Nananatiling pangunahing puntirya ng karahasan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pesante makaraang maitala sa sektor ang 86 na kaso ng extrajudicial killings (EJKs), ayon sa datos na nakalap ng Karapatan mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2024.
Kalakhan sa mga biktima ng mga EJK ay mga sibilyang pinaratangan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang mga kasapi ng New People’s Army (NPA). Samantala, karamihan sa mga tunay na gerilya ng NPA na pinaslang ay mga hors de combat, o mga rebeldeng wala nang kakayahang lumaban.
Mahigit kumulang 119 ang kabuuang bilang ng mga EJK na naitala ng Karapatan sa mahigit dalawang taong panunungkulan ni Marcos Jr. Hindi pa kasama rito ang hindi bababa sa 952 pagpatay na konektado sa droga, ayon sa tala ng Dahas Project, isang UP research group na nagtatala ng drug-related killings.
Mga pesante rin ang bumubuo sa malaking bilang ng mga desaparecido o mga indibidwal na nawawala matapos dukutin ng militar. Naitala sa sektor na ito ang pito sa 15 na aktibong kaso ng sapilitang pagkawala, na sinusundan ng mga aktibista’t tanggol-karapatan.
Sa Cauayuan, Negros, isa sa mga sentro ng militarisasyon sa isla, dinukot ng 15th Infantry Batallion of the Philippine Army (IBPA) at ilang tauhan ng pulisya mula sa kanyang tahanan ang magsasakang si Ramon Enseniales, 69, noong Hulyo 29, 2024.
Dinala si Enseniales sa isang liblib na lugar bago siya patayin, bagay na taliwas sa pahayag ng militar na napatay siya sa isang engkwentro.
Ito rin ang sinapit ng mag-uuling at magsasakang si Jayjie Redobles mula sa Calatrava, Negros. Matagal na siyang tinitiktikan ng mga sundalo bago tangayin ng 79th IBPA mula sa kanyang bahay noong Mayo 22, 2024.
Dinala sa ibang lugar si Redobles bago pagbarilin at kalauna’y paratangan na miyembro ng NPA.
Modus ng militar ang mga gawa-gawang engkwentro at pekeng pagpapasuko sa mga residente, saad ng Karapatan. Sa Albay, 25 residente ang pinapirma’t pinagsuot ng Philippine National Police (PNP) at AFP ng puting damit para sa isang “gift-giving ceremony.”
Napag-alaman na lamang ng mga residente matapos ang dalawang araw na binansagan silang NPA surrenderees sa isang lokal na radyo at sa pahayag ng militar.
Kung hindi man lantarang pinapapatay o winawala, tahasan namang naghahasik ng pananakot ang militar sa mga komunidad ng katutubong pesante sa pamamagitan ng aerial strafing at bombing. Nitong Pebrero lamang, dumagdag sa mga biktima ng indiscriminate firing at pambobomba ng militar ang mga Mangyan sa Mindoro, na pinaulanan ng bala’t bomba kahit walang malinaw na target ang mga sundalo.
“In the countryside, virtual martial law prevailed as the AFP lorded it over, imposing curfews, food and economic blockades, and restricting people’s movements,” saad ng Karapatan sa ulat. “These operations were often accompanied by aerial bombings and artillery attacks, polluting the peasants’ production fields and derailing their livelihood.”
Patong-patong na paglabag sa International Humanitarian Law, partikular na sa 1949 Geneva Convention at mga karagdagang protokol nito noong 1977 at 2005, ang EJKs, pananakot, iligal na pag-aresto, at iba pang anyo ng karahasan na ginagawa ng AFP, PNP, at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), lalo na sa mga sibilyan na walang kaugnayan sa armadong sagupaan.
Maliban pa rito, hindi rin pinahihintulutan sa ilalim ng principle of distinction ang ginagawang pagpapaputok at pambobomba ng mga sundalo sa mga lugar na walang malinaw na engkwentro.
Lalo pang sumidhi ang sanib-pwersang panre-red-tag ng AFP, PNP, at NTF-ELCAC sa mga progresibong grupo dahil sa Anti-Terrorism Act at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act, na niratsada ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon ng pandemya.
Sa ilalim nito, pinalawak ang depinisyon at mga anyo ng terorismo na sinamantala ng pamahalaan upang ikulong at patayin ang mga kritiko’t aktibista.
Kahit ang simpleng pagluluto at pagbibigay ng adobo ay maaari nang baluktutin bilang terrorism financing. Ito ang kasong hinaharap ni Alaiza Mari Lemita ng Batangas, kaanak ng dalawa sa mga tanggol-kalikasang biktima ng Bloody Sunday Massacre, matapos umanong mamataan ng isang pulis na naghahatid ng ulam sa NPA noong Oktubre 2024.
Dahil sa nagpapatuloy na panggigipit sa mga pesante at aktibista mula sa panahon ni Duterte hanggang Marcos, nanindigan ang Karapatan na nararapat managot ang parehong administrasyon, na noong Mayo 2024 ay napatunayan ng International People’s Tribunal na nagkasala sa mga paglabag sa karapatang pantao buhat ng mga testimonya mula sa mga nakaligtas na biktima at tanggol-karapatan.
“No amount of gimmickry, however, can obscure the fact that Marcos Jr. has not actually made any fundamental changes in Duterte’s fascist policies that have engendered the myriad violations of human rights and IHL that marked the previous regime,” saad ng Karapatan sa Facebook. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-8 ng Abril 2025.