Pangungulila ang isa sa mga pangunahing kalaban ng mga mag-aaral na nagsakripisyong umalis sa kanilang bayan para makamit ang kanilang pangarap na makapag-aral sa UP Diliman. Wala mang pasok nang isang linggo mula Abril 14 hanggang 19, hindi pa rin makakauwi sa General Santos City si Liann Cabanda, first-year student ng BS Physics.
Magmula nang lumipat si Liann sa Diliman, malaon nang dagok sa kanya ang mahal na presyo at pamasahe na kaakibat ng pag-uwi. “Noong first sem, nakauwi lang ako sa amin dahil sa pagpanaw ng aking ina. Pero generally, once a year lang talaga ako makakauwi,” saad niya.
Para kay Liann, mabigat ang bagahe ng kinabukasan buhat ng pagkalayo sa pamilya. Gustuhin mang manatili, limitado para sa kanya ang mga pagpipilian sa pinagmulang lugar at pagkakataon upang magtagumpay.
Katulad niya, marami pang ibang natutulak lisanin ang kanilang bayan dahil sa kakapusan ng mga oportunidad na nag-uugat sa di pantay na pamamahagi ng estado ng pondo at suporta sa mga rehiyon.
Pagkukulang, Pagbabago, at Pagkalayo
May nakalaang oras gabi-gabi si Liann para sabayang mag-aral ang kanyang nobya, estudyante ng engineering mula sa General Santos City, sa video call.
Matagal nang pangarap ni Liann ang maging astrophysicist, kaya lubos siyang nagalak nang makapasa sa programa niya sa UPD. Nangangarap din siyang makapagpatayo ng mga pasilidad at laboratoryo sa kanyang bayan na kulang sa mga kagamitang ito.
Pinili niyang umalis upang itaguyod ang kanyang pangarap sapagkat malayo rin naman ang iba pang mga mapagpipiliang pamantasan na mayroong programang nais niya. “Kung lalayo naman din ako, doon na ako sa pinakamagandang university na ma-offer sa akin,” ani Liann.
Ngunit kung tutuusin, ang tila pangunguna ng UP sa usapin ng kalidad ay maaaring iugnay sa laki ng suportang nakukuha nito kumpara sa iba. Bilang pambansang pamantasan, nilalaan sa UP System ang pinakamataas na pondo sa State Universities and Colleges (SUCs), dahilan kung bakit sa kabila ng ilang kakulangan, mas may rekurso ito upang palaguin ang mga pasilidad ng unibersidad.
Hindi nararanasan ng mga rehiyonal na pamantasan ang ilan sa mga pribilehiyong ito pagdating sa pondo. Dahil dito, nahihirapan ang mga institusyon sa Mindanao na makabili ng sapat na mga kagamitan sa laboratoryo at magpasahod sa mga tauhan nito, ayon sa pag-aaral sa Journal of Chemical Health & Safety noong 2011.
Mahigit isang dekada makalipas isagawa ang pag-aaral na ito, maliit pa rin ang bahagi ng pondong inilalaan sa mga pamantasan sa Mindanao. Humigit kumulang 24% lamang ng kabuuang pondo sa SUCs sa bansa ang nailalaan sa Mindanao para sa taong ito. Nakatamo rin ang kabuuang SUCs sa Mindanao ng 6% tapyas sa pondo, kung saan 43.6% ang binawas sa Mindanao State University System.
Dahil sa mga kakulangang nagtulak kay Liann na lumayo sa tahanan, marami na siyang hindi nasubaybayang pagbabago sa kanyang mga mahal sa buhay. “Mapapaisip na lang ako minsan, sayang. Hindi ko makikita na ma-achieve nung mga kaibigan ko yung mga gusto nila makamit. Sa pamilya ko, kung ano mang nangyayari sa kanila, wala ako dun para tulungan at suportahan sila,” aniya.
Katulad niya, marami pang ibang mga estudyanteng natulak palayo sa kanilang pinagmulan upang bagtasin ang kanilang pangarap sa malayong lugar.
Pangarap, Paghikbi, at Paglago
Para kay Eiya Tenefrancia, first-year B Public Administration student mula sa Dumaguete, pamilya niya ang nagsisilbing sandigan upang magpursigi sa kabila ng layo niya sa kanila.
Pagkatapos ng kolehiyo, nais ni Eiya na sumunod sa yapak ng kanyang tita at mag-aral para sa master’s degree niya. “Nakikita ko yung ginagawa niya. She’s always out, lagi siyang may forums abroad. So nasabi ko: that’s what I want for myself.”
Hinihimok man ng pamilya at kanyang mga pangarap, dinadaing pa rin niya ang pangungulilang bitbit niya hanggang kasalukuyan.
“Noong nag-hit lahat, talagang umiiyak ako nightly sa CR ng dorm,” saad ni Eiya.
Tinitiis ito ni Eiya dahil naniniwala siyang dito siya sa Diliman ganap na lalago, sapagkat para sa kanya, kulang pa rin ang suporta ng pamahalaan sa mga rehiyonal na pamantasan.
Sa katunayan, ang Western Visayas ang nagtala ng pinakamataas na dropout rate ng isang kolehiyo sa bansa. Kalahati sa mga mag-aaral ang di natatapos ang kanilang programa dahil sa iba-ibang mga salik, kabilang na ang mga pinansyal na problema, kawalan ng personal na interes, at pangangailangang magtrabaho, ulat ng Second Congressional Commission on Education.
Habang tumataas ang drop out rates dito, konsentrado ang pagtaas ng enrollment mula 2005 hanggang 2023 sa mga lungsod dahil sa mas maayos nilang mga pasilidad na nag-eenganyo sa mga estudyante, ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies noong 2024. Tila nakaambang magpatuloy itong di pantay na kondisyon dahil naglalaro lamang sa 16% hanggang 18% ng pondong inilalaan sa SUCs mula 2023 hanggang kasalukuyan ang ipinamahagi sa mga pamantasan sa Visayas.
Pagtutol sa Pagtapyas
Para kina Liann at Eiya, hindi na nila pipiliin lisanin ang kanilang tahanan kung hindi lamang sa malayo matatagpuan ang mga pamantasang higit na suportado ng estado at may kapasidad na maitaguyod ang kanilang mga pangarap.
Ngunit mukhang malabo pa itong maisakatuparan sa kasalukuyan bunsod ng halos 5% tapyas sa kabuuang pondo ng SUCs nitong taon na lubos na makapipinsala sa pagpapatuloy ng paglago ng mga pamantasan at makahahadlang sa kanilang mga plano upang palawigin ang kanilang kapasidad.
Buhat ng mga bawas na ito, katumbas sa 3.4% na lamang ng halaga ng gross domestic product ng bansa ang inilalaan sa edukasyon, mas mababa sa mungkahi ng UNESCO na paabutin ito mula 4% hanggang 6%.
Pinalulubha itong mga tapyas at tagibang na pagpopondo ng hindi pantay na pamamahagi ng subsidyo sa mga rehiyon. Sa taong ito, tatlong rehiyon sa Luzon na bumubuo sa 27% lamang ng SUCs at LUCs sa buong bansa—kabilang ang UP system—ang pinaglalaanan ng higit-kumulang 40% ng kabuuang badyet.
Malayo pa ang tatahakin upang matamasa ang patas at kalidad na edukasyon. “Yun ang kulang eh—magandang edukasyon at syempre pasilidad,” ani Liann. Patuloy ang panawagan ng kabataan para sa komprehensibong reporma sa edukasyon, kabilang ang pantay na alokasyon ng subsidya sa mga pamantasan at paghinto sa pagtapyas ng pondo sa SUCs at LUCs.
Sa pagkakataong dinggin itong mga kahilingang malaon nang kinakalampag ng mga estudyante, mabibigyan na ng pagkakataon ang marami pang mga mag-aaral tulad nina Liann at Eiya na manatili sa kanilang mga tahanan kung saan mayroon nang sapat na oportunidad upang matamasa ang kanilang pangarap. ●