Sa kanyang byahe mula Monumento hanggang United Nations station ng LRT-1 at pabalik, umaabot ng P46 ang pamasahe ni Jade Maderazo, mag-aaral ng biyolohiya sa Philippine Normal University.
Pero pagsapit ng Abril 2, tataas pa sa P56 ang pamasahe ni Jade. Dagdag gastusin din ito para sa magulang niyang P800 lamang ang kita sa isang araw para sa pamilya ng anim.
“As a student na wala namang sariling work, nakakainis [ang dagdag-singil sa pamasahe sa LRT-1] kasi ang laki ng itinaas,” ani Jade sa panayam ng Kulê.
Nitong Peb. 18, pinagbigyan ng Department of Transportation (DOTr) ang hiling na dagdag-singil sa pamasahe ng Light Rail Manila Corporation (LRMC): P16.25 na boarding fare mula P13.29 at distance fare na P1.47 kada kilometro mula P1.29.
Nangangahulugan ito na P20 ang pinakamababa at P55 ang pinakamataas na babayaran ng mga gumagamit ng single-journey ticket habang P16 hanggang P52 naman sa mga gumagamit ng stored value card tulad ng Beep card. Sa kasalukuyan, P15 hanggang P45 ang pamasahe gamit ang single-journey ticket habang P15 hanggang P43 naman gamit ang stored value card.
Ayon sa LRMC, para sa pagpapabuti ng serbisyo—gaya ng pagdaragdag ng mga bagong tren at pagpapaganda ng mga estasyon—at sa pagpapalawig ng LRT-1 hanggang Cavite ang dahilan sa taas-singil. Ito lamang din anila ang ikalawang pagkakataon na pinagbigyan ng DOTr ang hiling nila sa nakaraang sampung taon.
Ngunit mariing kinondena ng mga grupo ng komyuter ang taas-singil ng korporasyon at sinabing pagkamal lamang ng kita ang layunin ng LRMC, hindi pagpapabuti ng serbisyo nito.
“Ang 30% na taas-pasahe ay isang tahasang pagsasamantala sa mamamayan at patunay ng pagiging ganid ng mga malalaking korporasyon sa ilalim ng isang tiwaling kasunduan sa pagitan ng gobyerno at malalaking negosyo,” saad ng grupong PARA! Advocates for Inclusive Transport sa isang pahayag.
Una nang nagtaas-singil ang korporasyon noong Agosto 2023. Mula P15 hanggang P30, naging P15 hanggang P35 ito para sa mga gumagamit ng single-journey tickets habang mula P12 hanggang P30, naging P14 hanggang P35 ito para sa mga gumagamit ng stored value cards.
Ang 2015 concession agreement sa pagitan ng pamahalaan at LRMC ang basehan ng taas-singil sa LRT-1. Sa ilalim ng kasunduang ito, makasisiguro ang korporasyon ng 10.25% taas-singil sa pamasahe kada dalawang taon at 5% pa kapag natapos ang LRT-1 extension.
Bukod sa pagtaas-singil mula nang ipatupad ang kasunduan, binigyang-diin din ng grupo ang patuloy na pagpalya ng serbisyo ng korporasyon gaya ng kakulangan ng mga bagon, kadalasan ng aberya, at kakulangan ng kapasidad ng mga tren upang magsakay ng mga pasahero.
Kaya paghihinto sa taas-singil, pagbabasura sa kasunduan, at pagbabalik ng kontrol ng LRT-1 sa pamahalaan ang nakikitang solusyon ng grupo upang gawing abot-kaya at makatao pa rin ang pampublikong transportasyon.
Mungkahi naman ni Jade bilang komyuter na dapat magkaroon ng sariling “jeepney carousel,” gaya ng EDSA Bus Carousel, sa ilalim ng LRT-1 upang magkaroon ang mga gaya niyang komyuter ng mapagpipilian.
“Huwag na itaas ang pamasahe kasi kawawa talaga yung mga taong pinagkakasya lang ang pamasahe sa araw-araw. Sobrang laki ng itataas nila sa pamasahe kaya magtitiis ulit kami, mag-iisip ano yung pwedeng ibawas para lang magkaroon ng pamasahe,” aniya. ●