Hindi na naman bago ang pagsusulong ng mga iskolar ng bayan ng militanteng diwa sa bawat pagdaos ng UP Fair. Sa kabila nito, taon-taon pa rin nasasabak sa pagtatasa ng marami ang kakayahan ng UP Fair na patagusin ang bitbit nitong mensahe at mga panawagan sa publiko.
Sa unang tapak namin ng aking orgmate sa fair nitong nakaraang linggo, ikinadismaya, ngunit di ko na ikinagulat, ang mas matimbang na paglalako sa booths ng sponsors kaysa sa stalls ng mga advocacy group. Miski sa promotional content, mas ibinibida pa ang mga artista at performer kumpara sa mismong adbokasiya na isinusulong ng fair.
Sa katunayan, dati na akong pumupunta sa UP Fair, na naging daan upang mapalapit ako sa progresibong kilusan na kalaunang nag-udyok sa akin na pumasok sa UP. Para sa marami pang iba, ito sana ang pagkakataon para mas makapagpamulat ang UP ng mga taong hindi naman malay sa militanteng tradisyon ng pamantasan.
Kung may mapupulot man sa mga punang natanggap ng halos isang linggong fair, ito ang matagal nang saloobin ng marami hinggil hindi lamang sa pumaparam na diwa ng protesta nito, bagkus sa lumalabnaw na pagpapaabot nito sa publiko. Marami sa mga manonood ng fair ang lantarang binabatikos ang mga naglulunsad ng protesta, pinapababa sa entablado, o nakikipagsabayan at sinasapawan ng ingay ang mga nagsasalita.
Kung tutuusin, hindi naman dapat tinitingnan ang mga advocacy segment na isinisingit lamang sa gitna ng bawat pagtugtog ng banda at performance ng mga artista. Maging sa bawat pagtatanghal sa entablado, mas maigi kung napananatiling buhay ang mga panawagang tampok sa bawat gabi ng fair.
Mayroong mahalagang gampanin ang pagsasapakete ng UP Fair—mula sa promotional materials nito hanggang sa bihis ng mismong venue at mga artista at musikerong iniimbitahan dito—sa pagtatakda kung anong dapat asahan ng publiko rito.
Kaya hindi rin masisisi ang dami ng mga estudyanteng naghayag ng kanilang pagkadismaya sa sadyang pagrorolyo ng balatengga hinggil sa pagpapanagot sa mga Marcos at Duterte, bunsod ng pakiusap ng ilang artista. Higit lalo, walang lugar sa UP ang sinumang performer o bisitang may layong diktahan kung paano ipinamamalas ng UP Fair ang militansya at progresibong tindig nito sa publiko.
Kung nais nating panatilihing buhay ang matagal nang progresibong tradisyon ng UP Fair, kinakailangan ang pagsisigurong hindi ito makokompromiso ng kahit anong gimik o saloobin na taliwas sa paggiit ng fair sa mga panawagan at pakikiisa nito sa mga batayang sektor ng lipunan. ●