Mahahanap sa loob ng Democrito O. Plaza Memorial Hospital ang isang male surgical ward na binabantayan ng dalawang pulis, at sa di kalayuan, minamanmanan ng tatlong lalaking nakasibilyan. Nilalaman ng ward na ito ang isang babaeng Lumad youth leader—si Michelle Campos.
Sinalubong ng mga Lumad ang Marso sa pagkadakip ng dalawang lider-Lumad na kilala sa kanilang matapang na pakikipaglaban sa pagmimina at pagtotroso sa kanilang lupang tinubuan. Kinuha si Michelle Campos noong Marso 6, at si Genasque Enriquez, Marso 2 ng mga pinagsususpetsahang pwersa ng estado.
Si Campos ay isang Lumad youth leader na anak ni Dionel Campos, chairperson ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod na pinaslang sa Lianga massacre noong 2015. Dating secretary-general naman ng Kahugpungan sa mga Lumadnong Organisasyon si Enriquez, at nakulong na rin dahil sa gawa-gawang kaso noong 2014.
Kasalukuyang namamalagi si Campos sa ospital, habang hindi pa rin natutumpok ng fact-finding mission noong Marso 12–15 na inilunsad ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan (Katribu) at Karapatan ang lokasyon ni Enriquez. Dito rin nila napag-alamang nahaharap si Campos sa hindi bababa sa pitong gawa-gawang kaso, kabilang na ang murder at frustrated murder.
Nang makausap nila si Campos, ikwinento niya kung papaano pinatigil siya at ang kanyang mga kasamahan ng 3rd Special Forces Battalion sa Brgy. Das-agan, San Francisco, Agusan del Sur, at kung papaano siya kinaladkad palabas ng kanyang motor para dalhin sa ospital.
Patuloy ring itinatanggi ng mga kampo ng pulis at militar sa Agusan del Norte at Agusan del Sur ang pagkakasangkot nila sa pagkawala ni Enriquez. Nakaranas din ang fact-finding team ng pandarahas mula sa 401st at 402nd Infantry Brigades sa kanilang pagtatanong tungkol kay Enriquez, ayon sa kanilang ulat.
Dagdag na si Enriquez sa 18 aktibong kaso ng desaparecidos na naitala ng Collegian.
“The Lumad communities in Lianga, Surigao del Sur continue to face heavy militarization. There has been no let-up in the filing of trumped-up cases against Lumad leaders, threats, harassment, forced surrenders, and other forms of repression against Lumad community members and IP (indigenous people’s) rights activists,” saad sa isang Facebook post ng Karapatan.
Hindi rin nakawala sa panggigipit ang mga sumabak sa paghahanap sa dalawang pinuno ng mga Lumad. Ikinwento ni Katribu Chairperson Eloisa Mesina, na parte ng paghahanap, sa Collegian na nakaranas sila ng paniniktik, pagkuha ng litrato, at matinding pagbabantay nang bisitahin nila si Campos sa ospital.
“Hindi namin mabisita si Michelle nang lubos kasi katabi namin mismo yung mga intel. Nakikita natin dito na nalalabag yung karapatan ni Michelle, kasi ang hospital, hindi siya detention facility para they can control kung sino ang bibisita or anong galaw nila. Inalisan din sila ng cellphone, wala silang access basically sa families nila,” sabi ni Mesina.
Binakuran din ang naging biglaang pagbisita ng Commission on Human Rights kay Campos, dahil kinakailangan daw munang “i-clear” ang kanilang pagbisita sa ward, saad ni Cristina Palabay, Karapatan secretary-general. Ani rin niya, isa itong malinaw na paglabag ng Anti-Torture Law at Anti-Desaparecido Law na minamandato ang mga biglaang inspeksyon ng komisyon.
“Their unjust arrest and detention are emblematic of the continuing repression in the Lumad areas amid the encroachment of mining and other big business interests in the Lumad’s ancestral lands,” ani Palabay. ●