Ngayong kolehiyo, malimit na akong abutin ng gabi sa pag-uwi–kung umuwi man. Mas mabilis kasi ang byahe tuwing gabi kumpara kung alas-kwarto ng hapon ako umuwi.
Mas madali rin kasi ito para sa mga katulad kong umaabot ng halos dalawang oras sa byahe. Sa terminal ng jeep palang sa tapat ng Vinzons Hall, kulang na lang at tubuan ako ng puting buhok tuwing naghihintay nang kay tagal para makarating ng SM North. Huli pa sa lahat, kinakailangan ko pang umikot at rumampa hanggang sa kabilang dulo ng Trinoma para lang makasakay sa EDSA Carousel.
Dagdag pa sa lahat, sa byaheng puno ng pagsubok na ito, daragdagan na naman ito ng isang hadlang para lang makapagpahinga. Ayon kay Romando Artes, chairman ng Metropolitan Manila Development Authority, iminumungkahi ang phaseout ng EDSA Carousel buhat ng tinitingnang pagtaas ng kapasidad ng mga tren sa MRT sakaling madagdagan ito ng mga bagon. Sa naging press conference nito, patuloy lang din na iniwasan ni Artes ang sentimyento na lilipat lang ang punuang sakay ng EDSA Carousel sa MRT.
Kung tutuusin, napakatagal nang pinapatayo itong mga bagong riles ng MRT. Tipong hindi pa bukas ang MRT para sa publiko, ipapahinto na rin agad ang operasyon ng Carousel. Pati nga rin ang bus lane, naaapektuhan rin dahil sa nakasarang parte ng kalsada sa SM North buhat ng pinapatayong riles ng MRT.
Wala na rin kasing ilalapad ang mga kalsada sa Metro Manila. Kaya abot-bituin sila kung magpatayo ng daan, mapahaba lang ang Skyway na pangmayaman lamang. Isa ring dahilan sa pag-alis ng EDSA bus lane ay ang humihigit na kapasidad ng mga dumadaan sa mga Skyway extension, saad ni Jonvic Remulla, kagawad ng Department of Interior and Local Government. Umaabot na sa halos 70% ng kapasidad ang Guadalupe Skyway. Para maibsan ito, pinaplanong magpatayo pa ng dalawang panibagong skybridge kaakibat nito.
Kailanman, hindi maiintindihan ng mga katulad ni Artes at Remulla ang tunay na kahulugan ng mala-sardinas na estado ng pampublikong transportasyon. Sagabal lang naman sa kanila ang bus lane dahil malamig at komportable ang biyahe nila sa kanilang mga sasakyan. Habang kaming mga komyuter, wala nang magawa kundi magmasid sa labas ng bintana para mawala ang pagod.
Mayroon namang panukala ang Metropolitan Manila Development Authority na Comprehensive Traffic Management Plan, kung saan linalayong itatag ang isang “inclusive, people-oriented, sustainable mobility system.” Pero kung iisipin, tumutuligsa ang pagtigil sa operasyon ng EDSA Carousel sa mga aspetong sinusubukang sugpuin ng mga planong ito.
Natural lang na mas pipiliin ng mga mamamayang magkaroon ng sariling sasakyan kung puno ng init at inip lang ang napapala ng mga sumasakay sa pampublikong sasakyan.
Hindi naman talaga mawawala ang trapiko sa EDSA kung tatanggalin ang bus lane. Pero posible pa ring magaan ang biyahe ng nakararami kung titimbangin kung titimbangin lang ng administrasyon ang kanilang pagpapahalaga: ang magagarang kotse, o ang makamasang transportasyon. ●