Marahil minsan ka nang pinigilan ng kaibigan mong bumili sa Shakey’s, Dunkin’, at Robinsons Easymart sa DiliMall, ang dating UP Shopping Center. Binoboykot kasi ang DiliMall dahil pinapaboran ng administrasyon ng pamantasan ang malalaking kumpanya, sa halip na ang lokal at maliliit na manininda, lalo na ang dating stallholders ng nasunog na UP Shopping Center. At dahil ayaw mong ma-cancel, palihim ka na lamang na bibili sa mga ito.
Sa kabila ng panawagan ng mga manininda, kawani, at estudyante na itigil ang komersyalisasyon at unahin ang komunidad ng UP, hindi nagpaawat ang pamantasan sa pagkanlong sa malalaking komersyal na establisyemento at isulong ang lohika ng kapital. “Napakahalaga na mas palalimin pa ang ating mga suri hinggil sa mga establisyementong ito, lalo na’t ang pinapalitan ng DiliMall ay mga community-run na establishment,” ayon sa propesor ng Philippine Studies na si Jose Monfred Sy.
Sa katunayan, sa hinuha ng lokal na maninindang si Romalyn Enriquez, “Itong malalaking kumpanya, may pera. Siguro sila yung gusto nilang bigyan ng puwesto kasi nakababayad sila nang malaki, na hindi gaya sa aming maliliit lang na establishment.” Dahil dito, malaon nang itinutulak ang komersyalisasyon sa pamantasan. Mababakas ito sa pagpapatayo ng UP Ayala TechnoHub noong 2008 at UP Town Center noong 2013 na nagsilbi lamang sentro ng komersyalisasyon.
Bilang protesta, isinusulong ng mga miyembro ng komunidad ng UP ang taktika ng boykot, o ang hindi pagkakaroon ng anumang ugnayan sa isang entidad upang ipakita ang tahasang pagtutol dito. Kabilang ang mga lokal at maliliit na manininda at mamumuhunan, tulad ni Enriquez, sa pagsuporta sa boykot ng DiliMall, “Malalaking kumpanya lang ang nandiyan. …Dapat iboykot muna natin sila para ma-stop yung ganito. Kasi, marami pong magiging kawawa. Lalo na kaming maliliit lang na manininda.” Sa pamamagitan ng boykot, napaparalisa ang pagkamal ng kita ng malalaking kumpanya, at natutulak ang mga itong pakinggan ang ipinapanawagan ng mamamayan.
Etika ng Taktika
Bagaman esensyal ang taktika ng boykot upang patambulin ang mga isyung panlipunan, minamaliit ng iilan, lalo na ng naghaharing uri, ang halaga ng ganitong pagkilos. Sinusuhayan ito ng pagtinging isa lamang mito ang “ethical consumption” o ang pagkonsumo ng mga produkto batay sa mga etikal na paniniwala.
Sa ilalim ng sistemang kapitalismo, hinihikayat ng mga dambuhalang kumpanya ang mga konsyumer na tangkilikin ang kanilang mga serbisyo, gamit ang iba-ibang pamamaraan ng gloripikasyon ng produkto, tulad ng mga patalastas at promo. Nagiging salik ang gloripikasyon upang burahin ang lisyang gawi ng kapitalismo at pagmaliwin ang diwa ng boykot.
Ngunit malaki ang ginagampanan ng boykot bilang isang politiko-kultural na pagkilos. Nagiging paraan ito ng pagtunggali, kung saan ipinakikitang nakasalalay ang mga kumpanya sa nagkakaisang konsyumer. Idiniin ni Sy ang boykot bilang kontrapuntal sa kapitalismo: “Napakahalaga ng boykot kasi malinaw na ang mga kumpanya, ang kapitalismo, ang ine-exploit primarily ay manggagawa, pero na-e-exploit din ang mga consumer [dahil] sa deregulasyon ng iba’t ibang mga produktong mahalaga para sa taumbayan.”
Pinatunayan na sa kasaysayang nagbubunga ng tagumpay ang kolektibong pagkakaisa ng mga manggagawa at konsyumer sa pagboykot. Dahil sa kabi-kabilang paglabag sa karapatang pantaong ikinakabit sa Nestle, tulad ng pagpaslang kay Diosdado Fortuna noong 2005, na dating presidente ng unyon ng mga manggagawa ng kumpanya, nagpapatuloy ang panawagang boykot dito.
Gayundin, makikita ang taktikang boykot sa pandaigdigang suliranin. Buhat ng henosidyo ng Israel sa Palestine, isinulong ng mga Palestino ang pagkilos na Boycott, Divestment, Sanctions noong 2005. Dito, tumatagos ang pagboykot sa mga kultural at akademikong institusyon, at mga internasyonal na kumpanyang sumusuporta sa ideolohiyang mayroong lahing nakatataas. Tungo ito sa layuning mapaigting ang kampanya laban sa henosidyong kumitil na ng 62,614 na Palestino.
Pagpapatuloy ng Paglaban
Hindi naiiba ang mga pambansa at pandaigdigang pagkilos sa laban ng komunidad ng UP para sa hinahangad na espasyo. Sa gitna ng pagbubukas ng mga komersyal na establisyemento sa DiliMall, malakas ang panawagang boykot ng mga manininda, kawani, at estudyante. Sa ganitong taktika, pangunahing adhikaing panagutin at pakilusin ang administrasyong tumugon batay sa pangangailangan ng mga apektadong sektor.
Noong Set. 17, 1971, isinagawa ng mga estudyante ang pagboykot sa mga klase bilang pagtutol sa pagsuspende ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ng writ of habeas corpus. Dito, naparalisa ang regular na operasyon ng edukasyon sa loob ng pamantasan, at naging alternatibo ang pagkatuto mula sa mga teach-in at educational discussion na kalimitang isinasagawa sa lansangan. Binoykot ng kani-kanilang henerasyon ang gentripikasyon at komersyalisasyon sa pamantasan, tulad ng UP Ayala TechnoHub, UP Town Center, at ngayon, DiliMall.
Kapakanan ng komunidad ng UP, partikular ng maliliit na manininda, ang isinasangkalan sa pagbubukas ng mga establisyemento sa DiliMall. Ayon kay Enriquez, hindi nila kayang bayaran ang mataas na rentang sinisingil para sa espasyo rito, kaya palaging mayroong pangambang palipatin sila mula sa kasalukuyang puwesto.
“Continuous na po yung pagpapagawa nila riyan sa loob [ng DiliMall]. Ninenerbyos kami kung saan kami dadalhin, o baka palayasin na lang kami nang wala sa oras. Natatakot din po kami,” aniya. Buhat nito, kolektibong pagboykot ang isang paraang ginagawa nila sa pag-asang didinggin ng administrasyon ng UP ang kanilang mga panawagan.
Ngunit lampas sa boykot, ang pagkonsumo pa lamang ng mga produkto batay sa etikal na konsiderasyon ay isa na ring taktikang nagtutulak sa mga kumpanyang magbago at sumunod sa pamantayan ng konsyumer. Kung nakikiisa sa laban ng mga manggagawa ang kalakhan ng konsyumer, nababawi ang kapangyarihan patungo sa kanila, at nahihikayat ang mga kumpanyang umayon sa kumpas nito.
Tindig ng Taumbayan
Maituturing ang taktikang boykot bilang isang itsura ng “consumer activism,” kung saan pinapanagot ang mga kumpanya sa kanilang mga mapanghamak na hakbangin gamit ang kritikal na pagkonsumo. Bagaman walang katiyakan ang tagumpay ng taktikang ito, sa oras na maramdaman ng kumpanya ang presyur ng boykot, hindi imposibleng makamit ang pagbabago, ayon sa pananaliksik ni Erica Buchman.
Dahil hamak na makapangyarihan ang malalaking kumpanya, nakikita ng marhinalisadong grupo ang boykot bilang epektibong paraan ng pagpaparalisa ng kanilang kita. Dito, naikikintal sa mga kumpanyang hindi na lamang umiikot sa pagkamal ng kita ang kanilang gampanin, kundi pati na rin sa kapakanan ng mga manggagawa at konsyumer na pangunahing dahilan kung bakit sila tumatakbo.
Kaiba sa “cancel culture” kung saan ganap na iwinawaksi ang boses ng isang entidad sa mga diskurso, ibinibigay ng taktikang boykot ang pagkakataong magbago, ayon kay Buchman. Magtatapos lamang ito sa oras na magkaroon ng kagyat na pagkilos na tumutugon sa kahilingan ng mga panawagan ang mga kumpanya. Hanggang hindi ito naisasakatuparan, patuloy ring maghahanap ng ibang paraan ng pagkonsumo ang mga mamimili.
Halimbawa, nagiging alternatibong pamilihan ngayon ang “Bagsakan” ng mga magsasaka, kung saan murang makabibili ng mga lokal na produkto, partikular ang mga gulay na kanilang inaani. Isang paraan din ang pagtangkilik sa maliliit na negosyo, tulad ng mga lokal na kapihan at kainan. Sa UP, malinaw para sa maliliit na manininda at mamumuhunan, tulad ni Enriquez, na ang pagsuporta sa kanila ay pagtitiyak ng mas aksesible at abot-kayang serbisyo at produkto para sa komunidad ng mga estudyante, empleyado, at mamimili. Sa mga simpleng pagkilos na ito, naipapakita ang pakikiisa sa laban ng mga apektadong sektor.
Palaging nag-uugat ang pagboykot sa suliraning kinakaharap ng mamamayan mula sa kamay ng ilang makapangyarihan. Magtatagumpay lamang ang taktikang boykot sa oras na maunawaang isa itong paggiit ng karapatan at katarungan tungo sa mas malawak na pagbabago ng lipunan—yaong malayo sa anumang porma ng inhustisya.
Sa taktikang boykot, palaging tangan ang layuning pag-isahin ang hanay ng mga manggagawa at konsyumer, upang panagutin ang entidad na patuloy na humahamak sa kapakanan ng nakararami. Dito, matatalos na kaakibat ng pagkonsumo ang etikal na pagpili ng bawat produktong tatangkilikin. Sapagkat sa bawat pagbili, mayroong panig na tinatalikuran, at mayroon ding tinitindigan. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-8 ng Abril 2025.