Dapat tuunan ng gobyerno ang pagpapalawak sa National Service Training Program (NSTP) imbes ang pagsasabatas ng Senate Bill 2034 o Mandatory Reserve Officers’ Training Program (MROTC) Act, ayon sa NSTP office ng UP Diliman.
Sa pahayag ng opisina noong Peb. 24, iginiit nitong mawawalan ng kalayaan ang mga estudyanteng pumili ng kani-kanilang paraan ng paglahok sa lipunan, na ibinibigay ng kasalukuyang sistema ng NSTP, kung isasabatas ang MROTC Act.
Dagdag nito, marami nang proyekto ang mga estudyante na nagtagumpay sa pag-aabot ng tulong sa iba-ibang sektor, ngunit hindi magpapatuloy ang kalakhan dito kung tatanggalin ang NSTP.
“Ang MROTC ay nagtatakda ng iisang pananaw ng nasyonalismo na batay sa militar na pagsasanay sa halip na magbigay ng mas malawak na opsyon sa paglilingkod sa bayan,” saad ng opisina.
Sa pagbuo ng pahayag, kinonsulta ng NSTP Diliman Office ang mga tagapag-ugnay ng NSTP sa 19 na kolehiyo at yunit ng UP Diliman, kasama sina Vice Chancellor for Academic Affairs Maria Vanessa Lusung-Oyzon at Chancellor Edgardo Vistan, ayon sa email ng opisina sa Collegian.
Inilabas ang pahayag halos isang buwan matapos manawagan si Sen. Ronald dela Rosa, isa sa mga may-akda ng MROTC Act, na dapat nang isabatas ang panukala dahil sapat na umano ang naging debate sa Senado ukol rito.
Sa kasalukuyan, mandatoryo sa lahat ng estudyanteng nag-aaral ng di-gradwado o bokasyunal na kurso ang dalawang semestre ng NSTP, na may layong paigtingin ang diwa ng paglilingkod ng mga estudyante. Nahahati ito sa tatlong sangay: Civic Welfare Training Service, Literacy Training Service, at Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).
Kung maisabatas ang MROTC Act, matatanggal ang una at ikalawang sangay at mapapalitan ito ng dalawang taon ng ROTC.
Ngunit magiging pahirap sa unibersidad ang pondong kinakailangan para sa MROTC, ayon sa NSTP Diliman Office, lalo na’t tinatayang P27 bilyon ang kakailanganin sa unang tatlong taon ng implementasyon. Hindi rin nakatutulong ang patuloy na malawakang budget cuts sa mga pampublikong unibersidad—nitong taon lamang, nagtamo ng P2.08 bilyong budget cut ang UP, ang pinakamalaki simula noong 1986.
Kinilala rin ng opisina na may kaakibat na kultura ng karahasan ang ROTC. Ginawang opsyonal ang programa noong 2002, matapos patayin ng mga kapwa kadete si Mark Welson Chua, estudyante ng Unibersidad ng Santo Tomas na nagsiwalat ng korapsyon sa programa ng ROTC.
“Kung ima-mandatory na nga natin ang ROTC, that would mean na mas marami yung manpower na kailangan to implement siya. So more and greater military presence in the university which directly means na greater threats ng intel, harassment, and direct attacks,” ani Fatima Mendoza ng Kabataan Partylist UP Diliman, isa sa pangunahing grupong tumututol sa MROTC.
Bagaman nakatakda sa MROTC Act na magkakaroon ng grievance board sa bawat yunit ng ROTC upang imbestigahan ang mga kaso ng katiwalian, kaduda-duda para kay Mendoza kung magiging sapat ito dahil apat sa limang kinatawan ng board ay magmumula sa gobyerno, habang isa lamang ang kinatawan ng unibersidad.
Bilang alternatibo, naglahad ng suporta ang NSTP office sa House Bill 1159 o Expanded NSTP Act ng Kabataan Partylist. Layon nitong dagdagan ng mga bagong sangay ang NSTP na may kaugnayan sa paghahanda sa mga sakuna, pangangalaga sa kalikasan, at pagtulong sa iba-ibang sektor.
“Kaya tayo nag-e-expand, para mas ma-emphasize sa kabataan na hindi isa lang ang mukha ng pagsilbi sa sambayanan. At may emphasis din sa pag-raise ng sociopolitical consciousness and pagtunggali dun sa tendency na hinihiwalay yung individual sa karanasan ng society,” ayon kay Mendoza.
Magiging hamon sa Kabataan Partylist at iba pang mga grupo ang pangangampanya laban sa MROTC lalo na’t itinakda ito ng Senado at mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang priority bill. Pawang mga kaalyado rin ng administrasyon ang nanguna sa pinakahuling senatorial preferences survey ng Social Weather Stations para sa eleksyon sa Mayo.
“Ang pagtutol sa MROTC ay paninindigan para sa diwa ng kusang paglilingkod sa bayan, pagpapanatili ng inklusibong lipunan, pagbibigay proteksyon sa mga karapatang pantao, at pagpapalawak ng pakikilahok sa komunidad ng kabataan,” ayon sa NSTP Diliman Office. ●