Tagaktak ang pawis ni Roel Manuel habang paulit-ulit na binabagtas ang kahabaan ng Commonwealth Avenue gamit ang kanyang tradisyunal na jeep. Bakas sa kanyang upuan ang marka ng kanyang walang tayuang pag-arangkada.
Roel Manuel, isang jeepney driver ng biyaheng Nova Bayan-Philcoa. (Alexa Sambale/Philippine Collegian)
Nitong nagdaang Marso, idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration na tuluyan nang nagsimula ang mainit na panahon sa bansa. Umabot hanggang 46°C ang heat index sa Quezon City, kung saan araw-araw pumapasada si Roel.
Bilang tugon sa mga epekto ng pagbabago sa klima, binibida ng pamahalaan bilang bahagi ng solusyon ang modernisasyon ng pampublikong transportasyon. Ngunit sa katunayan, bigo ang gobyerno na maisakatuparan ang layuning ito dahil sa mga palyadong patakaran at kapos na pagpopondo–dahilan kung bakit dumadagdag lamang ang pasanin ng parehong mga tsuper at pasahero.
Presyo ng Sakripisyo
Saksi ang terminal ng Nova Bayan-Philcoa sa Jordan Plaines, Quezon City kung paanong ang dating isang linyang pila papunta sa Quezon City Hall ay nahahati na sa dalawa. Sa kanan, may mga pasaherong sunod-sunod na sumasakay sa tradisyunal na jeep, habang sa tapat ng mga munting tindahan ay naghihintay nang ilang oras ang mga pasahero para makasakay sa modern jeep dahil sa aircon nito.
Kasalukuyang hindi makabiyahe ang tradisyunal na jeep ni Roel dahil patuloy niya itong kinukumpuni at inaayos upang maging mas komportable ang mga pasahero. (Alexa Sambale/Philippine Collegian)
Bagaman sa bawat dalawang jeep na umaalis ay isang modern jeep lang ang susunod, may mga pasaherong matiyagang naghihintay na minsan ay umaabot pa ng isang oras.
Nakadepende ang sahod ni Roel sa dami ng pasada niya sa isang araw. Ngunit pagsapit ng tanghali, tumutumal daw ang kita dahil mas pinipili ng ilang komyuter na maghintay na lang sa mga modern jeep na may aircon.
Kaya habang tumataas ang temperatura at bumababa ang kita ng mga tsuper, lumolobo naman ang gastusin ng mga komyuter na nais makaramdam ng ginhawa sa kanilang biyahe.
Kabilang dito si Cristelle Ignas, second-year student ng European Languages sa UP Diliman na araw-araw bumiyahe mula Novaliches hanggang Philcoa. Handa siyang magdagdag ng ilang piso kapalit ng kaunting ginhawa sa mahigit isang oras na biyahe. At para sa ilang may hika, hypertension, at iba pang sakit na pinalulubha ng init, hindi lang ito usapin ng ginhawa kundi kaligtasan.
Napupuruhan din ang mga tsuper ng matinding init. Noong nakaraang taon, may mga ulat na ilang drayber ang nasawi dahil sa heat stroke. Bilang tugon, sinisikap ng ilang samahan na limitahan ang oras ng pasada ng kanilang mga kasapi. Kapalit nito, nababawasan ang kita ng mga tsuper dahil sa bawas na oras sa kalsada.
Hindi rin nakaligtas ang mga jeep na minsang tumitirik dahil sa mga makinang biglang umuusok. Dahil dito, hindi na natutuloy ng iba ang kanilang pasada at nawawalan na agad ng pasahero.
Pag-asa sa Kalsada
Patong-patong man ang mga problemang kinahaharap ng mga tsuper, hindi ito naging hadlang kay Roel. Sa mahigit dalawang dekadang pakikipagsapalaran sa Commonwealth, nagsilbing tahanan niya na rin ang minamaneho niyang jeep. At para kay Roel, nais niyang maramdaman at maiparamdam sa mga pasahero ang kaunting aliwalas sa tahanan niyang de-gulong.
Nagsimula si Roel noong 2019 sa simpleng paglalagay ng telebisyon sa loob ng kanyang jeep. Hindi nagtagal, nasundan na rin ito ng sound system, CCTV, electric fan, at iba pang kagamitan na sa tingin niya ay magdadala ng kasiyahan at ginhawa sa mga pasahero. Ngunit sa kabila ng mga pagsisikap na ito, may limitasyon ang kanyang mga inisyatibong di suportado ng pamahalaan.
Sa loob ng jeep ni Roel mayroong CCTV, Wi-Fi, TV, electric fan, at alcohol para sa mga pasahero. (Alexa Sambale/Philippine Collegian)
“Kung tutuusin, lahat ng meron sa modern [jeeps], pwede rin naming gawin sa traditional. So bakit kailangan nating ibasura yung traditional jeepney? Bakit kailangan nating palitan ng mga minibuses na ’yan tapos ilugmok yung mga may-ari sa utang?” ani Roel.
Malinaw na di tutol ang mga drayber sa kaunlaran ng transportasyon, bagkus sa kasalukuyang katangian lang nito na tumataliwas sa kanilang interes. Nahaharap ang mga tsuper, moderno o tradisyunal na jeep man, sa kakulangan ng suporta mula sa gobyerno.
Walong taon na ang lumipas mula nang inilunsad ng pamahalaan ang Public Utility Vehicle Modernization Program. Ang provisional authority para sa mga tradisyunal na jeepney ay pinalawig hanggang Dis. 31 ngayong taon na lamang. Ngunit hanggang ngayon, ikinababahala pa rin ng mga tsuper tulad ni Roel ang presyo ng modern jeep na umaabot mula P1.4 milyon hanggang P3 milyon.
Sa kabila ng mataas na halaga nito, ang ibinibigay na subsidiya ng gobyerno ay nagsimula sa P80,000 at tumaas sa P160,000 lamang, batay sa pananaliksik ng UP Center for Integrative and Development Studies (CIDS) noong 2023. Dahil sa katiting na suporta, dehado ang mga tsuper na ang tanging nakukuha sa programa ay pagkakabaon sa utang.
Baku-Bakong Progreso
Dahil sa kakulangan ng sapat na suporta, hindi patag ang daang tinatahak ng mga tsuper at komyuter. Sapagkat maliit man ang ambag ng Pilipinas sa global carbon emissions, isa ang bansa sa pinaka-bulnerable sa mga epekto ng climate change—bagay na danas ng tsuper at komyuter na nakasalalay ang kinabukasan sa pampublikong transportasyon.
Kaya naman, nakasaad sa National Climate Change Action Plan (NCCAP) na dapat bigyang-diin ang adaptation upang tugunan ang kagyat na epekto ng mga pinsalang hatid ng krisis sa kalikasan. Kabilang dito ang retrofitting ng mga tradisyunal na jeep upang gawin itong angkop sa nagbabagong klima.
Sa kabila nito, malaking bahagi ng climate expenditures ng gobyerno ang napupunta sa mga kontrobersyal na flood control at road program na nakakakuha ng mahigit 90% ng pondo sa sektor ng water sufficiency and sustainable energy. Maliit na lang tuloy ang bahagi ng ilang mga sektor na tinukoy ng NCCAP, tulad ng modernisasyon ng transportasyon.
Kapos na nga sa subsidiya ng gobyerno, di rin sapat ang suporta mula sa pribadong sektor. Hirap magpautang ang mga pribadong bangko sa kooperatiba dahil sa takot na malugi, ayon sa papel ng Transportation Research Interdisciplinary Perspectives noong 2022. Mas pinapaboran ng mga bangko ang mga proyektong may mataas na kita, tulad ng railways.
Kaya hindi dapat umasa ang pamahalaan sa pribadong sektor na pagkamal ng kita ang layunin. Mahalaga ang aktibong partisipasyon ng mga stakeholder, tulad ng transport workers at komyuter, sa paggawa ng mga desisyon, ayon sa CIDS. Kaakibat nito ang pagpapalakas ng pamahalaan sa papel nito sa pagbibigay ng direktang suporta at pondo para sa makatarungang transisyon.
Hindi kayang tapatan ng electric fan ang pawis nina Roel at Cristelle habang patuloy nilang binabaybay ang malubak at walang direksyong daan ng pamahalaan tungong modernisasyon. Magkaiba man sila ng puwesto sa sasakyan, pareho silang naiipit sa tagibang na sistema at iisa ang hiling: makataong transisyon tungong transportasyong umaayon sa klima ng bansa. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-24 ng Abril 2025