Kinondena ng iba-ibang grupo ng mga kabataan ang red-tagging sa dalawang lider-estudyanteng sina Paul Lachica at Thomas Franco matapos ang paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, Peb. 25.
Inakusahan ng kapulisan ang dalawa bilang mga rekruter ng New People’s Army, na mariing pinabulaanan nina Lachica at Franco. Si Lachica ang national chairperson ng Katipunan ng Sanggunian ng mga Mag-aaral sa UP (KASAMA sa UP) at regional coordinator ng National Union of Students in the Philippines-Eastern Visayas, habang si Franco ang assistant vice president for Luzon ng Kabataan Party-list.
“Manifestation [ang pan-re-red-tag] ng current system natin na mercenary talaga yung tradition ng Philippine politics, at pinapaigting siya ng mga ahensya tulad ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict), AFP (Armed Forces of the Philippines), at PNP (Philippine National Police),” ani Lachica sa panayam ng Kulê.
Nanguna sina Lachica at Franco sa pag-oorganisa ng mga aktibidad sa Gitnang Luzon at Silangang Visayas sa anibersaryo ng EDSA People Power, sa kabila ng pagtalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dito bilang isang “special working day.”
Nakatanggap si Lachica at ang kanilang kampo ng ulat na nais kunan ng litrato ng kapulisan ang mga litrato ng mga lider-estudyante isang araw matapos ang paggunita sa EDSA sa UP Tacloban. Samantala, nilibot ng nagpakilalang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang Brgy. Capehan, Tarlac upang hanapin ang tirahan ni Franco at humingi ng kaniyang personal na impormasyon.
Hindi ito ang unang kaso ng red-tagging na naranasan ng dalawa. Noong Oktubre 2024, nakatanggap ng ulat si Lachica na nangalap ng personal na impormasyon ang mga pwersa ng AFP sa mga lider estudyante ng UP Tacloban. Ito naman ang ikaapat na insidente ng red-tagging kay Franco ngayong taon.
“Nagwawaldas ng pondo ng bayan [ang CIDG] sa mga surveillance operations laban sa mga kabataan tulad ni Thomas na nangangampanya lang naman kasama ang kapwa estudyante para makamit ang tunay na libreng edukasyon at matiyak ang tunay na representasyon ng kabataan sa Kongreso,” saad ni Kabataan Party-list representative Raoul Manuel sa isang pahayag.
Kaakibat nito, nanawagan ang Kabataan Party-list na imbestigahan ang CIDG tungkol sa insidente.
Alinsunod sa naging desisyon ng Korte Suprema noong Mayo 2024, banta ang red-tagging sa buhay, kalayaan, at seguridad ng isang indibidwal. Sa kabila nito, binibigyan-katwiran pa rin ng estado ang red-tagging laban sa mga progresibo sa ilalim ng mga batas tulad ng Anti-Terror Law.
Maging ang mga mga pamilya at mga institusyon na sana’y nagsisilbing ligtas na espasyo sa mga lider-estudyante ay kabilang sa mga humahadlang sa kanilang pagkilos. “Pati sa loob ng mga pamilya ay nakakaranas yung mga ibang mga kabataan ng red-tagging sa mismong pamilya nila,” ani Lachica.
Marami pa rin ang mga kaso ng pan-re-red-tag sa mga lider-estudyante, aktibista, at kumakandidatong senador at party-list nominee sa ilalim ng Koalisyong Makabayan sa iba-ibang sulok ng bansa, ayon sa pahayag ng grupong Karapatan noong Marso 4.
“Ibasura yung Anti-Terror Law na nagpapalawak lang ng pang-aatake sa mga estudyante at i-abolish ang NTF-ELCAC na nagiging machinery ng estado para palakasin ang mga black propaganda, ang counterinsurgency na campaign na nagpapahirap, di lamang sa mga kabataan, pati na rin sa mga mamamayan lalo na sa mga manggagawa at magsasaka,” ani Lachica. ●