Bagaman kasagsagan pa ng Ramadan at kagagaling lang sa mahabang kampanya sa Bicol, tila walang kapaguran pa ring sumali si Amirah Lidasan, kilala rin bilang Mek, sa kampuhan ng mga magbubukid ng Gitnang Luzon sa tapat ng opisina ng Department of Agrarian Reform sa Quezon City. Pinabatid niya sa mga magsasaka ang kanyang pakikiisa sa kanilang pakikibaka laban sa pangangamkam ng lupa.
“Kapag nagsasalita ako, may laman siya, may bigat siya kasi madalas talaga siyang maranasan ng kababayan namin,” ani Mek.
Tulad ng mga magbubukid, gagap ni Mek ang kahalagahan ng lupang tinubuan. Nasa sentro ito ng kanyang pagkakakilanlan at paninindigan bilang isang Muslim na nagmula sa tribong Iranun. Hinubog ng kanyang pinagmulan ang mga pinaglalaban niya sa kanyang kampanya patungong Senado: ang karapatan sa sariling pagpapasya at kalayaan ng Moro, katutubo, masang magsasaka, at iba pang sektor.
Sa gitna ng kampuhan ng mga magsasaka, may bahid ng pagmamalaki na binahagi ni Mek ang kanyang pamilya ng mga rebolusyonaryo. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Panimulang Butil
Nang tanungin tungkol sa kanyang personal na buhay, “the personal is also political” ang
naging kagyat na tugon ni Mek. Batid niya ito sapagkat isinilang siya noong Martial Law sa pamilya ng mga rebolusyonaryo — panahon kung kailan inaresto rin ang kanyang ama dahil sa mga gawa-gawang kaso.
Nang kalaunang mamatay ang kanyang ama dahil sa komplikasyon ng sakit, lumuwas patungong Saudi Arabia ang kanyang nanay upang maghanapbuhay, kaya’t ang nagpalaki kay Mek sa Maguindanao ay kanyang tito at tita, kapwa mga aktibista rin.
Bunsod nito, bata pa lang si Mek ay lantad na sa kanya ang mga problemang nilalabanan ng mga Moro, tulad ng diskriminasyon, pag-agaw ng lupa, at pandarahas ng puwersang militar.
Lolo niya mismo, si Amir Bara Lidasan, ang naging unang mayor ng Parang, Maguindanao. Lupa ni Amir ang tinayuan ng kampo ng Moro Islamic Liberation Front noong dekada ‘80.
Dahil masigla ang diwa ng aktibismo sa pamilya ni Mek, malaki ang banta nito para sa kanilang kaligtasan. Kaya naman natulak silang lumipat sa Manila. Kalaunan, nag-aral siya sa UP Diliman sa kursong journalism dahil sa kagustuhan niyang mapalakas ang boses ng kanyang kababayan.
Ngunit kahit sa UP ay nakaranas si Mek ng diskriminasyon bilang Muslim. Minsan ay kinukwestyon ang mga paniniwala nila at naramdaman ni Mek ang kanyang pagiging “iba” sa mga kaklase.
Sa kabila nito, sinikap niyang pasinungangalan ang mga maling pananaw sa kanya. May mga kaklase rin siyang kapwa taga-Mindanao na tumitindig laban sa mga masamang pagtingin sa kanila. “Na-expose din ako sa possibility na may mga open-minded na taga-Maynila,” aniya. Dito niya natagpuan ang mga propesor at kaklase na pareho ang pananaw at paghangad para sa katarungang panlipunan.
Sa pagsali sa mga organisasyon, naging direkta ang pag-oorganisa at pakikihalubilo ni Mek. Sumapi siya sa Union of Journalists in the Philippines - UPD Chapter, na nananawagan para sa malayang pamamahaya, at kalaunang naging tagapangulo nito. Sinikap niya ring galugarin ang mundo ng pag-oorganisa higit sa tereno ng peryodismo, kaya naging national chairperson siya ng National Union of Students of the Philippines noong 1995.
Dala ang kanyang mga panawagan, sumali sa iba-ibang kilos protesta si Mek. Isa sa mga tumatak sa kanyang pagkilos ang welga ng mga manggagawa ng SM noong 1994 na nauwi sa pandarahas ng mga opisyal ng mall at pagtanggal sa mga lider-unyonista. Dito niya nakita na magkakaugnay ang pakikibaka niya at ng iba-ibang sektor.
Isiniwalat ni Mek na napatatag ang kanyang pakikibaka noong sumali siya sa welga ng mga manggagawa ng SM na nauwi sa pandarahas. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Pagtubo ng Militansya
Bunga ng dahas na kanyang nasaksihan, napagtanto ni Mek kalaunan ang pangangailangan na kumilos bukod sa nakasanayang pamamahayag. Noong 2002, bumisita si Mek sa kanyang lola sa Maguindanao sa kasagsagan ng all-out war ng administrasyong Estrada sa rehiyon. Tumawag siya mismo sa DZRH, humingi ng tulong at pinaabot ang kanilang kalagayan.
“Mahirap na ituloy ang profession ko—na alam kong ito talaga gusto ko: magsalita tungkol sa amin,” aniya.
Hindi nag-alinlangan si Mek na isabuhay ito. Tumutok siya sa pagtaguyod ng Sandugo - Kilusan ng mga Moro at Katutubong Mamamayan para sa Sariling Pagpapasiya, kung saan gumanap siya bilang co-chairperson at nanawagan para sa pagkakaisa ng mga grupo ng Moro, Muslim, at IP sa Pilipinas. Noong 1999, malaki rin ang naging gampanin niya sa pagtataguyod ng Moro-Christian People’s Alliance.
Taong 2004 nang naging unang nominado siya ng Suara Bangsamoro Party-List na nagsulong ng representasyon ng mga Moro sa House of Representatives. Ikatlong nominado rin siya ng Bayan Muna noong 2022. Hindi siya nanalo sa parehong pagkakataon.
“Kahit ilang beses na ‘kong tumakbo, natatalo, I don’t take it personally kasi ang iniisip ko lagi, there’s much to do,” ani Mek.
Nagsilbing lunduyan ang kanyang mga organisasyon ng kanyang patuloy na pag-oorganisa kahit sa kasagsagan ng unos. Nagsagawa ang Suara Bangsamoro, sa pangunguna ni Mek, ng medical missions para sa mga sibilyang nadamay sa digmaan sa gitna ng Martial Law sa Mindanao noong 2017. Minsan na rin silang hinarangan sa mga checkpoint at pinaghinalaan ng masama ng mga opisyal.
Ngayon, bilang lider ng Sandugo, patuloy na dumadalo si Mek sa mga kilos protesta, konsultasyon sa mga komunidad, forum sa mga paaralan, at iba-iba pang uri ng pagkilos. At habang binabagtas ang daan tungong akmang representasyon, bitbit pa rin ni Mek ang hinaing ng kanyang mga kababayan sa lahat ng espasyo.
Pagtanim ng Pag-asa
Bilang kandidato sa Senado, pareho pa rin ang sentral na ipinaglalaban ni Mek: karapatan sa sariling pagpapasya ng kanyang kababayang Moro at katutubo.
Nakakapanibago para kay Mek ang pagtakbo bilang senador. Dito, may inaasahang personal na pagkakakilanlan, di tulad ng pagtakbo sa ilalim ng Suara Bangsamoro noon na ang pangangailangan lamang ay pagpapakilala sa party-list bilang kolektibo. Kaya kahit sa kanyang pangangampanya at pagkatok sa mga bahay, nagugulat daw ang karamihan sa mga nakasasalamuha niya dahil “wala [raw ibang] kandidato ang bumababa, walang yumayapak sa lupa,” aniya.
Sa ilalim ng koalisyong Makabayan, magkakaugnay ang pakikibaka ng mga Moro at katutubo sa iba-ibang sektor. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Sa house-to-house man o pamumuhay sa mga komunidad, paglubog sa mga sektor ang pinagkukuhanan ng lakas ng loob si Mek upang magpatuloy sa kanyang laban, tulad ng kanyang nakasanayan sa deka-dekadang pakikibaka.
Kaya naman, habang nasa gitna ng kampuhan ng mga magsasaka ng Central Luzon, sinambit niya: "Nakikita mo na pare-pareho din ang ating pinapaglaban.”
Ang lupang pinagmulan ni Mek na nagsilbing ugat ng kanyang kultura, pagkakakilanlan, at pakikipaglaban ay siya ring gumagabay sa kanyang pagtahak ng landas tungong ganap na representasyon ng kanyang kapwa Moro at katutubo. 𖧹
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-8 ng Abril 2025.