Para kay Agoy*, patunay ang pagpaslang ng militar sa 21-anyos na estudyante at kapwa niya Hanunuo Mangyan na si Jay-el Maligday sa mapanganib na sitwasyon ng mga katutubo sa Oriental Mindoro.
Si Jay-el, na noo’y kumukuha ng kursong education at nakatakdang maging guro balang araw, ay pinagbintangan ng mga sundalo na miyembro ng New People’s Army (NPA) bago salakayin ang bahay nito at walang awang pinagbabaril noong Abril 7, 2024.
Ngayong sumisidhi muli ang pambubulabog ng 10 pinagsama-samang batalyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Civilian Armed Forces Geographical Unit sa Mindoro, tumitindi rin ang takot nina Agoy at ng komunidad sa maaari nilang sapitin. Sunod-sunod na aerial strafing at aerial bombing ang umaalingawngaw sa paligid, at walang humpay ang pagbabanta ng mga sundalo sa mga residente.
“Dito sa amin, pagdating sa mga army, hindi po kami ligtas kasi lagi silang nagbabantay sa kilos ng mga katutubo,” ani Agoy sa panayam ng Kulê. “Merong mga tinatakot, pinagbabantaan.”
Pagpapaulan ng Bala at Bomba
Unang naitala ang mga pag-atake noong Peb. 15 sa bayan ng Bulalacao na pinangyarihan din ng isa pang pagpapaputok, Peb. 22. Sa bayan naman ng Pola naiulat ang unang strafing ngayong taon noong Peb. 19, samantalang sa Brgy. Panaytayan naganap ang pangalawang strafing na may kasamang pagpapasabog noong Marso 1.
Taktika ng militar ang aerial strafing kung saan gumagamit sila ng eroplano o helikapter upang atakihin mula sa himpapawid ang kanilang mga target.
Sa pinakahuling agresyon ng mga sundalo, apat na bomba ang nilaglag nito sa tatlong magkakatabing sityo, na may kasama pang mga pagpapaputok na umabot hanggang sa mga karatig na sityo ng barangay, ayon sa fact-finding team ng Karapatan - Southern Tagalog (ST).
“Yung putukan, rinig na rinig, may malalaki at maliliit na putok,” salaysay ni Agoy.
Isang paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) ang walang pakundangang strafing ng militar sa Mindoro bunsod ng pinsalang idinudulot nito sa kapayapaan, lupain, at kabuhayan ng mga katutubong komunidad. Bukod pa rito, tuloy-tuloy ang mga operasyon ng militar kahit walang malinaw na pagtukoy sa target at normal na sibilyan, isa ring paglabag sa IHL.
Namamalagi ang militar sa mga gubat at kabundukang pinaninirahan ng mga Mangyan kahit walang engkwentro, ayon sa pakikipanayam ng Karapatan - ST sa mga residente. Kwento ng mga pamilya, umigting pa lalo ang presensya ng mga sundalo magmula nang ilunsad ang kaliwa’t kanang mapaminsalang proyekto sa lupain ng mga katutubo.
Sa Bulalacao pa lamang, talamak ang pagmimina at mga proyektong pang-enerhiya na pinangungunahan ng mga dambuhalang kompanya gaya ng DMCI, Pitkin Petroleum Limited, CleanTech Global Renewables, at The Blue Circle.
Kaya naman hindi na kataka-taka para kay Agoy kung bakit ganoon na lamang ang tahasang pagdayo ng malalaking kompanya sa mga komunidad ng Hanunuo Mangyan upang sukatin ang kanilang lupain, na nakatakdang angkinin mula sa kanila at paglagakan ng mga minahan at dam.
“Pagdating sa programa na malalaki, pag sila nagpapaalam, alanganin na. Malapit nang simulan,” ani Agoy.
Matatandaang noong 2023, inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso ng pulisya ang mga aktibista’t tanggol-kalikasan na sina Rowena Dasig at Miguela Peniero, matapos ang imbestigasyon ng dalawa sa planta ng kuryente na itinatayo malapit sa mga magsasaka ng Quezon, kung saan matindi rin ang presensya ng militar.
Panggigipit at Paniniktik
Maliban sa mga pang-aatake, hinaharang din ng mga sundalo ang hanapbuhay ng mga residente, saad ni Carla Padilla, paralegal ng Karapatan - ST sa panayam ng Kulê. Sa Brgy. Tagumpay sa Pola, naiulat na pinatanggal ng militar ang motor ng mga bangka ng mga mangingisda upang hindi umano gamitin ng mga rebeldeng grupo sa pagtakas.
Subalit mahirap ito para sa mga residente lalo na’t pangingisda ang pangunahing pinagkakakitaan ng karamihan sa kanila bukod sa pagkokopra at pagkakaingin. Maging si Agoy at ang ibang kapwa niya katutubo, na hanapbuhay ang pagkakaingin at pagtatanim ng saging at kamoteng kahoy, ay pilit na kinukwestyon at pinagbabawalang tumapak sa bundok at gubat.
“[Nag-iimbestiga] sila kung sino-sino pa raw ang mga kasamahan ni Jay-el at saan nagtatago,“ aniya. “Sa mga katutubo po, wala namang nagtatanong ng ganoon maliban sa army.”
At kasabay ng paglalabas-masok ng intel ng militar at pagbabalandra ng armas ng mga sundalo sa mga komunidad ng Mangyan, nagtakda pa ang mga ito ng curfew kung saan pinagbabawalan lumabas ang mga residente pagpatak ng 4 n.h.
Nananatili ring mainit ang mata ng mga sundalo sa mga katutubo, na kadalasa’y minamanmanan ang mga galaw, ini-interogate kaugnay sa NPA, at pinagbabantaan na huwag magkakanlong ng “rebelde” kung ayaw nilang madamay.
“Malinaw sa lahat ng nalapagan na mga komunidad ng team [na] takot at galit sila sa militar,” dagdag ni Padilla. “Pangunahin, naapektuhan ang kanilang hanapbuhay at ang kanilang mga karapatang mamuhay nang ligtas at walang pangamba.”
Kasaysayan ng Karahasan
Sa katunayan, maging ang Karapatan - ST na nagsagawa ng humanitarian mission at fact-finding sa mga barangay na naapektuhan ng strafing ay hindi ligtas mula sa pang-aabuso. Noong Marso 1, hinatak sa braso, inambahan, at pinagtangkaang batuhin ng dalawang military intel ang mga miyembro ng grupo.
Mailap naman ang tugon ng lokal na opisyal ng mga barangay na, sa kabila ng panghihimasok at walang paalam na operasyon ng militar, ay wala ring imik sa kalagayan ng mga residenteng naaapektuhan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naghasik ng panggigipit ang militar sa Mindoro. Noong nakaraang taon din, hinarang ng kanilang operasyon ang pagkuha at pagbili ng pagkain at pangangailangan sa mga tindahan sa loob ng komunidad.
Matagal nang sentro ng paglabag sa karapatang pantao ng mga magsasaka, mangingisda, at katutubo ang Timog Katagalugan, na ang salarin ay mismong mga tauhan ng militar at pamahalaan. Higit na madugo ang usaping agraryo sa rehiyon, tulad na lamang ng sunod-sunod na pagbabanta at panghaharang ng mga armadong tauhan sa Lupang Ramos at Lupang Tartaria sa Cavite.
Sa kabila nito, nagkakaisa ang mga progresibong grupo at organisasyon sa Timog Katagalugan sa pagkundena sa nagpapatuloy na militarisasyon sa Mindoro at sa panawagan na palayasin ang pwersa ng mga sundalo sa komunidad ng mga katutubo.
“Ang planong counterinsurgency ay hindi kontra terorismo. Ito ay kontra mamamayan, na siyang pumapatay sa kabuhayan at karapatan ng ating magsasaka at malawak na hanay ng masang anakpawis,” saad ni Jeverlyn Seguin, deputy secretary-general ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan.
Para kay Agoy, hindi natitigil ang pakikipagsapalaran ng mga katutubong gaya niya at ni Jay-el, na araw-araw sinasakdal kahit walang kasalanan.
“Paano kaming mahihirap na walang kakayahang mamuhay?” ani Agoy. “Dapat umiral ang kapayapaan sa bukid.” ●
*Hindi niya tunay na pangalan. Hiniling ng kinapanayam ng Kulê na gumamit ng alias para sa kanyang seguridad at kaligtasan.