Madalas kong iniisip kung may kabuluhan pa ba ang mga nagawa at ginagawa ko sa buhay.
Anim na buwan na ang nakalipas mula nang grumadweyt ako sa UP. Kalahating taon na rin akong naghahanap ng trabaho at nagmumukmok sa tuwing di natatanggap. Ang sabi nila, kulang pa raw ako sa experience, kahit na pang-entry level naman ang trabaho.
Kung sa bagay, kasabay ko ring naghahanap ng trabaho ang ilang daan pang bagong nagsipagtapos. Hindi rin naman maiiwasang may iba pang mas kwalipikado pa sa pamantayan ng merkado. Ngunit batid kong sintomas din ito ng lumalalang krisis pang-ekonomiya sa bansa–na lahat tayo, bagong gradweyt man o hindi, ay nag-aagawan sa katiting na oportunidad para sa maayos na hanapbuhay. Kaya kahit pang-entry level ang trabaho, pinapatos na lang din ng mga may ilang taon nang karanasan.
Bagaman alam kong sistematiko ang problemang ito, aaminin kong sa loob ng mga buwang iyon, nagpadala ako sa indibidwalistikong pangangamba. Natulak akong pagsisihan ang naging panahon ko sa pagkilos at adbokasiya. Higit lalo, pinagsisihan ko ang panahon ko sa Kulê. Kung tutuusin, may nagbabasa pa ba nito? May namumulat pa ba sa mga inilathala rito? Kung ginugol ko na lang sana ang oras ko sa pagpapahaba ng resumé noong nag-aaral pa ako, siguro may trabaho na ako ngayon at di na ako pinag-iinitan ng pamilya.
Ngunit napagtanto kong sa ganitong paraan din tayo pinanghihinaan ng loob ng lipunang pinaghaharian ng iilang makapangyarihan. Pinapaniwala tayong walang katuturan ang mga bagay na di magpapayaman sa atin at magtataas ng halaga natin sa merkado—na walang patutunguhan ang patuloy nating pag-aaral, pagsusuri, at pagkikilatis sa mga isyung panlipunan. Anila, pawang karahasan ang haharapin natin sa pakikisangkot sa laban ng mga sektor, na tila ba di lang din naman kahirapan ang kahahantungan natin kung mananatili tayong kimi.
Madaling makalimot kung bakit tayo lumalaban sa tuwing iniisip natin kung gaano kalaki at kalawak ang sistemang babaguhin natin, lalo na’t araw-araw tayong binabatbat ng krisis na siyang nagtutulak sa ating magkanya-kanya. At ito na rin marahil ang malaki kong pagkakamali: ang pag-aakalang nag-iisa tayo sa pagharap nito.
Luminaw sa akin ang kahalagahan ng pagkapit sa lakas ng bawat isa sa aking pakikipagkwentuhan sa mga estudyante, magsasaka, katutubo, drayber, at maninindang minsan ko nang pinagguhitan at pinagsulatan dito sa Kulê. Pinaalala muli ito sa akin noong sumama ako sa Altermidya sa Barangay Ned, Lake Sebu upang tingnan ang kalagayan ng mga residente roon dulot ng coal mining project ng San Miguel Energy Corporation. Tumatak sa isipan ko ang sambit ng isang nakausap naming residente: “Hanggang meron kayong sumasama sa aming laban, kayong tutulong sa pagsisiwalat ng mga katotohanang nangyayari sa aming lugar, kakayanin natin ito kahit gaano man kalaki ang kalaban.”
Kaya mas luminaw sa akin ang kabigatan ng pagtangan ng mga alternatibong pahayagang tulad ng Kulê sa mandato nitong paglingkuran ang sambayanan. Bitbit ng kanilang uri ng radikal na pamamahayag ang paninindigang maging kasama ng mga sektor sa paglaban sa mga naghahari-harian tulad ng malalaking korporasyon at mga kasabwat na politiko.
Sa pamamagitan ng ating pakikisangkot sa kanilang mga laban, humuhugot tayo ng lakas mula sa isa’t isa–susi sa ating pagpapatuloy tungong ganap na paglaya.
Aaminin kong hanggang ngayon, nakararamdam pa rin ako ng pangamba sa kahirapan ko sa paghahanap ng trabaho. Takot pa rin akong masasadlak sa pinatinding kahirapan sa lipunang marahas sa mga tulad ko, sa mga tulad natin. Ngunit alam ko na sa patuloy nating pagtangan ng prinspiyong paglilingkod sa bayan, di na ako mababahala pa kung may kabuluhan itong aking ginagawa. Di bale na kung “tambay” ako sa paningin ng iba. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-18 ng Pebrero 2025