“Sama ng loob ko'y sa aking mag-isa, / Di maipahayag sa mga kasama; / Puso ko ay lubos na pinagdurusa, / Tamis na bilin mo'y ‘magtiis ka, sinta.’" Hayag sa kanyang tulang “Magmula Giliw, Nang Ikaw ay Pumanaw” ang labis na kalungkutan ni Gregoria de Jesus sa trahedyang sinapit ng kaniyang asawang si Andres Bonifacio: mula lider ng rebolusyon, inaresto at pinapatay ng karibal na si Emilio Aguinaldo noong 1897.
Bagaman hinggil sa pagdadalamhati at pangungulila sa asawa ang tula ni Oryang, malinaw ang konteksto ng kanilang pag-iibigan: ang himagsikan. Mula sa sinulat niyang “Mga Tala ng Aking Buhay,” namulat si Oryang hindi lamang dahil kay Bonifacio, kundi dahil sa politikal na kalagayan ng pamilya at sa kondisyon ng panahon.
Nagsilbing gatong ang pagmamahalan nina Oryang at Andres sa apoy ng rebolusyon laban sa mga Kastilang mananakop. Sa paghihimagsik, nilabanan nila ang pyudal at kolonyal na kondisyong dinaranas ng mga Pilipino. Sa pag-iibigan, tinunggali nila ang umiiral na pagtingin ng lipunan sa kababaihan: na walang kakayahang magpasya at angkinin ang kasarinlan.
Sa dulang “O Pag-ibig na Makapangyarihan” ni Bonifacio Ilagan, ang malaya’t sariling pagpapasya ni Oryang na ibigin si Andres at sumanib sa himagsikan ay isang matingkad at aktibong politikal na simbolo ng kasarinlan. Patunay si Oryang sa kakayahan ng mga kakabaihang tunggaliin ang sistemang daklot ng pyudal at kolonyal na kondisyon.
Pagbalikwas sa Nakasanayan
Idinidikta ng kolonyal na gobyerno at ng Simbahang Katolika ang kamalayan at kaugalian ng kababaihan. Ipinaliwanag ni Resil Mojares sa kaniyang mga sanaysay na “Stalking the Virgin” at “Catechisms of the Body” kung paano ginawang ehemplo ng disiplinadong katawan at kaluluwa ng kababaihang indio ang kolonyal na representasyon sa Birheng Maria: birhen, banal, matimtiman, palasunod at nangangayupapa.
Dahil ekonomiko ang primaryang interes ng mga kolonyal na institusyong ito, nahuhulma rin ng ekonomikong interes ang kultura at tradisyon ng mga Pilipino, kabilang na ang kababaihan. Malinaw sa mga Kastilang mananakop na makapangyarihang instrumento ang pyudal na kultura upang hulmahin na maging palasuko sa makapangyarihan ang mga mamamayan. Samakatuwid, pyudal o atrasado ang mga sistema, kabilang ang kultura, na ipinanghuhulma ng kolonyal na institusyon.
Isang matingkad na halimbawa nito ang mga kostumbre at pamantayan sa pag-iibigan. Bawal “magpakita ng lambing” ang babae, at dapat primaryang isasaalang-alang ang pangalan at estado ng pamilya kapag pipili ang babae ng iibigin, tulad ng nakasaad sa kolonyal-pastoral na akdang “Urbana at Feliza” ni P. Modesto de Castro. Noong unang napusuan ni Andres si Oryang, magulang ang unang nilapitan, at katayuan sa lipunan ang kanilang unang itinanong sa manliligaw. Ayon mismo sa sariling talambuhay ni Oryang, tutol ang kanyang ama kay Andres sa dahilang isang freemason o mason si Andres. Itinuro ng kolonyal na simbahan na masasamang tao ang mga mason.
Pero hindi masusukat si Andres sa ganitong pamantayan dahil aktibo siyang gumagalaw upang pabagsakin ang umiiral na lipunan. Sa pagnanais nyang magkaroon sila ni Oryang ng makabuluhang pag-ibig, hindi niya itinago ang kanyang sarili: miyembro siya ng Katipunan, at kumikilos sila upang pabagsakin ang kolonyal na lipunan.
Mahaba man ang panahon ng pagpapasya, buong-pusong tinanggap ni Oryang si Andres at malaya at mapagpasyang sumapi sa rebolusyon. Binaka nila ang pyudal at kolonyal na gawi ng ligawan tungo sa mas mataas na antas ng pag-ibig—isang pag-ibig na nakatali sa pagmamahal sa kolektibo at kasama sa rebolusyon, sulat sa “Make Way for Winged Eros!” ni Alexandra Kollontai, isang babaeng rebolusyonaryo sa Soviet Union noong 1923.
Sa ganitong paraan, naging subersibo ang pagmamahalan nina Andres at Oryang. Sa dula, ginamit na performatibong istratehiya ang akto ng ligawan bilang akto rin ng pagsuong ni Oryang sa rebolusyon. Kasabay ng pag-uusap nila at paglapit ng puso sa isa’t isa, namulat rin si Oryang sa mga ideya ng himagsikan at paglaban sa umiiral na kolonyal na sistema. Natuto si Oryang na maging mas matapang at mapagpasya, at sa katunayan, nang siya’y ipiit ng sariling mga magulang ay sumulat siya ng liham sa gobernadorcillo upang igiit ang kanyang kalayaan
Kababaihan sa Himagsikan
Isang ganap na miyembro si Gregoria de Jesus ng himagsikan. Nagkaroon sila ng hiwalay na kasal ni Bonifacio sa harap ng mga kasama sa Katipunan matapos ang kanilang kasal sa simbahan. Ngunit hindi lamang pagiging asawa ni Bonifacio ang naging gampanin ni Lakambini, na naging alias ni de Jesus, sa Katipunan.
Si de Jesus ay naging tagapag-ingat ng dokumento, armas, timbre, at iba pang lihim ng samahan. Siya rin ang unang nagsalin ng alpabetong ginamit ni Emilio Jacinto upang maitago ang mga mensahe ng rebolusyon. Sa dulo ng dula, ipinakita na kasama ng mga kawal ng rebolusyon, nagsanay rin si Oryang sa paghawak ng armas at pagsakay sa kabayo—malinaw na bahagi at aktibong kalahok ang babae sa armadong pakikibaka.
Sa katunayan, sa kanyang sariling talambuhay, isinalaysay ni Oryang ang kanyang danas bilang babae at rebolusyonaryo: “Napagdanasan ko rin naman ang matulog sa lupa nang walang kinakain sa buong maghapon, uminom sa mga labok ng maraming tubig o kaya’y katas ng isang uri ng baging sa bundok na totoong mapakla na naging masarap din dahil sa matinding uhaw.” Ginamit rin niya ito sa pakikipaglaban sa mga Kastila, sulat niya sa awtobiograpiyang nilambag kasama ng akdang “Julio Nakpil and the Philippine Revolution” ni Renato Constantino.
Hindi lang si Oryang ang babaeng nagpamalas ng rebolusyonaryong aksyon noong himagsikan. Ipinamalas ito ng libu-libong Pilipinong kababaihan sa pagsulong ng rebolusyon laban sa kolonyalistang Kastila. Kasama sila, tulad nina Patrocinio Gamboa na espiya ng Katipunan sa Iloilo at Trinidad Perez Tocson ng Bulacan na nakipagbakbakan sa mga dayuhan, sa mga nag-alay ng sarili para mapalaya ang bansa.
Ngunit labas sa dulang “O Pag-ibig na Makapangyarihan,” hindi lumilitaw ang ganitong mga kwento sa kontemporaryong pagtingin ng Pilipino sa sariling kasaysayan. Nakikita ito sa kung papaano nirerepresenta ang mga kababaihan ng Katipunan: si Melchora Aquino ay “ina ng rebolusyon,” si Teodora Alonso ay “ina ni Jose Rizal,” si Marcela Agoncillo ay tagapaghabi ng watawat. Sa pag-angkla ng mga kwento nila sa mga umiiral na mga gender role o kaya mga simbolo, nagiging mas mahirap na ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan pagkatapos ng rebolusyon.
Pagkilos sa Kasalukuyan
Ayon kay Christie Doran sa “Women in the Philippine Revolution,” kulang na kulang ang histograpiya na kumikilala sa kontribusyon ng kababaihan sa kasaysayan ng Pilipinas lalong-lalo na sa mga panahon ng rebolusyon. Sa katunayan, naobserbahan ni Thelma Kintanar sa “Women Reading … Feminst Perspectives on Philippine Literary Texts,” na sa panahon ng Batas Militar lamang umusbong sa panitikan ang ideya ng kababaihan bilang aktibong lumalahok sa pakikibaka tungo sa mas malayang lipunan.
Sa pagpapalitaw ng iba-ibang perspektiba sa histograpiya, napatatalas ang mga aral ng kasaysayan. Nagiging ehemplo si Oryang sa mga nakikibaka sa kasalukuyan, lalo na sa kababaihan na kasalukuyang lumalaban para sa totoong kasarinlan laban sa mapang-aping rehimen. Sa ganitong punto, ang dula ni Ilagan ay matapang at napapanahong ambag sa papel ng kababaihan bilang makapangyarihang puwersa para sa tunay na malaya at mapagpalayang pagbabagong panlipunan. Kaya may gampanin ngayon ang iba-ibang porma ng panitikan at midya para dalhin at ipatimo ang mga kwentong ito sa masa.
Kaugnay nito, isang paraan ang paggamit ng mas napapanahong wika para sa mga historikal na kwento, at ang pagkonekta sa mga balita sa kasalukuyan, tulad ng isinagawa sa “O Pag-ibig na Makapangyarihan.” Halimbawa, sa pagsasalin ng mga salita, termino at eupemismong ginagamit sa pakikibaka noong panahon ng kolonyalismong Kastila tungo sa kontemporanyong wika, o kaya sa pagbanggit sa napapanahong balita tulad ng mga human rights violation ng rehimen nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Ferdinand Marcos, naitutulay ang kasaysayan sa kasalukuyan.
Dahil iba ang porma ng dula, naiiba rin ang ideyolohiyang ipinapahayag nito sa ibang historical media. Halimbawa, ang wikang ginamit sa pelikulang historikal na “Heneral Luna,” ayon sa kritisismo ni Ambeth Ocampo, ay maaaring nag-ambag sa pagnormalisa sa marahas at awtoritaryang wika ng pagmumura ni Duterte. Nanatili ang pelikula sa pangyayari noong digmaang Pilipino-Amerikano, kung kaya walang naging konkretong pagsusuri o pag-uugnay sa mga kontemporaryong isyu. Ito ang isang problemang nalutasan ng “O Pag-ibig na Makapangyarihan” sa paggamit nito ng kontemporaryong wika at pag-ugnay sa kasalukuyang kalagayan ng bansa.
Gabay ang istorya nina Andres at Oryang sa kung papaano umaksyon tayong nasa kasalukuyan laban sa isang lipunang mapang-api. Ngunit mahalaga ring tandaan na hindi dapat nakukulong ang pagsulong ng mga karapatan sa pagtingin sa kasaysayan—kailangan may konkretong pagsusuri sa kondisyon ng panahon kung papaano mapapalakas ang pagkilos ng kababaihan at sambayanan patungo sa lipunang mapagpalaya. ●