Huling buwan ng pagbubuntis ni Jamalia Saumay nang pumutok ang mga baril na maghuhudyat sa limang buwang sagupaan sa Marawi taong 2017. Nang lumikas siya kasama ang noo’y apat na anak, 2 taong gulang ang pinakabata, naiwan ang dalawang palapag nilang bahay na yari sa kahoy—katas ng Saudi ng asawa niyang dockman.
“Nakabalik kami [pagkatapos] ng giyera, pero hindi na namin naabutan ang bahay namin,” ani Jamalia. “Wasak na siya, abo na siya.”
Sa kaso ni Jamalia, walang tinira ang mga sumabog na bomba sa kanilang tahanan.
Kabilang si Jamalia at ang kanyang mga anak sa 83,700 residenteng nagbakwit bunsod ng Marawi Siege. Walang nasaktan sa kanilang pamilya, bagay na ipinagpapasalamat niya kay Allah. Ngunit gaya ng karamihan sa mga internally displaced persons (IDP), wala na silang nabalikang tirahan at gamit mula nang lumaya ang Marawi.
Kapos na Pondo
Sa bisa ng Batas Republika 11696 o Marawi Siege Victims Compensation Act na naging bata noong Abr. 13, 2022, naitatag ang Marawi Compensation Board (MCB) bilang lupon na mangangasiwa sa bayad-danyos para sa mga pamilyang nasiraan ng ari-arian o namatayan ng mahal sa buhay dahil sa nasabing giyera.
Subalit kahit ginulantang ng mga bala at pasabog mula sa parehong puwersa ng militar at mga grupong konektado sa Islamic State ang mahigit sa 90 na barangay, nakasaad sa batas na tanging mga pamilya mula sa 24 na “most affected areas” at walong “other affected areas” lamang ang maaaring humingi ng kompensasyon.
Nakatanggap ng 14,495 aplikasyon para sa bayad-danyos ang MCB makalipas ang isang taon mula nang magbukas ang opisina nito noong Hul. 4, 2023. Kabilang rito ang multiple claims para sa bahay at mga gamit ni Jamalia na mula sa Lumbac Madaya, isa sa mga barangay na lubusang naapektuhan.
Tinatayang aabot sa P36.1 bilyon ang kakailanganin upang mabayaran ang mga pamilyang nagsumite ng aplikasyon, saad ni Fahad Madid, opisyal ng MCB, sa panayam ng Kulê.
Ngunit tila mailap ang halagang ito. Bunsod ng maliit na pondong nakukuha ng ahensya, aminado si Madid na kinakailangan nilang pagkasyahin ang nasa isang bilyong pondo kada taon.
Aabot sa mahigit P2.1 bilyon ang kabuuang halaga ng mga naaprubahang kompensasyon ng ahensya, ayon sa huling datos noong Enero. Sa kabila nito, P841.8 milyon pa lamang ang halagang naibigay sa mga pamilya.
Nakabinbin pa rin sa Department of Budget and Management (DBM), na siyang humahawak sa pondo ng MCB, ang mga aplikasyong naresolba na ngunit wala pa ring naibibigay na tseke para sa mga aplikante. Hinihintay na lamang ng opisina na makarating ang pera sa tanggapan nila.
“As to the budget [request] as a whole, masasabi ko na hindi siya ganon kadali in a sense na kung ano yung nirerequest namin, from P8 billion naging P1 billion na lang,” ani Madid kaugnay ng mga pagsubok sa pagkuha ng pondo ng MCB.
Kapos na Pwersa
“Alhamdulillah.” Ipinagpapasalamat ni Ate Jamalia kay Allah ang kaligtasan ng kanyang pamilya sa kabila ng napagdaanang sagupaan. Kuha ang larawan sa kaliwa noong 2015 sa dating tahanan ng mga Saumay, samantalang ang nasa kanan naman ay sa nilipatan nilang permanent shelter noong 2022.
Marami nang nagbago sa buhay nina Jamalia magmula nang pumutok at matapos ang giyera sa Marawi. Mula sa apat ay anim na ang anak niya ngayon. Ang panganay niyang paslit noon ay kolehiyo na. Ang asawa niyang nagtratrabaho dati sa Saudi ay nanatili na rito upang mamasada ng traysikel. At mula sa naipundar na bahay, napadpad ang mag-anak sa isang permanent shelter sa Pagalamatan, Lanao del Sur.
Iisa lamang ang hindi pa nagbabago: Ang paulit-ulit na pagdaing ni Jamalia sa kompensasyong magpahanggang ngayon ay hindi pa rin niya nahahawakan mula nang idulog ito noong Set. 22, 2023.
“Sana bilisan nila,” pakiusap ni Jamalia. “Sobrang napapagod na kami sa kakahintay. ‘Yung ibang senior citizen, wala na.”
Tatlong beses sinubukang magfollow-up ni Jamalia kaugnay sa lagay ng kanyang aplikasyon. Sa kasalukuyan, hinihintay niya ang pangalawang tawag mula sa MCB sapagkat hindi pa rin sumasailalim sa ocular visit ang kanilang nawasak na bahay.
Isa sa mga tinutukoy na dahilan ng ahensya sa mabagal na proseso ang kakulangan sa mga tauhan na kinakailangan sa pagsusuri ng mga aplikasyon—mga inhenyerong inaasahang bumisita sa mga nasirang ari-arian, mga abogadong mangangasiwa sa ebalwasyon, at mga finance officer na mangunguna sa paggagawad ng kompensasyon.
“We’ve been requesting for additional staffing since last year pa, pero hanggang ngayon wala,” dagdag ni Madid. “Kung maibibigay ng DBM ang promise nito for additional staffing which was requested during the budget deliberation, kaya naming tapusin yung 3,000 [applications] na projected namin na minimum this year.”
Kayang bisitahin ng mga inhinyero ang 30 bahay sa isang araw, samantalang 50 aplikasyon naman ang pinoproseso ng legal team ng MCB kada linggo. Kung mapaiigting ang kanilang bilang, lubos itong makatutulong upang madagdagan ang 1,978 na aplikasyong naresolba na ng opisina, ayon kay Madid.
Limang taon lamang ang termino ng MCB, na inaasahang magtatapos sa 2028. Sa oras na matapos ito nang hindi pa nagagawaran ng kompensasyon ang lahat ng mga pamilyang aplikante, malilipat sa Department of Human Settlement and Urban Development ang proseso, bagay na maaaring magpaudlot lalo sa paggawad ng kompensasyon.
Bagaman aminado na mababa pa rin ang bilang ng mga nagagawaran ng kompensasyon, tiniyak ni Madid, na isa ring IDP, na gagawin ng ahensya ang makakaya nito sa natitirang mga taon tungo sa layuning mabayaran ang lahat ng pamilya.
Nanawagan din siya sa DBM na padaliin ang proseso ng paghingi at paggawad ng pondo sa MCB para sa mga aprubadong aplikasyon na wala pang natatanggap na bayad. “We are appealing to the government na sana aside from the compensation, hindi dito magtapos yung tulong na binibigay natin sa IDPs,” ani Madid.
Sa kabila naman ng paghihintay, tuloy ang buhay para kay Jamalia. Malungkot at mapait man sa tuwing naaalala niya kung paano naglaho nang dahil sa giyera ang lahat ng pinagsumikapan ng kanilang pamilya, umaasa siyang magtutuloy-tuloy ang kanilang pagbangon kapag natanggap na nila ang kompensasyon.
“Nasa plano ko na ‘yan. Ang pinakauna kong gagastusan [ay] negosyo, para makatulong naman ako sa asawa ko,” balak ni Ate Jamalia kapag nakuha ang pera. “Kung may matitira, balak kong ilaan para sa mga anak ko.” ●