Sa gitna ng pangangampanyang puro budots at personalidad na madalas laman ng social media, isang eksenang makapangyarihan ang ipinamalas ng larawan mula sa isang post kay ACT Teachers Rep. France Castro: Noong nangampanya siya sa isang kapihan sa Taytay, Rizal, lumapit ang isang estudyanteng kukuha ng licensure exam, hindi upang humingi ng selfie kundi magpatasa ng lapis bilang good luck charm.
Patunay ang simpleng eksena sa kapihan sa katangian ng pangangampanya ng Makabayan, na linulubog ang sarili sa kondisyon ng masa. Sa pakikilahok sa house-to-house, kapihan, paggamit ng kulturang popular at social media, binabalikwas ng Koalisyong Makabayan ang tradisyonal na kultura ng pangangampanya. Ipinapakita ng grupo ang porma ng progresibong pangangampanya—lapit sa masa, para sa masa.
Progresibo at Makabago
Bagaman hindi na bago sa Pilipinas ang house-to-house campaigning, nakasentro ang gawaing ito ng Koalisyong Makabayan sa mga adbokasiya ng batayang sektor. Hindi lamang ito basta-bastang pagdadala ng kanilang pangalan sa Senado—ito ay isang panlipunang pagkilos, gawing nais buhayin ni Mancur Olson sa librong “Logic of Collective Action.”
ACT Teachers Rep. France Castro nasa harapan, nagsasalita para sa lecture ng Policy Making Worshop. (Act Teachers / Facebook)
Para sa campaign officer ni Rep. France Castro na si Francine Bayonito, nakapokus ang kanyang isinasagawang gawain para sa edukasyon, guro, at mag-aaral. Unti-unting naisasakongkreto ang adbokasiya dahil sa pag-organisa ng mga seminar, kapihan, at workshop sa gitna ng kampanya.
Nagiging makabago rin ang porma ng pangangampanya ng Makabayan sa paggamit nila ng popular na kultura at digital na plataporma. Dagdag pa ni Bayonito, ginagamit nila ito upang maipalaganap ang kanilang mensahe at makipag-ugnayan pa lalo sa mga kabatan, ang kanilang pangunahing odyens.
Karagdagan sa paggamit nila ng digital na midya, gumagawa ang Makabayan ng mga educational video at satirikal na kontent upang maibuking ang kamalian na ginagawa ng mga tao. Sa paggamit ng humor, nailalantad ang mga kabalintunaan sa isyung panlipunan nang hindi direktang nanghihikayat o nang-uutos, kaya nakakabuo ito ng progresibong pananaw.
Bagaman ginagamit din ng ibang mga tradisyonal na politiko, o trapo, ang pop culture, ginagamit ito ng Makabayan upang makabuo ng isang kolektibong mulat at kamalayan sa ating paligid. Bilang sagot sa mga kritisismo sa tradisyunal na pamamaraan ng pag-oorganisa ng Makabayan, sabi pa ni Bayonito sa kanyang panayam na ang kanilang pakikilahok sa iba-ibang uri ng sining at makabagong teknolohiya ay isang hakbang sa pagbubuo ng makabagong kilusan.
Kampanyang Trapo Laban Kampanyang Makabayan
Sa kulturang pampulitika ng Pilipinas, nangingibabaw pa rin ang patronage politics, kung saan ginagamit ang pangalan, koneksyon, pera, at celebrity endorsements para makuha ang suporta ng masa. Kabilang dito ang pamimigay ng ayuda tuwing halalan, pagbili ng boto, at paggamit ng “hakot crowd” sa mga rally tuwing eleksyon. Manipestasyon ito ng utang na loob, kung saan ang personal na pabor ang nagiging batayan ng suporta imbes na prinsipyo o plataporma na nailatag nina De Joya at iba pa sa pag-aaral na “The Ethical Perception on Utang Loob as Basis of Voter’s Choice” noong 2024.
Ayon sa librong “Electoral Dynamics in the Philippines” nina Aspinall at iba pa, nagiging tagumpay ang ganitong uri ng politika dahil may kakayahan ang mga kandidatong mamili ng boto at mas gamitin ang public service para sa pangangampanya lamang. Dahil hindi gagap ng mga kandidatong negosyante o mula sa dinastiya ang tunay na lagay ng kanilang pinagsisilbihan, nauudlot ang kanilang serbisyo pagkatapos ng halalan.
Sa progresibong pangangampanya, tinutunggali ng Koalisyong Makabayan ang ganitong sistema. Makikita rin sa kanilang mga resume o post ang kanilang edukasyon at uri ng pamumuhay—na sila mismo ay nakaranas ang mga pang araw-araw na gawain at kalagayan ng mga tao. Ipinapakita rin ng Makabayan Bloc na hindi lamang nila kinakatawan ang kanilang mga inaadbokasya, kundi bahagi sila rito mismo.
Rep. Sarah Elago ng Gabriela Partylist na nag-house-to-house at nakikipagkamay. (Litrato ni Sarah Gates)
Hindi tulad ng mga tradisyunal na politiko, mas malapit at nakaugat sa mga komunidad ang karanasan ng mga pangkaraniwang tao. “Mass-centered ang approach namin. Binibisita namin ang mga komunidad, nangangamusta sa kanilang kalagayan,” ayon kay Bayonito. Ang ganitong paraan ng pangangampanya ay patunay ng grassroots politics, kung saan ang mga pagsisikap mula sa "ibaba" ay naglalayong magdulot ng pagbabago sa komunidad, tulad ng mga lokal na proyekto at kampanya.
Sa halip na umasa sa sikat na personalidad o malalaking pondo, nakapokus ang Makabayan sa pagpapalakas ng mga batayang sektor at pagkontra sa sistemang nagpapalaganap ng patronage politics. Kasama rito ang pagsulong sa mga batas tulad ng Anti-Political Dynasty Bill at pagbabago sa party-list system.
Ang ganitong pangangampanya ay isang halimbawa ng contested democracy, ayon kay Nathan Quimpo sa akdang “Contested Democracy and the Left in the Philippines after Marcos.” Dito, mayroong alternatibong uri o progresibong kilusang humahamon sa kasalukuyang elitistang demokrasya sa bansa. Nilalayon ng Koalisyong Makabayang makapagmulat ng mamamayan at isulong ang transformative politics, na mayroong layuning baguhin ang kasalukuyang sistema ng kapangyarihan o demokrasya ng bansa.
Tunay na Panukat ng Tagumpay
Habang bumabalikwas ang dominanteng uri ng pangangampanya, mas makabuluhan ang kultura ng alternatibo at progresibong pangangampanya ng Makabayan Bloc dahil mas malapit ito sa kundisyon ng masa. Ang kanilang mga progresibong gawain ay humuhubog ng mas lapat sa mga masa.
Ngunit noong 2016, naging usapin din ang pangangampanya ni Rodrigo Duterte bilang strongman populist—inilalarawan siyang malakas at matapang na lider. Ayon din sa pag-aaral ni Yean na “Social Memory and Philippine Electoral Politics,” ginamit ni Duterte ang pangakong wawakasan ang kalakalan ng ilegal na droga upang makuha ang tiwala ng masa, ngunit nang mahalal, hindi na naging makamasa ang pamamalakad, bagaman patuloy pa ring umaasa ang mga Pilipino sa pagbabago.
Kaya nakapokus ang koalisyon kaukulan sa tunay na pagbabago sa pamamagitan ng mass movement—na tulad nga ng kolektibong pagkilos ay kumakalitis sa pagbabago at progresibong gawain para sa kaunlaran ng bansa. Ito lamang din ang nais sabihin ni Teodoro Agoncillo sa “Revolt of the Masses”: na ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa sama-samang aksyon, hindi lamang sa isang malakas na lider.
Nakikita ang pagiging epektibo ng grassroots na kampanya sa pagkapanalo ng Kabataan Partylist, Gabriela, at ACT Teachers sa mga nakaraang eleksyon. Pinapatampok ng kanilang pagsusulong ng mga adbokasiya ang mga isyung hinaharap sa lipunan.
Kung mapatibay ang mga ganitong kultura ng pangangampanya, magdudulot ito ng pangmatagalang progreso at makabuluhang pagbabago sa pulitika sa Pilipinas. Paraan ito upang mahikayat ang mga botanteng maging mapanuri at kritikal sa pagboto, at mapakilala ang mga kandidatong siguradong tapat ang serbisyo at panunungkulan.
Hindi nagwawakas sa halalan ang pangunahing layunin ng Makabayan. Hindi rin lamang nila hangad ang pagkapanalo sa eleksyon dahil manalo man o matalo, mayroong mga taong paunti-unti nang namumulat. Ani nga ni Bayonito, “isang hakbang” lamang ang kanilang pagtakbo para sa progresibong kilusan at sa tunay na pagbabago. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-8 ng Abril 2025.
EDITOR’S NOTE: Pinangalanan si Francine Bayonito bilang campaign officer ng buong Makabayan bloc sa dating bersyon ng artikulong ito, sa halip na campaign officer ni Rep. France Castro.