Tuwing pasukan, naghahanap ang mga estudyante ng tahimik na lugar para makapag-aral, lalo na kapag papalapit ang mga eksam. Madalas mapapansin ang katahimikan sa mga silid-aklatan, kaya nag-uunahan ang mga estudyanteng gustong makakuha ng upuan. Bonus na lamang kung malapit sila sa saksakan. Ngunit sa realidad, hindi palaging maayos o may akses ang mga estudyante sa mga ganitong aklatan.
Limitado ang akses ng madla sa mga pampublikong aklatan at sa iba pang mga espasyong libreng mababasa ang mga libro, hayag ng National Book Development Board. Ito ang dahilan kaya rin patuloy na bumababa ang interes ng mga Pilipino sa pagbabasa, ayon sa ulat ng National Readership Survey noong 2023.
Hindi lamang para sa mga estudyanteng nag-aaral sa eksam ang mga pampublikong aklatan. Isa itong lugar kung saan nagbubuklod ang mamamayan tungo sa layuning matuto at makabuo ng ugnayan sa isa’t isa. Higit, mahalaga ito sa pagkakaroon ng kolektibong pagpapahalaga sa karunungan ng isang komunidad. Ngunit patuloy na humaharap sa iba-ibang suliranin ang mga pampublikong aklatan.
Pinagkakaitang Espasyo
Noong ika-18 siglo sa Panahon ng Kaliwanagan, umusbong ang ideya ng kontemporaryong aklatan sa Pilipinas, ayon sa artikulong “Trends in Philippine Library History” ni Vicente Hernández. Sa pangunguna ng hari ng Espanya, nagsimula ang Sociedades Económicas sa kanyang bansa at mga hawak nitong kolonya. Layunin ng grupong bumuo ng diskurso tungkol sa mga siyentipiko at kultural na ideya upang mahubog ang agrikultura, industriya, at paggawa, gamit ang distribusyon ng mga libro at pagtatag ng mga aklatan. Sa Pilipinas, naging hudyat ito sa pagsisimula ng mga aklatang nakatuon sa pampublikong pagbasa.
Itinuturing ang pampublikong aklatan bilang repositoryo ng mga kaalamang humuhubog sa kaisipan at ugnayan ng mga tao. Nagsisilbi ito bilang kultural na institusyon kung saan napapanatili ang mga bahagi ng kasaysayang partikular sa isang komunidad, ayon kina Buschman at Leckie, mga akademiko mula sa Estados Unidos. Isang halimbawa nito ang Panlalawigang Aklatan ng Bulacan na itinayo noong 1949 upang makatulong sa pangangailangan ng kanilang mamamayan at mga mananaliksik sa labas ng probinsya.
Sa layuning pataasin ang antas ng karunungang bumasa at sumulat ng mga Pilipino, isinabatas ang Republic Act 7743 noong 1994, kung saan mandato ang pagpapatayo ng mga pampublikong aklatan sa bansa. Ngunit sa katunayan, ang mga pampublikong aklatan sa kasalukuyan ay 3% lamang ng ideyal na bilang ng batas, ayon sa ulat ng National Library of the Philippines. Dahil hindi nakabubuo at nakapagkakamal ng kita tulad ng mga proyektong imprastraktura, madalas, ang mga akademikong institusyon ay wala sa prayoridad ng pamahalaan.
Umaabot ng P1 milyon ang taunang badyet na natatanggap ng mga pampublikong aklatan. Ngunit hindi ito sumasapat upang makabili ng mga kalidad na pang-akademikong materyal, lalo pa sa gitna ng tumataas na presyo ng mga libro at subscription fees sa mga journals. Buhat ng hindi sapat na suporta mula sa estado, napaghuhulihan ang mga pampublikong aklatan at napag-iiwanan ang umaasa ritong mamamayan.
Alternatibong Serbisyo
Sa hangaring makapagtaguyod ng mas epektibong serbisyo, digitalisasyon ng mga pampublikong aklatan ang naging tugon ng pamahalaan. Dito, ginagamit ang mga modernong kagamitan sa pagpapabilis ng mga transaksyon at kinakailangang serbisyo. Ngunit sa gitna nito, nakakaligtaan ang pangangailangan sa pagsuporta sa produksyon at diseminasyon ng mga librong nagmumula at patungo rin sa mga komunidad.
Maraming manunulat sa bansa ang hirap makapaglimbag ng mga libro dahil sa malaking gastusing kaakibat ng pag-imprenta at distribusyon nito. Mahalaga ang produksyon ng mga lokal na libro, tulad ng mga kuwentong pambata, para sa mga pampublikong aklatan dahil sumasalamin ito sa mayamang panitikan at kultura ng Pilipinas. Ngunit bunsod ng kakulangan sa suporta, humaharap din sa mga suliranin ang mga manunulat pagdating sa paglilimbag ng mga ito.
Higit sa pagiging lugar kung saan libreng makakagamit ng mga akademikong materyal, lunsaran din ang mga pampublikong aklatan ng mga inisyatibong humuhubog sa kakayahan ng mga batang bumasa at matuto hinggil sa kanilang lipunan. Halimbawa nito ang Tanggew, isang community library sa Northern Sagada, Mountain Province na nag-oorganisa ng iba-ibang aktibidad para sa mga bata, tulad ng Read Aloud Program at community book pantries. Gayundin, hangad nilang mabuo ang konsepto ng “human library,” kung saan may oral historians na magbabahagi ng kanilang kaalaman hinggil sa kasaysayan, kultura, at tradisyon ng rehiyon.
Layunin ng programang buhayin ang bolunterismo at bigyang halaga ang kapakanan ng kanilang mga katutubong grupo. Dito, napatutunayang hindi matutuldukan ng pagkahuli sa digitalisasyon ang kolektibong pagkilos ng isang komunidad. Gayunpaman, kinakailangan pa rin ang masidhing suporta mula sa estado upang hindi na mapilitang humanap ang mga komunidad ng alternatibong paraan buhat ng kasalatan sa pondo.
Ugnayang Pinag-ibayo
Lampas sa tradisyonal na pagtingin sa mga aklatan bilang repositoryo, ipinapakita ng iba-ibang inisyatibo, tulad ng Tanggew, na espasyo rin ito kung saan maaaring mahikayat ang mga indibidwal na lumahok sa mga gawaing pansibiko. Sa gitna ng kasalatan sa mga rekurso, ang kolektibong aksyon ng mga tao ang humahalili sa mga aklatang mayroong layuning hubugin at paigtingin ang ugnayan ng isang komunidad.
Sa espasyong ito, malayang paunlarin ng indibidwal ang kanyang sarili mula sa mga taong nakakasalamuha at mga aktibidad na nilalahukan. Higit, hinuhubog dito ang demokratiko at aksesibleng kaalaman para sa bawat mamamayan. Gayunpaman, patuloy na maiipit sa mga suliranin ang mga aklatan kung hindi nakikita ang halaga sa lipunan.
Nananatiling gampanin ng pamahalaang tiyaking kasabay ng digitalisasyon ang pagtugon sa mga pangangailangan nito, kabilang ang pagbibigay ng suporta sa produksyon at diseminasyon ng mga lokal na pang-akademikong materyal. Sa gayon, maipagpapatuloy ang layunin ng mga pampublikong aklatang pahalagahan ang karunungan ng isang komunidad at pagbuklurin ang mamamayan.
Sapagkat sa huli, para sa nakararami, hindi na lamang maituturing ang mga aklatan bilang repositoryo, dahil nagsisilbi rin itong bukal ng holistikong pagkatuto. ●