panghihimasok ng militar sa mga kampus. Gayundin, hindi na maaasahan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gayong batbat pa rin ng patong-patong na krisis ang ekonomiya, mula sa nagtataasang bilihin hanggang sa mababang sahod ng mga manggagawa.
Kasabay nito, nahaharap sa matinding hamon ang kilusang estudyante buhat ng matamlay na pakikilahok at katiting na representasyon ng mga estudyante sa kampus. Liban sa pilay na operasyon ng Collegian, naging saksi rin ang pamantasan sa naantalang operasyon ng University Student Council na pormal lamang naupo sa pwesto nitong Nobyembre 2024.
Puspusang ginagampanan ng mga institusyon tulad ng mga publikasyon at konseho ang paglalapit ng mga isyung ito sa mga estudyante. Hindi nahihiwalay, kung gayon, ang laban ng mga institusyong pang-estudyanteng sa mas malawak na laban ng mga mag-aaral para sa akademikong kalayaan, ligtas na espasyo, at kalidad na edukasyon.
Sa paghantong sa kalagitnaan ng termino ni Marcos at paparating na eleksyon, panghahawakan ng Collegian ang pagiging mapanuri at kritikal sa pagtatasa sa mga nagpoposturang may malasakit sa bayan. Higit na kahingian ito ngayong nakasalalay sa mga mahahalal na lider ang kahihinatnan ng bansa sa natitira pang taon ng administrasyon. Hamong tatanganan ng publikasyon ang paglalathala ng mga balitang maglalantad ng katotohanan sa likod ng mga pangako at pahayag ng mga tumatakbo sa pwesto sa gitna ng sumisidhing disimpormasyon.
Matapang na tatanganan ng Collegian ang tungkuling patuloy na ilantad ang korapsyon at katiwalian na laganap sa pamahalaan. Batid na wala puwang sa administrasyon ang pag-aaksaya sa kaban ng bayan, ang pahayagan ay nakikiisa sa pagpapatambol ng kampanya laban sa pagpapatalsik kay Sara Duterte bilang pangalawang pangulo. Kaakibat nito ang pagsingil kay Marcos at mga kaalyado sa sarili nilang mga kaso ng katiwalian, paglabag sa karapatang pantao, at pagsadlak sa bayan sa ibayong krisis pang-ekonomiya.
Salimbayan sa pagsusulong ng mga kampanyang ito, mananatiling nakasandig sa interes ng mga estudyante at batayang sektor ang Collegian. Patuloy na kikilingan ng pahayagan, higit sa lahat, ang mga inaapi, pagkat may pagkilala ito sa pangangailangang isentro ang kanilang mga naratibo at ilantad ang tunay na danas ng mamamayan.
Nagbabalik man sa dyaryo, ipagpapatuloy pa rin ng pahayagan ang pagpapabuti ng mga inilalathala nito sa mga digital na plataporma upang makapanghimok ng mas marami sa gitna na nagbabagong demorapiya ng mga estudyante sa pamantasan. Hindi magpapagitna sa mga usapin at isyu ang Collegian pagkat pangungunahan nito ang pagsusulong ng sariling tindig at panghihikayat sa mga diskurso. Pagsisiguro itong palagiang nailalapat ang mga paksa at isyung tinatalakay sa pahayagan sa konteksto ng mga estudyante at mambabasa nito.
Wala nang mas aakmang tugon kundi ang patuloy na pagtindig ng Collegian para makapagpamulat at makapagpakilos ng mga mambabasa. Dahil ano mang mga isyu ang kaharapin ng pahayagan, makakaasa ang sinomang makapupulot ng dyaryo o makakikita ng post nito sa social media na mananatili itong para sa mamamayan. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong Peb. 18, 2025.