Babad sa sariling pawis at balot sa krudo ang kamay ni Kenneth Salonga, 37, habang nag-aayos ng isang patok jeep sa Burgos, Montalban, Rizal. Sumisilip ang mababa nitong bumper, nakasisilaw na kintab ng hood, at balot sa iba-ibang kulay ng spray paint na tila sinadyang walang natirang blangko sa katawan ng jeep.
Kanya-kanyang pwesto sina Kenneth sa Boniak Worx, isa sa mga kilalang talyer sa Montalban. Mahigit isang dekada nang pintor ng jeep si Kenneth at iba pa niyang mga kasama nang kanyang buksan ang talyer noong 2016. Para sa kanila, bunga ang bawat yunit ng kanilang pagkakaisa—isang sining na kinagisnan at kalauna’y naging kabuhayan.
Si Kenneth Salonga, 37, may-ari ng Boniak Worx, isa sa mga kilalang pagawaan ng patok jeep sa Montalban. Nang humina ang kita ng talyer, napilitan syang magbenta ng bakal at scrap imbes na magpinta ng mga patok. (Lorence Lozano/Philippine Collegian)
Ngunit nang unti-unting nawala ang mga patok sa kalsada buhat ng pag-phase out sa mga tradisyunal na jeep sa ilalim ng Public Transport Modernization (PTMP), naudlot din ang paggulong ng kanilang kabuhayan.
Sining ng Pagpipintura
Nang ipatupad ang PTMP noong 2017, unti-unting nabawasan ang mga tsuper at operator na nagpapagawa ng patok jeep dala ng pangambang tuluyang matanggal ang kanilang mga yunit. Apektado rin ang kita ng mga pintor at manggagawa sa mga talyer, tulad ng Boniak Worx na nagsisimula pa lamang noon sa industriya.
Pag-aalinlangan ang bunga nito sa mga pintor gaya ni Mark Anthony Binamira, 39, na kasamang naging pintor ni Kenneth sa Morales Motors Corporation, isa sa pinakamalaking pagawaan ng mga patok sa Rizal. Ngunit noong 2020, dahan-dahan itong nagsara dulot ng pandemya at modernisasyon.
Maingat na nilalagyan ni Mark ng detalye ang mudguard na goma ng patok, isa sa hilig niyang pinturahan magmula pa nang kanyang kabataan. (Lorence Lozano/Philippine Collegian)
“Nakakatakot kasi kabuhayan namin yun eh, madalas naming customer ang mga PUJ. Ang ginagawa namin noon, naghahanap nalang kami ng ibang trabaho,” ani Mark.
Sa halip na makukulay na patok, halos dalawang taon napuno ng mga lumang piyesa at bakal ang talyer ng Boniak Worx. Napilitan mag-buy-and-sell si Kenneth para masuportahan ang pamilya. Samantala, pumasok naman si Mark bilang mensahero sa isang telecommunications company para lang matustusan ang mga pangangailangan ng kanyang asawa at dalawang anak.
Ganito rin ang karanasan ni Filomeno Cruz Jr. o mas kilala bilang Tio Amang, 75, isang batikang pintor ng jeep at signages sa Montalban. Itinuturing bilang dakilang maestro ng mga bihasang pintor si Tio Amang sa kanyang talyer na ngayo’y kilala bilang Montalban Art Center. Pamana ng kanyang amang pintor ang negosyo nang magsimulang maging katulong sa pagpinta ang noo’y mga binatang sina Kenneth at Mark noong 2004 at 2006.
Sa kabila ng katandaan, umaasa si Tio Amang sa pagpapatuloy ng mga patok sa kalsada. Ipinapasa na niya ang brotsa sa mga pintor tulad nila Mark at Kenneth upang ipagpatuloy ang sining sa paggawa. (Lorence Lozano/Philippine Collegian)
Kwento ni Tio Amang, maraming designer at pintor gaya ni Mark at Kenneth ang itinuturing na tahanan ang kanyang payak na talyer. “Estudyante pa ako noon, ume-extra extra ako. Tapos kapag walang pasok, magkakasama kami ng mga kaibigan ko nagpipintura kina Tio Amang,” kwento ni Kenneth.
May pangalan man sa industriya, dumapa rin ang kabuhayan ni Tio Amang noong pandemya. Bagaman naging mas malimit ang paggawa ng mga jeep sa talyer, mas pinili na lamang ni Tio Amang na magpinta ng signages at mudguards dahil mas mabilis ang kita dito, aniya. Samantala, kanya-kanyang sideline sa pagpinta sa mga tricycle at truck ang sinandigan nina Mark at Kenneth kapag walang jeep sa Boniak Worx.
Gumaraheng Obra
Habang patuloy na binabago ng PTMP ang mukha ng pampublikong transportasyon, namamahinga ang mga kamay ng mga pintor sa talyer dahil sa kawalan ng suporta sa kanilang sektor. Gustuhin man nina Kenneth na bumalik ang sigla sa pagpipintura ng mga patok, mabilis na dinagsa ng mga minibus at modernisadong yunit ang kalsada habang lumiliit ang kanilang espasyo sa paggawa ng kanilang obra.
Nakagahare sa isang madilim na sulok ang isang patok na ginagawa sa Boniak Worx. Kasing dilim ng kalagayan ng patok jeep ang kinabukasan ng mga pintor sa talyer. (Lorence Lozano/Philippine Collegian).
Tila tahimik ang estado sa panawagan ng transport groups na suportahan ang lokal na industriya ng paggawa ng jeep sa halip na mag-angkat. Sa katunayan, ayon sa tantya ng Department of Transportation (DOTr), posibleng aabutin pa ng 2030 bago mapalitan ang nasa 150,000 tradisyunal na jeepney sa bansa. Ngunit hanggang ngayon, wala pa ring kongkretong plano para sa mga tsuper, maliliit na operator at pintor na mawawalan ng hanapbuhay.
Para kay Mark at sa marami pang tsuper, suntok sa buwan ang makasabay sa pamantayan ng PTMP lalo na’t malayo ang alok ng gobyerno na P80,000 subsidyo kada yunit na layong makatulong sa paunang bayad sa mga gastusin sa modernisadong yunit, kabilang ang minibus Euro-4 na makina, na tinatayang aabot sa higit sa P2 milyon.
Taliwas pa rin sa katotohanan ang imaheng ipinipinta laban sa mga jeep na ang mga minibus ay mas ligtas, mabisa at makakalikasan. Para kay Kenneth, mas pinagtitibay pa ng panahon ang kanilang mga patok kaysa sa mga minibus na wala pang isang taon ay mabilis na nasisira at nagkaka-aberya ang mga piyesa, aniya.
Sa meryenda sa hapon nakakahanap ng sandaling pahinga sa gitna ng ingay sa paggawa at pangamba ng kinabukasan ang mga manggagawa ng talyer. (Lorence Lozano/Philippine Collegian)
Sa kakulangan na rin ng mga jeep na aayusin, napilitan na ang mga talyer na mag-ayos ng mga minibus na di kalayuan lang ang mga terminal. Sa halip na masiglang pagpinta ng samot-saring obra, pagkukumpuni ng mga sirang minibus ang pinagkakaabalahan ng mga talyer.
Bagaman malayo ito sa kanilang makulay na kabuhayan, kasangga nila ang mga tsuper sa muling pamamasada. Malaking pagsubok ang realidad na kinakaharap nila ngayon sa kalsada. “Sa mga jeep, ilan-ilan nalang ang bumabyahe dyan, natatalo na sila ng mga minibus,” ani Tio Amang.
Tulong sa Pagsulong
Gayunpaman, isang inspirasyon pa rin ang itinutulak nina Kenneth, Mark at Tio Amang para magpatuloy sa pagpinta: ang pag-asang mapakinggan sila, at ang kanilang sining. Panawagan nila ay ang pagsuporta ng estado sa lokal na produkto ng bansa at kanilang kabuhayan.
Nakakapukaw ng mga mata ang mga signages at mudguard sa talyer ni Tio Amang. Umaasa ang mga pintor na maging kasing kulay ng kanilang obra ang hinaharap ng kanilang kabuhayan.(Lorence Lozano/Philippine Collegian)
Nakatakdang pag-usapan sa isang komite ng DOTr ang mga mungkahi ng transport groups at ibang sektor hinggil sa PTMP sa mga susunod na linggo. Hati pa rin ang transport groups hinggil sa isyu ng pag-usad ng PTMP dala ng isyu ng konsolidasyon. Sa kabila ng pagkaipit, patuloy pa rin ang pagpinta ng Montalban Art Center at Boniak Worx bitbit ang pag-asang mabigyan din ang jeepney artists ng boses hinggil sa usapin.
Para kina Mark, Kenneth, Tio Amang, at mga pintor sa Montalban, hindi lang ang kanilang kabuhayan ang nais nilang makulayan sa bawat pinta ng mga patok. Bitbit din nila ang nagkakaisang tunguhing mabuhay ang makulay nilang kabuhayan at umarangkada muli ang kanilang magagarang sining sa kalsada. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-8 ng Abril 2025