Pasado ala-una ng madaling-araw ng Marso 7, nang bulabugin ng anim na sasakyang L300 sina Jabong Rabia at Rocky Oropesa, kasama ng 100 empleyado ng J&T Express Philippines. Lulan nito ang mga armado at nakamaskarang kalalakihan na akmang binubuwag ang piket ng mga manggagawa upang makuha ang mga trak sa loob ng warehouse na apat na araw nang nakatengga dahil sa strike.
Umaga pa ng Marso 3 nang harangan ng mga truck driver, pick-up rider, at mga on-call worker (OCW) ng J&T ang entrada ng garahe na may daan-daang trak bilang protesta sa di makataong kondisyon sa pagtatrabaho sa kumpanya. Kinalampag nila ang pamunuan dahil sa mga panukalang anila’y nagkakait sa kanila ng benepisyo at seguridad sa trabaho.
Sa halip na tugunan, ang mga welgista ay lubha pang inagrabyado—patunay sa ganid na iskema ng malalaking kumpanya gaya ng J&T na sinusubsob ang kalagayan ng mga manggagawa para sa pagkamal ng kita.
Sagasa sa Seguridad
Taong 2019 nang magsimula bilang pick-up rider sina Jabong at Rocky sa J&T sa ilalim ng ahensya na PH Global. Makalipas ang tatlong taon, nilipat sila sa XLR8, na ayon sa mga manggagawa, pinakilala sa kanila ng J&T bilang sister company ngunit isa palang panibagong ahensya. Bagaman anim na taon nang nagtatrabaho, gumagapang pa rin sila sa kawalan ng seguridad sa trabaho bunsod ng nangyaring paglipat.
"Kinukuha po namin yung kontrata namin, wala po silang maibigay. Sabi po nila, ipapa-notaryo nila," ani Jabong.
Ayon kay Eli San Fernando ng Kamanggagawa party-list, ang pag-iral ng mga ahensya ay mitsa rin ng kawalang-katiyakan sa collective bargaining agreement (CBA) ng mga manggagawa. “Dapat mabuwag ang manpower agency. Wala silang ambag sa produksyon. Parasitiko sila, linta sa linya ng produksyon," aniya.
Hindi ito makatwiran para sa mga pick-up rider gaya nina Jabong at Rocky na anim na araw nagtatrabaho sa isang linggo at daan-daang parcel ang hinahatid bawat araw. Abutin man ng madaling araw kaka-overtime sa dami ng karga, wala kahit piso ang nadadagdag sa kanilang kompensasyon. Suspensyon pa ang inaabot ng iba kung hindi sundin ang rest day overtime, lalo na tuwing sale ang mga bilihin, kwento ni Rocky.
Ayon sa mga J&T rider na sina Jabong at Rocky, kahit pa ilang oras silang mag-overtime para maghatid at magkarga ng mga parcel, hindi sila binabayaran ng kumpanya para dito. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Ngunit kung baku-bako na ang daan para kina Jabong at Rocky, higit pang malubak ang daang binabagtas ng mga kasamahan nilang OCW.
Batay sa Artikulo 281 ng Labor Code of the Philippines, saka lamang ituturing ang empleyado bilang regular kapag anim na buwan na itong nagtatrabaho sa kumpanya. Sa kaso ng mga OCW, nagtatagal lamang ang kanilang kontrata nang isa hanggang limang buwan. Para kay San Fernando, indikasyon ito ng pananamantala ng mga negosyante sa mga butas sa batas gaya ng anim na buwang "probationary period" na hindi naman naaabot at nagpapalala sa kontraktwalisasyon.
Para kina Jabong at Rocky, pumipilay ang sistemang ito sa kapakanan ng mga manggagawang nagpapasok ng kita sa kumpanya.
Dinudustang Daan
Hindi na bago sa J&T ang pag-oorganisa ng mga manggagawa. Noong 2022, nagdaos din ng welga ang mga rider sa Laguna buhat ng kakulangan sa overtime pay, mga benepisyong nakapaloob sa CBA na hindi nasusunod, at pagsisante ng kumpanya sa pangulo ng kanilang unyon. Matapos ang puspusang pagkalampag, nagtagumpay sila sa hiling na dagdag-sahod.
Hindi ito nalalayo sa daang ginagapang ng mga rider ngayon sa Tondo. Isinusulong pa rin nila ang pagkakaroon ng dagdag-sahod sa overtime at pagkontra sa pagbabago sa mga benepisyo gaya ng insentibong 50 sentimo bawat parcel na ibinaba sa 20.
Dahil hindi na maatim ang ganitong trato, inilunsad ang welga sa pangunguna ni Jabong na pangulo rin ng PH Global Jet Express Employees Union. Maghapo’t magdamag nilang bantay-sarado ang garahe, tinitiis ang init, gutom, at pagpupuyat. Kalakhan sa kanilang mga pagkain ay nagmula sa mga donasyon, gaya ni San Fernando na kinagabihan ng Marso 6 dumating sa kanilang picket line at saktong nakapag-live sa oras na tinakot ang mga manggagawa.
Apat na araw na nasa poder ng mga welgista ang daan-daang trak ng kumpanya na sinubukang makuha ng pamunuan sa pamamagitan ng paninindak at pagbubuwag sa protesta. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Bago pa man ito, una nang naglagay ang pamunuan ng mga CCTV sa warehouse. Katwiran ng J&T, ito ay para mabantayan ang mga trak na nasa garahe. Ani mga empleyado, sa kanila naman nakatutok ang mga ito. Kaya para sa kanila, mas mapanganib pa ang trato ng kumpanya kumpara sa likaw-likaw na lansangang binubuno nila. Mahinto man sa hanapbuhay, hindi na sila nag-alinlangan alang-alang sa kanilang pamilya.
Si Jabong ay may binubuhay pang dalawang anak na musmos, habang si Rocky naman ay nagpapaaral ng tatlong anak niya sa hayskul. Kinakapos sila sa arawang pantustos dahil sa sahod na binabawasan kahit dinadagdagan ang trabaho nilang magkarga at magsalansan ng bulto-bultong parcel.
"Malaki yung nababawas sa sweldo namin. Kapag nawalan ka ng isang pirasong parcel na malaki ang halaga, automatic sa iyo ikakaltas," saad ni Jabong. Suma-sideline na lamang siya bilang tanod sa isang barangay sa Tondo, habang si Rocky naman ay may negosyong pisonet upang maibsan ang kagipitan.
Kambyo sa Katiyakan
Nang magpulong noong Marso 7, nagkasundo ang pamunuan ng J&T at mga empleyado nito na mabibigyan na sila ng certificate of employment at makakabalik agad sa trabaho, ngunit wala pa ring tiyak na tugon sa pagreregularisa ng mga OCW.
Pagkaraan ng tatlong araw, pinatawan ng XLR8 sina Rocky at Jabong, kasama ng 15 pa nilang kasamahan ng 30 araw na suspensyon. Paliwanag ng pamunuan, lumabag sila sa Artikulo 297 ng Labor Code na nagsasaad ng "serious misconduct or willful disobedience,” dahil sa paninira at pananabotahe di umano nila sa mga operasyon ng J&T. Ngunit sa Saligang Batas, binibigyan ang mga manggagawa ng karapatang mag-organisa ng strike.
Bumalik na sa operasyon ang mga trak ng J&T alinsunod sa kasunduang ihihinto ang tigil-protesta at babalik na ang mga manggagawang nagwelga, na kalauna'y sinuspende ng kumpanya. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Nitong Marso 24, nagtapat ang mga suspendidong empleyado at pamunuan ng J&T sa Regional Conciliation and Mediation Board ng NCR ngunit hindi pumapayag ang J&T sa timbre ng mga manggagawa na P50,000 separation pay kada taon ng serbisyo. Muli silang magpupulong sa Abril 4 para sa pinal na hatol ng kanilang kapalaran sa kumpanya. Umaasa ang mga empleyado sa makatarungang pasya.
Gayunpaman, ang pagtindig ng mga rider ng J&T ay tanda na ang kita ng kumpanya ay nasa kapangyarihan ng mga empleyado. Pinagtitibay ito ng mga manggagawang Pilipino gaya ng welga ng Good Year Steel Pipe sa Baesa, Quezon City ngayong Marso, at ang makasaysayang apat na araw na strike ng Nexperia Philippines Inc. sa Laguna. Nitong Marso 26, mga J&T rider naman sa Mexico, Pampanga ang nagkasa ng welga sa parehong dahilan ng protesta sa Tondo.
"Dapat ma-encourage yung iba pa na hindi dapat matakot. Hindi dapat magpagapi sa takot at intimidasyon ng management sa kanila," ani San Fernando.
Sinasagasaan man ng panggigipit at paninindak, ang hindi kailanman maipagkakait ng mga mayayamang negosyante sa mga manggagawa ay ang karapatan nitong lumaban. Patunay sina Jabong, Rocky, at mga rider ng J&T na hindi mapapadausdos ng malalaking kumpanya ang mga empleyado na kolektibong binabagtas ang iisang tunguhin—garantisadong benepisyo, nakabubuhay na trabaho, at makataong pagkilala sa mga manggagawang Pilipino. ●
Sa mga nais tumulong sa mga nasuspendeng empleyado ng J&T sa Tondo at mga nagwewelgang rider sa Pampanga, maaaring magpadala ng donasyon sa mga sumusunod na detalye:
Rey Nabual Jr.
09196877140
J&T Tondo, Manila
Dindo G.
09612911027
J&T Mexico, Pampanga