Di ka nag-Ingles sa English-speaking zone? Pupulisin ka. Straight ang Ingles? Wow, sosyal ka! Sa resume, kulang kapag walang “excellent English communication skills”. Sa social media, mas “classy” kapag sa caption, nag-Ingles ka. Sa e-mail, tila by default, dapat mag-Ingles ka.
Mistulang normal na kaganapan sa pang araw-araw, manipestasyon ito ng lipunan na itinataas ang wikang Ingles sa iba-ibang larangan at konteksto. Napapanahong halimbawa ang pagpapatupad ng Pamantasan ng Cabuyao ng English-Only Policy na umani ng samot-saring reaksyon sa ngayon ay isang buradong post sa social media. Litaw sa mga ganitong uri ng polisiya sa akademya at iba pang institusyon ang ilusyon ng Ingles bilang “wikang nakatataas.”
Sa ganitong kalakaran, patuloy na isinasabuhay ang paniniwalang ang kahusayan sa Ingles ang sukatan ng talino at tagumpay. Bunsod nito, napag-iiwanan ang wikang pambansa, sa halip na maging sandigan ng intelektwal at pambansang kaunlaran.
Kasangkapan ng Gahum
Kinikilalang wika ng dunong ang wikang Ingles, direktang bunga ng kolonisadong pag-iisip ng mga Pilipino. Sa ilalim ng kolonyal na dominasyon ng mga Amerikano, ipinasok nila sa kamalayang Pilipino ang mitong esensyal ang Ingles sa global na kompetisyon at ekonomikong pag-unlad. Dahil dito, nakatali pa rin tayo sa kaparaanang Kanluranin tulad ng ‘English-Only Policy’ sa mga pundamental na sangay ng lipunan—edukasyon, midya, komersyo, at pamahalaan.
Ginamit ng US ang edukasyon bilang kasangkapan ng kolonyalismo upang hubugin ang mga Pilipino bilang tapat na tagasunod, ayon kay Renato Constantino sa akdang The Miseducation of the Filipino. Aniya, naging pangunahing instrumento sa pagsulong ng gahum ng Estados Unidos ang wikang Ingles, bahagi ng mas malawak na proyektong kumokontrol sa pulitika, ekonomiya, at kulturang pabor sa dayuhan.
Sa bisa ng Education Act 74 ng Philippine Commission noong 1901, ipinatupad ang wikang Ingles bilang wikang panturo at wika ng pamahalaan. Bunsod nito, mas nalimita ang paggamit ng mga katutubong wika sa akademya na siyang naging lunsaran ng pagkilala sa Ingles bilang sukatan ng talino at kapangyarihan.
Alinsunod sa mga ito, sumidhi ang tunggalian sa pagitan ng mga wika sa Pilipinas at Ingles, realidad na pinakamatinding inilapat sa larangan ng edukasyon.
Kanluraning Pamantayan
Matatalos sa lipunang Pilipino na pinagtutunggali ang Filipino at Ingles dahil sa pagkomersalisa ng gobyerno sa edukasyon. Itinuturing ito ng gobyerno bilang isang long-term investment, kung saan ipinapaniwala na ang edukasyon—lalo na sa pamamagitan ng Ingles—ang pinakamadaling daan tungo sa pag-ahon sa kahirapan at pagiging kompetitibo sa pandaigdigang ekonomiya, giit ni Zarina Santos, mananaliksik at propesor ng Filipino sa UP Diliman.
Malinaw ito sa mga tunguhin ng pamahalaan tulad ng mataas na prayoridad sa mga asignaturang agham at pangnegosyo dahil sa nosyon na mas may kita dito, programang K-12 para makaayon sa pamantayang internasyonal, prayoridad sa STEM para sa pandaigdigang lakas-paggawa, at paghahabol sa ranking ng mga unibersidad. Ito, habang napapabayaan ang progresibong pagsusulong ng wika gaya ng pagtuturo ng MTB-MLE, siyang dapat ay may malaking papel sa ingklusibong edukasyon.
Sa papel ni Jayson Petras, kasalukuyang direktor ng Sentro ng Wikang Filipino, binanggit niya ang "kulelat syndrome," isang konseptong mula kay Melba Maggay. Aniya, ang pagsandig sa Kanluraning istandard gaya ng pagtataas sa wikang Ingles ay bunga ng pangongolonisa sa sarili—isang pagtinging mababa ang sariling kultura habang patuloy na itinataas at idinadambana ang kulturang banyaga.
Gayundin, matatalos na ang mga patakarang tulad ng English-Only Policy ay malinaw na itinutulak ang pagsunod sa Kanluraning pamantayan, pinapalubha ang pagkasalat ng mga mga lokal na diskursong tumutugon sa sariling mga isyu ng bansa. Kung gayon, ang kaalamang napoprodyus ay malayo at hindi angkop sa ating mga konteksto at nagpapatuloy lamang ng stagnasyon.
Tungo sa Kasarinlan
Sa harap ng dominasyon ng Kanluraning oryentasyon, kinakailangan ang kongkretong hakbang gaya ng mga patakaran at polisiyang itataguyod ang wikang Filipino tungo sa pagreklama ng kasarinlan ng bansa.
May kakayahan ang ating bansa na makipagsabayan sa pandaigdigang kalakalan gamit ang sariling wikang pambansa, inihayag ni Mario Miclat, dating propesor at dekano ng Asian Center sa UP Diliman, sa kanyang artikulong Wika at Globalisasyon. Maisasakatapuran ito sa pamamagitan ng pagpapayabong ng Filipino sa edukasyon, agham, teknolohiya, at iba pang sangay ng kaalaman.
Kung gayon, kinakailangan ang mga polisiyang nagtataguyod ng wikang Filipino at mga katutubong wika bilang wika ng lahat, upang mapalakas ang intelektuwalisasyon at praktikal na gamit nito sa iba-ibang institusyon. Isang huwaran dito ang Multiculturalism policy ng Canada, kung saan parehong kinikilala ang Pranses at Ingles bilang opisyal na wika, at itinuturing na mahalagang bahagi ang kanilang multilinggwalismo sa pagbuo ng pambansang identidad at pag-unlad.
Sa Pilipinas, isang hakbang tungo sa pag-unlad ng wikang Filipino sa akademya ang Patakarang Pangwika ng UP, ipinagtibay noong Mayo 29, 1989. Layon nitong gamitin ang Filipino habang pinananatili ang Ingles bilang lingua franca sa pananaliksik, ekstensiyon, at opisyal na komunikasyon. Gayunpaman, epektibo lamang ang patakarang pangwika kung masusing binubuo, ipinatutupad, mino-monitor, at tinatasa, sa tulong ng mga ahensiyang pangwika upang matiyak ang ganap na pagsasakatuparan nito, ani Jayson Petras.
May pangangailangang hamunin ang kolonyal na puwersang humaharang sa pag-unlad ng ating mga wika, matutugunan sa paghubog ng sariling diskursong magtataguyod sa tunay na pag-unlad. At magsisimula ito sa matatag na mga polisiyang pangwika na papaigtingin ang kapangyarihan ng sariling wika, na tumatagos sa lahat ng aspeto ng lipunan. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong Peb. 18, 2025.