Dumarami ang mga manggagawang nawawalan ng trabaho matapos isailalim ang Kalakhang Maynila at mga karatig nitong probinsya sa panibagong serye ng lockdown, mula sa dalawang-linggong enhanced community quarantine at ngayo’y modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Mayo 14.
Pumapalo sa 4.2 milyong Pilipino ang permanenteng nawalan ng trabaho, habang 7.2 milyon naman ang underemployed—mga manggagawang maikli lamang ang oras ng pagtatrabaho kaya nangangailangan pa ng dagdag na kita—batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Pebrero. Bagaman mas mababa ito kaysa nakaraang taon, kung saan 7.3 milyon ang unemployed at 6.4 milyon and underemployed noong Abril 2020, malaking bahagi pa rin ng mga dumagdag sa pwersa ng paggawa ang hindi naisama sa bilang ng walang trabaho.
Sa 74 milyong populasyon na bahagi ng labor force, o mga taong 15 taong gulang pataas, humigit-kumulang dalawa sa tatlong manggagawang Pilipino lang ang aktibong lumalahok sa paggawa, habang 27.2 milyon ang hindi na naging bahagi ng statistika, ayon kay Rochelle Porras, executive director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER), sa isang panayam sa Collegian.
“Ang ibig sabihin kasi ‘pag gano’n, hindi nakakaagapay yung generation ng job o yung pagkakaroon sana ng trabaho para ma-absorb yung papalaking bilang ng mga pwede na sanang maging trabaho at aktibong lumahok sa ating ekonomiya,” ani Porras.
Dulot ng kakulangan sa trabaho at sahod bunsod ng pandemya, maraming Pilipino ang umaasa sa pinansyal na tulong ng gobyerno simula noong nakaraang taon. Subalit hindi naging maayos ang pagpapatupad ng pamahalaan sa kanilang mga programa para sa pamamahagi ng ayuda.
Maraming Pilipino ang hindi nabigyan ng inaasahang tulong-pinansyal at nagkaroon din ng problema ang mga lokal na pamahalaan sa pagpili ng mga kwalipikadong benepisyaryo. Bunsod nito, umalma ang mga grupo ng mga manggagawa sa mabagal na usad at hindi organisadong pamamahagi ng ayuda.
“Kaming mga manggagawa na nakaranas ng halos pumila na maghapon, ang daming red tape, ang daming hinihinging kung anu-ano, pahirapan ang pagkuha ng ayuda sa mga ahensya ng gobyerno,” ani Christian Lloyd Magsoy, tagapagsalita ng Defend Jobs Philippines sa isang panayam sa Collegian. Hindi rin sapat para sa pang-araw-araw na gastusin ng bawat pamilyang Pilipino ang kakarampot na ayuda mula sa gobyerno, dagdag ni Magsoy.
Kawalang Kasiguruhan
Malaking bahagi pa ng pondo ng pamahalaan, tulad ng P1.1 trilyong nakalaan sa imprastruktura, ang maaari sanang ilaan sa emergency assistance at subsidies para sa mga mahihirap at nawalan ng trabaho, batay sa pananaliksik ng IBON foundation, isang think-tank.
Maaari ding ilipat sa subsidyo para sa mga mahihirap ang P19.5 bilyong pondo na napunta sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), dagdag pa ng IBON. Nagkaisa rin ang ilang mga senador sa panawagang itigil ang pagbibigay ng pondo sa NTF-ELCAC kasabay ng mga isyung kinasasangkutan nito patungkol sa red-tagging.
“Kung gusto maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan,” ani Sonny Africa, executive director ng IBON foundation sa “Kapihan Online: Ayudang Sapat Para Sa Lahat,” isang talakayan hinggil sa ayuda at subsidyo noong Abril 25. “At malinaw naman, ang ginagawa ng gobyerno ngayon, kung ano-anong mga kadahilanang binibigay nila, at pinapahirapan tayo sa usapin ng ayuda, kasi ayaw talaga nila magbigay ng ayuda.”
Dahil sa mga kakulangang ito, mas dumarami ang mga Pilipinong naghihirap at lumalala ang kanilang kawalan ng seguridad sa gitna ng pandemya, lalo na ang mga manggagawang tinanggal sa trabaho.
Noong nakaraang taon, nagkaroon ng tanggalan ng mga empleyado sa Robina Farms, isa sa pinakamalaking agro-industrial na kumpanya sa bansa na nagsusuplay ng karneng baboy at itlog mula pa noong 1963. Nang tumama ang African Swine Flu (ASF) sa bansa, maraming alagang baboy ng kumpanya ang namatay, dahilan upang ikalugi diumano nito. Matagal nang nagsisilbi sa Robina Farms ang kalakhan sa higit 200 regular na empleyedong sinibak noong Oktubre 15.
Ayon kay Porras, mas mainam sana kung nagkaroon man lang ng negosasyon sa pagitan ng mga manggagawa at ng kumpanya upang mapag-usapan kung paano sana matutugunan ang nababawasang kita ng kumpanya.
Nakiisa rin sa mga manggagawa ng Robina Farms at ng iba pang pabrika na natanggalan ng trabaho ang lokal na sangay ng Kilusang Mayo Uno sa Universal Robina Corporation. “Sa panahon ngayon ng pandemya, kasiguraduhan sa trabaho’t ayuda ang pangangailangan ng mga manggagawa, hindi tanggalan. Hindi dapat gawing dahilan ang pandemya para magtanggal ng manggagawa alang-alang sa pagtiyak ng kita,” pahayag ng grupo.
Kapalit ay Kapahamakan
Dulot ng mga kakulangan ng gobyerno sa usapin ng trabaho, ayuda, at sahod, maraming mga panawagan ang isinusulong ng mga manggagawa, tulad ng P750 minimum wage at P100 immediate wage relief. Ngunit hindi lahat ng panawagang ito ay nabibigyang-aksyon ng gobyerno.
Sa halip, makikita sa mga datos ang pagdami pa nga ng kaso ng mga pag-aresto, pagpatay, at pangre-red-tag upang patahimikin ang mga aktibong nangangampanya sa hanay ng mga manggagawa. Sa kasagsagan ng pandemya, nagkaroon na ng maraming mga kaso ng paglabag sa mga karapatan ng manggagawa na humantong sa pagkakulong at pagkamatay ng ilan (tingnan ang sidebar 1).