Sinalubong ng daan-daang manggagawa, estudyante, at progresibong grupo ang halos isang libong empleyado ng Nexperia Philippines Inc. sa huling araw ng kanilang welga noong Mar. 8, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kababaihang Anakpawis. Ito na ang pinakamalaking welga na isinagawa sa Timog Katagalugan sa huling anim na taon.
Sa kabila ng pang-ha-harass ng kapulisan at pagputol sa supply ng kuryente, tubig, at pagkain, naipakita ng mga manggagawa ang kanilang pagkakaisa upang igiit ang kanilang mga karapatan. Nasa 74 oras ang tinagal ng welga ng mga manggagawa sa loob at labas ng gusali ng Nexperia sa Cabuyao, Laguna. P1.26 bilyon ang nawala sa kumpanya sa halos apat na araw na pagtigil ng produksyon.
Buhat ng kanilang welga, napagtagumpayan nila ang pagkamit sa P50 na dagdag-sahod na maipapatupad sa loob ng tatlong taon, imbes na pawang P17 umento na unang tugon ng kumpanya, at pagkakabalik sa trabaho ng dalawa sa apat na opisyal na sinibak sa pwesto.
Ngunit hindi rito natatapos ang laban ng mga manggagawa ng Nexperia. Mahigit tatlong dekada na silang naghihirap sa ilalim ng kumpanya bunsod ng hindi nakabubuhay na sahod at paglabag sa kanilang karapatang lumaban. Sa likod ng malawakang welga at kilos protesta na ito ang mahabang pakikipagsapalaran ng mga manggagawa para sa seguridad sa trabaho, karapatan mag-organisa, at angkop na sahod at benepisyo.
Ano Ang Nexperia Philippines Inc.?
Isang multinational company ang Nexperia na ang pangunahing produkto ay mga semiconductor. Karaniwang matatagpuan ang teknolohiyang ito sa mga cellphone, TV, appliances, at iba pang elektroniko.
Taong 1981 nang itayo sa Las Piñas ang Nexperia sa Pilipinas, nagisimula sa pangalang Philips Semiconductors. Semiconductors para sa radyo at telebisyon ang naging pangunahin nitong produkto. Noong 2006, ibinenta ng Philips ang 80.1% ng shares nito sa mga US investor at pinalitan ang pangalan ng NXP Semicon. Naging Nexperia Semicon ito noong 2017 at ang pokus ng paggawa ay sa mga produktong automotive.
Bukod sa Pilipinas, mayroon din itong mga pabrika at pagawaan sa Germany, United Kingdom, at Malaysia. Nasa 14,000 myembro ang naitala sa kumpanya mula sa Europa, Asya, at Amerika noong 2024 na nagtatrabaho para makagawa ng nasa 90 bilyong semiconductors taon-taon. Mayroon itong humigit-kumulang USD2.4 bilyon na annual revenue.
Mataas ang demand ng mga semiconductor, higit lalo sa mga industriyalisadong bansa kung saan madalas itong gamitin sa kanilang teknolohiya. Nanatili itong top export ng Pilipinas. Noong buwan ng Disyembre 2024 lamang, umabot sa USD2.8 bilyon ang kinita ng bansa mula sa pag-e-export ng electronic products, kabilang ang semiconductors.
Ngunit sa kabila ng limpak-limpak na yamang niyayari sa Nexperia, nanatiling dehado ang mga manggagawa lumilikha nito.
Bakit Nagkasa ng Welga?
Noong 2023, sinimulang isara ng Nexperia ang Sensors Department nito dulot umano ng mababang produksyon, kung kaya ililipat ito sa Thailand sa kasagsagan ng tumataas na demand ng semiconductors sa Asya. Ngunit hindi ito tugma sa reyalidad na pilit na pinapapasok pa rin ang mga manggagawa tuwing holidays at pahirapan sa paggawad ng leave approval para lang mapalawig ang produksyon. Nasa 495 manggagawa ang naapektuhan sa biglaang pagsara ng sensors department.
Kabilang din sa taktika ng Nexperia ang paggamit sa performance criteria upang tukuyin at tanggalin ang mga itinituring nila “low-performing” na manggagawa. Noong Abril 2024, natanggal ang 54 manggagawa, na lahat ay miyembro ng unyon, sa gitna ng mga negosasyon ng collective bargaining agreement (CBA).
Ang CBA na inaasahang magsilbing tulong sa pagsulong ng kanilang karapatan ay nauwi sa deadlock, o di-pagsang ayon ng kumpanya at unyon sa negosasyon. Dagdag dito, hindi pinakinggan ang hinaing ng mga manggagawa para sa P50 na dagdag sweldo. Tanging P17 umento lamang ang inaalok ng mga opisyales ng Nexperia. Sa Timog Katagalugan, pumapatak lamang sa P560 ang minimum wage sa Rehiyon IV-A, kulang na kulang sa family living wage na P1,146, ayon sa IBON Foundation.
Nasa P90,000 lamang ang makakaltas sa P400 milyong kinikita ng kumpanya araw-araw kung matupad ang ipinaglalaban ng 1,800 manggagawa ng kumpanya. Noong Hunyo 26, 2024, naghain ng notice of strike ang unyon ngunit binantaan pa sila ng kumpanya na papatawan ng absent without leave ang sinumang sumali sa strike. Nagbaba rin ng assumption of jurisdiction order ang Department of Labor and Employment noong Peb. 4, 2025, na nagbabawal sa strike at nagpapabalik ng mga empleyado sa trabaho.
Ngunit sa gitna ng negosasyon ay nasibak sa trabaho ang apat na unyonista, kabilang ang presidente ng unyon na si Mary Ann Castillo, bise presidente na si Antonio Fajardo, at mga opisyales na sina Girlie Batad at Marvel Marquez. Taktika ito ng Nexperia upang maudlot o mapatigil ang CBA negotiations at hindi mabigay ang hinihingi ng mga manggagawa, ayon sa Kilusang Mayo Uno.
Ngunit hindi na bago ang mga suliraning kinakaharap ng mga manggagawa ngayon. Simula pa man noong pagtatag ng unyon, matagal na nilang ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan sa paggawa.
Ano ang Kasaysayan ng Kanilang Paglaban?
Matagal nang hinaharap ng mga manggagawa ang mga suliranin sa mababang sweldo, kawalan ng seguridad sa trabaho, pagpigil sa mga welga, at pag-udlot ng mga negosasyon.
Mula pa noong 1971, nagsimula nang magsagawa ng mga collective bargaining agreement ang mga manggagawa ng Philips Component Philippines Inc. Hindi kasama noong una sa mga ugnayang ito ang mga security guard, ngunit naipanalo nilang maging saklaw nito ang lahat ng mga empleyado sa bisa ng mga negosasyon.
Noong 1981, nabuo na ang unyon na Philips Component Philippines Inc. Workers Union. Isa sa naging matagumpay na welga ng unyon ang paglunsad ng 21 araw na strike para sa dagdag sahod, subsidyo sa pagkain at maternity benefits, at pagtutol sa pagtanggal sa trabaho ng mga lider ng unyon.
Magmula nang pagkakatatag ng unyon, naging esensyal ito sa pag-abante sa mga hinaing ng mga manggagawa, tulad ng pagtutol sa kontraktwalisasyon, biglaang pagbaba ng sweldo, at labor flexibilization. Dito, naging malaki ang gampanin ng unyon sa pagtiyak na nakukuha ng mga manggagawa ang angkop na benepisyo at karapatan.
Taon 2014 nang pinatanggal sa trabaho ang 24 na manggagawa dahil hindi sila nakapagtrabaho noong Araw ng mga Bayani, Maundy Thursday, at Good Friday. Kalahati sa kanila ang naibalik sa trabaho, ngunit kalahati ang permanenteng tinanggal. Noong Abril 2020 naman, sa kasagsagan ng pandemya, matagumpay na nilaban ng unyon na magkaroon ng isang linggong paid quarantine leave ang mga manggagawa.
Ang mahabang kasaysayan ng mga tagumpay na nakamit mula sa pagwewelga ng mga manggagawa ng Nexperia ay patunay sa kakayahan at lakas ng kanilang pagkakaisa. Malaki ang ambag ng mga tagumpay na ito para sa kalagayan ng mga manggagawa sa mahabang panahon.
Paano Ipagpapatuloy ang mga Tagumpay na Naipundar sa Welga?
Bagaman natapos ang welga sa loob ng apat na araw, makabuluhan ang pagwagi ng unyon at mga manggagawa. Napatunayan ng mahabang kasaysayan na ito ang matagumpay na pagkakaisa nila sa harap ng kawalang katarungan. Sa pamamagitan ng pagpapatatag ng unyon, napalakas din ang panawagan para labanan ang abuso at isulong ang karapatan ng mga manggagawa.
“Mahaba na ang inabot ng ating pakikibaka para sa malaman at makatwirang umento sa sahod at pagpapatibay ng mga benepisyong nakakamit na natin,” ani mga manggagawa ng Nexperia sa pahayag nito sa Facebook, Mar. 10. “Itinatak ng ating welga na handa na tayong tumahak sa tuloy-tuloy na laban para kamtin pa ang higit na mga tagumpay.”
Isa ang welga ng mga manggagawa ng Nexperia Philippines Inc. sa patunay na ang kolektibong pagkilos ay mabisang paraan ng pangangalampag sa mga nasa kapangyarihan. Ipinapaalala ng mahabang kasaysayan na ito na kayang makamit ng nagkakaisang mga manggagawa ang hangganan ng pambubusabos at panggigipit. 𖧹