Makapangyarihan ang salita, at sa bawat pagbigkas ng mga ito bitbit ay mga kuwento’t alaalang nakaukit na sa kasaysayan. At hanggang ngayon, madalas pa ring marinig dahil sa patuloy na paglaban sa mga mapang-aping pwersa ng estado.
Tuklasin ang pinagmulan ng mga salitang may ibang pagpapakahulugan dahil sa kontekstong kinagisnan ng mga ito.
Ang Kaliwa Bilang Liwanag sa Anino ng Panunupil ng Estado
Ni Liyanah Canasa
Tila isang liwanag ng pagbabago, ipinagmalaki ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang kauna-unahang "leftist" na pangulo ng Pilipinas sa unang bahagi ng kanyang panunungkulan. Ngunit hindi nagtagal, dumating ang nagbabadyang dilim at nag-iba ang kanyang tono. Mula sa posturang pagkilala sa Kaliwa, siya mismo ang nagpakawala ng mga bala laban sa kanila—binansagang terorista, tinugis ang mga kritiko, at pinadanak ang dugo sa lansangan.
Hanggang ngayon, umiiral pa rin ang anino ng mapanganib na retorikang ito, yaong minana sa nagdaan pang mga administrasyon.
Ngunit iyong “Kaliwang” tinuturing na kaaway ay matagal na ring sagisag ng pagbabago. Ang paggamit nito bilang simbolo ng paglaban ay nag-ugat sa French Revolution, kung saan ang mga tumututol sa monarkiya ay umupo sa kaliwa ng National Assembly, habang nasa kanan ang mga tagasuporta nito. Mula noon, lumawak ang kahulugan nito at naging bahagi ng kinikilalang political spectrum. Karaniwan na itong tumukoy sa mga ideolohiyang progresibo o kumikiling sa sosyalismo.
Sa Pilipinas, nagkaroon ng iba-ibang anyo ang kaliwa noong ika-20 siglo—mula sa pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1930, hanggang sa panibagong Communist Party of the Philippines (CPP) noong 1968. Pininta ang Kaliwa, higit lalo sa panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr., bilang isang halimaw na kailangang puksain ng gobyernong takot sa pagbabago.
Kalaunan, marami nang landas ang tinatahak ng iba-ibang grupong kinikilala ang sarili bilang makakaliwa. Maraming piniling lumahok sa ligal na espasyo sa pamamagitan ng pagsali sa halalan at pag-oorganisa sa mga komunidad. Gayunpaman, iisa ang kanilang layunin: baguhin ang sistemang matagal nang nagpapahirap sa bayan at labanan ang pang-aabuso ng estado.
Ngunit sa halip na kilalanin ang mahahalagang panawagan at pagkakaiba ng mga porma ng pakikibaka na ito, pinag-iisa ng estado ang lahat ng anyo ng Kaliwa at ginagamit ang red-tagging upang gawing lehitimo ang karahasan laban sa tumutuligsa sa kanila. “Destroy the Left,” utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018, binubura ang distinksyon sa pagitan ng mga armado at sibilyang Kaliwa.
Sa kabila ng pagtatangkang dungisan ang kahulugan ng Kaliwa, patuloy na inaangkin ng mga progresibong grupo at indibidwal ang bansag na ito sa kanilang pakikibaka.
“Ako ay proud Left,” saad ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa pambansang telebisyon noong Peb. 2. Habang pinapalawak ng estado ang anino ng panunupil, binubuhay muli ng katulad nina Castro ang tunay na kahulugan ng pagiging Kaliwa—mga tanglaw ng paglaban para sa ganap na pagbabagong panlipunan. ●
Ang Pag-iral ng Mosquito Press sa Gitna ng Lumulubhang Pang-aatake sa Malayang Pamamahayag
Ni Ryan Maltezo
Malinaw kay Ferdinand Marcos Sr. kung paano simulan ang isang malagim na diktadurya: Supilin ang boses ng mamamayan at baluktutin ang katotohanan. Isang araw bago nagdeklara ng Batas Militar noong 1972, pinuntirya at pinasara ni Marcos ang mga pahayagan at malalaking outlet ng midya sa buong bansa. Tanging mga crony at kaalyado ng administrasyon ang pinahintulutang magpatuloy ng operasyon upang kontrolin ang impormasyon sa gitna ng isang madilim na yugto para sa midya.
Sa kasagsagan ng Batas Militar, umusbong ang mga pahayagang bumalikwas sa kautusan ng diktador upang magsiwalat ng katotohanan tungkol sa lagim ng pamamahala ni Marcos Sr. Mosquito press kung tawagin ito ng administrasyon—tulad ng isang lamok na pakalat-kalat, mahapdi man kung kumagat ay kagyat ding napatatahimik at napapatay.
Matapang na nilabanan ng mga pahayagan tulad ng WE Forum at Ang Pahayagang Malaya, parehong mga diyaryo ni Jose Burgos, at iba pang mga pang-estudyanteng pahayagan gaya ng Philippine Collegian ng UP Diliman at Ang Malaya ng Polytechnic University of the Philippines, ang disimpormasyon at propaganda ni Marcos Sr. Ngunit, dahas at pambubusal ang tanging isinukli ng estado at mga militar sa mga nang-aahas na maglathala laban sa administrasyon.
Sa kabila nito, nagpatuloy ang mosquito press sa paglabas ng mga kritikal na balita. Naging esensyal ito sa pagkamulat ng marami ukol sa malubhang kalagayan ng ekonomiya at politika ng bansa sa ilalim ng diktadurya.
Kalaunan, makikilala ang mga kabilang sa mosquito press bilang alternatibong midya. Lampas sa pagiging kontra-agos sa pamahalaan, matutunton sa alternatibong midya ang mga naratibo at kwento ng danas ng mga nasa komunidad, pabrika, o sakahan—silang hindi madalas mabigyan ng boses sa mainstream media. Kung gayon, masasabing hindi nawala ang mosquito press sa pag-unlad ng midya, bagkus pinanday pa ng panahon.
Higit limampung taon mula nang umusbong ang mga alternatibong outlet na ito, patuloy ang pang-aatake sa mga mamamahayag, sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso at pinapakulong. Patuloy ding nabubuhay ang disimpormasyon sa kasalukuyan. Mula sa mga propaganda ng estado, lumulubha ang pagkalat nito sa social media, kung saan dumadaloy ang kalakhan ng impormasyon at balita.
Ngunit hindi madaling nahuhuli ang mga lamok na pakalat-kalat at basta na lamang kung dumapo. Maliit man kumpara sa mga dominanteng midya, nananatili ang kanilang pagkukwento mula sa perspektibo ng ordinaryong mamamayan. Pagkat krisis din ang nagluwal sa alternatibong midya, mananatili itong boses para sa mamamayang kinakaharap ang sala-salabid na problema ng bansa. ●
Pag-alala at Pananagot sa Taktikang Salvage ng Estado
Ni Zazel Espeso
Mabilisan, brutal, at walang-habas. Dekada ‘60 pa lamang, madalas nang ipinapaligpit ng estado sa mga pwersa nito ang mga itinuturi nitong kalaban—salvage kung tawagin, sulat ng Collegian noong 1978.
Pagsapit ng Batas Militar, dumami ang mga na-salvage, o naging biktima ng summary execution, na aktibista, estudyante, at mamamahayag na tumutol sa diktadura. Isa sa unang isinapublikong kaso ng salvage operation ay ang pagpatay sa estudyante at mamamahayag na si Liliosa Hilao. Brutal siyang pinaslang noong ika-7 ng Abril 1973, dalawang araw lamang matapos siyang arestuhin ng Constabulary.
Ginamit din ang mga salvage operations para ipakitang may koneksyon sa mga subersibo at komunista ang mga sibilyang pinapaslang, ayon sa human rights report ng Committee on International Relations noong 1978.
Sa Espanyol, ang salvaje ay isang pang-uring nangangahulugang “wild.” Na-localize ito sa Pilipinas at naging pandiwang nagsasaad ng aksyon: sinalbahe o savaged, paliwanag ni Patricia Evangelista sa kanyang libro na “Some People Need Killing.” Pero pag-upo ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa puwesto, naging salvage imbis na savaged dahil sa “visual similarity” ng dalawang salita.
Hindi natigil ang pagsasagawa ng salvage noong Batas Militar. Naging madalas din ang summary execution sa mga hinihinalang gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga noong drug war, o Oplan Tokhang, ni Pangulong Rodrigo Duterte. Bagaman mas ginagamit ang salitang “na-tokhang” para sa mga biktima ng extrajudicial killings, parehong naratibo ang pinapalabas—na may “common enemy” o iisang kaaway ang publiko.
Noong 2015, binigyan ng espesyal na seksyon ang salitang salvage sa Oxford English Dictionary: “Philippine English. To apprehend and execute (a suspected criminal) without trial.” Sa pagdagdag ng kahulugan ng salvage sa diksyonaryo, nabibigyang-diin ang kasaysayan at konotasyon ng salitang ito—isang madugong taktikang ipinapairal ng pasistang rehimeng gahaman sa kapangyarihan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang protesta at paglaban ng mga progresibong grupo tulad ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law at KARAPATAN tungo sa pagkamit ng hustisya para sa mga walang-awang pinatay ng militar. Sentro sa kanilang kampanya ang paghingi ng pananagutan sa mga atrosidad nina Marcos Sr. at Duterte. Ngayong nakaupo ang kanyang anak sa puwesto, mas masidhi ang pagsisikap para hindi mabaon sa limot ang mga dinanas ng mga biktima ng Batas Militar.
Kaya matagal pa bago mabura ang konotasyon ng salitang salvage hangga’t patuloy ang pagkitil sa karapatang-pantao ng mga itinuturing na kalaban ng estado. Hanggang ngayon, kailangang ipagpatuloy rin ang paghingi ng hustisya para sa mga libu-libong biktima ng pandarahas ng estado. ●
Pagyakap sa Militansya Bilang Simbolo ng Progresibong Simulain
Ni Bianca Arceo
“Abante, babae, palaban, militante!” Karaniwan itong sigaw na umaalingawngaw sa lansangan tuwing may malawakang pagkilos. Mula sa lente ng progresibong kilusan, ang salitang militante ay sagisag ng lubos na tapang at paninindigan. Ngunit para sa gobyerno, ang bansag na ito ay armas na nagbibigay-katwiran sa pagturing sa mga aktibista bilang teroristang dapat durugin.
Hango ang militante sa Latin na militatum, na nangangahulugang “maglingkod bilang kawal.” Ayon naman sa diksiyonaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang militante ay tumutukoy sa sinumang nakikipagdigmaan o taong handang lumaban.
Mula sa kahulugang ito, madalas itong gamitin sa pandaigdigang diskurso upang ilarawan ang mga armadong rebelde at terorista. Lumalagos sa Pilipinas ang ganitong gamit at kinasasangkapan ng mga ahente ng estado upang ipintang marahas ang mga progresibo. Sapagkat sa pagkakataong mailarawan ang mga mapayapang aktibista bilang pasimuno ng gulo, nalelehetimisa ng gobyerno ang panunupil sa kanila at ang pagbabaon sa kanilang mga panawagan.
Ganito na lamang kung ituring ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang mga ligal na organisasyon, madalas na tinatawag na “militant left” at tinataguriang “communist terrorist groups.” Dumudulo ang pagtrato sa kanila bilang mga kaaway sa intimidasyon, sapilitang pagwawala, at pagpaslang.
Taliwas sa ganitong larawan ng militansya na tinaguyod ng estado, may ibang konotasyon ang militante sa Pilipinas na nakatuon sa katangian ng pagiging “peaceful but militant, vigorous but non-violent,” ayon kay Soliman Santos, isang abogadong dalubhasa sa karapatang pantao. Karaniwan itong bitbit ng mga organisasyong tumatalima sa ideolohiyang pambansang demokrasya.
Kabilang sa mga yumayakap sa kahulugang ito ang KADAMAY, na nilalarawan ang sarili bilang militanteng sentro ng mga maralitang Pilipino. Dati nang nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipababaril niya ang mga kasapi ng KADAMAY, kaugnay ng kanyang utos na lisanin ng mga ito ang pabahay na inilaan para sa mga pulis at sundalo. Ngunit sa katunayan, inokupa ng grupo ang mga nakatiwangwang na yunit sa Pandi, Bulacan bilang mapayapang direktang pagkilos, at paggiit sa karapatan sa pabahay na ipinagkait ng estado.
Ganito nila pangatawanan ang militansya: lumalampas sa nakasanayan at mga kumbensyunal na tereno ng pakikibaka, sinusuong ang lahat ng pagkakataon upang ipagtagumpay ang laban ng mamamayan. Dahil taliwas sa pananaw ng estado na pawang karahasan ang hinahasik ng mga militante, kapayapaang nakabatay sa katarungang panlipunan ang kanilang bitbit sa pamamagitan ng ubos-lakas na paglaban sa lahat ng posibleng paraan. ●