Natagpuan ng dalawang election watchdog na red-tagging, na ginagamitan ng artificial intelligence (AI) sa ilang kaso, ang pinakalaganap na campaign violation sa unang buwan ng pangangampanya para sa eleksyon sa 2025.
Mula Peb. 12 hanggang Mar. 14, nakatala ng 94 na kaso ng campaign violations ang Kontra Daya at Vote Report PH, kung saan 60 ay red-tagging. Kasunod nito ang 23 kaso ng ilegal na pangangampanya, apat na kaso ng vote buying, at pitong kaso ng iba pang uri ng paglabag.
“Red-tagging in this part of the world can get you arrested, detained or even killed. And that has been the experience in previous election cycles where campaign coordinators of certain party-list groups perceived to be progressive would be summarily executed,” ani Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya at associate professor ng pamamahayag sa UP Diliman.
Malaon nang nagiging biktima ng red-tagging ang mga progresibong indibidwal mula pa noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ngunit dahil sa paglaganap ng AI, naiulat ngayong campaign period ang pagdami ng deepfake videos na ginagamit upang manlinlang sa manonood, ayon sa Kontra Daya.
Ang deepfake ay isang uri ng litrato o video kung saan nilalapatan ng bagong aksyon o salita ang mukha ng tao na sa katunayan ay hindi niya ginawa o sinabi.
“Sa bahagi ko, ilang AI videos na ang lumabas portraying me to be holding arms even though halatang edited siya,” ayon kay Renee Co, unang kandidato ng Kabataan Partylist. “Our second and third nominees ay mayroon na ring nailabas na pubmats against sa kanila na sila’y nire-red-tag.”
Sa huling buwan, naging biktima rin ng red-tagging ang apat na party-list, kabilang ang Kabataan Partylist, at 11 kandidato sa Senado ng Makabayan bloc.
Ngunit hindi lamang sa social media isinasagawa ang red-tagging sa mga progresibong party-list. Ayon kay Co, naging biktima ng paniniktik at harassment ng mga di-kilalang tauhan ang mga kasapi ng Kabataan Partylist nang sila’y tumungo sa Palawan nitong buwan para sa isang leadership training seminar.
Mula Pebrero, naglipana rin ang black propaganda sa iba-ibang probinsya at lungsod na pumupuntirya sa mga party-list ng Makabayan bloc. Malaking bahagi rito ay mula mismo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), maging mga tauhan ng pulis at militar.
“The NTF-ELCAC—let’s mince no words about it—they do red-tagging,” paliwanag ni Arao. “The very existence of the NTF-ELCAC is concrete proof of the state, or the government, to be more particular, being enablers of fake news dissemination.”
Nagpapatuloy ang malawakang red-tagging sa kabila ng Resolution 11116 o Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines ng Commission on Elections (COMELEC) na inilabas noong Pebrero. Ipinagbabawal nito ang labeling o ang pag-akusa sa indibidwal bilang bahagi ng grupong kriminal, subersibo, o terorista.
Nakabatay ang resolusyon sa hatol ng Supreme Court noong 2024 na nagsasabing banta sa buhay, kalayaan, at seguridad ng tao ang red-tagging.
Ngunit maaaring maging balakid sa pagpapatupad nito ang pagkontra mismo ng kapwa ahensya ng gobyerno. Sa isang press conference, tinutulan ng NTF-ELCAC ang bagong resolusyon at tinanggi pa nitong bahagi ang red-tagging sa polisiya ng gobyerno.
“Ang challenge natin ay na ang existing rules nila (COMELEC) ay ma-implement at patuloy silang magsulat at mag-isyu ng rules na patuloy ise-strengthen yung mandate nila,” ani Co. “Nananawagan kami sa lahat na maging vigilant din. Maging proactive sa pag-file ng complaints, pag-report.”
Bukas pa rin ang Vote Report PH at Kontra Daya sa mga ulat ng campaign violations sa link na ito. ●