Matagal na akong hindi naniniwala sa Diyos. Malaking talon ito mula sa pagiging lubos na relihiyoso ko noong bata pa. Pinalaki kasi ako sa mga kwento ng bibliya, nag-aral sa Katolikong institusyon noong elementarya, at nagsilbi sa simbahan bilang sakristan.
Nagbago ang lahat pagtuntong ko ng high school, nang unti-unti kong makita kung paano ginagamit ang relihiyon para mang-api ng iba. Nakita ko kung papaano ipinagkanulo ang mga kaibigan kong bading at bigyang katwiran ang paghihirap ng iba sa pamamagitan ng pagsasabing nasa kalangitan naman ang tunay na kaalwan.
Simula nito, lumayo na ang loob ko sa relihiyon, nawalan ng pananampalataya sa anumang Diyos, at naubos ang pasensya sa lahat ng uri ng pagsamba. Kaya tuwing Semana Santa kasama ang pamilya, lagi lang akong bagot.
Nitong nakaraang linggo, muling aktibo ang buong angkan namin sa mga prusisyon, visita iglesia, at mismong pasyon. Minsan ko na ring natanong ano bang napapala ng mga deboto sa mga ganitong ritwal. “Ginhawa at kapayapaan,” ang simpleng sagot ng nanay ko. Nalito ako rito, kaya pinili ko nalang magmasid nang masinsinan.
Tuwing prusisyon, namamayani ang pakikipagkapwa. Ang nauuhaw ay binibigyan ng tubig. Kapag namatayan ng apoy sa kandila, natural ang makisindi kahit sa hindi kakilala. Nakita ko rito ang paghugot nila ng lakas sa piling ng kapwa habang patuloy na tigib ang pagdurusa sa lipunan.
Nalinaw sa akin ang katuturan ng ganitong mga pagtitipon, lalo’t gagap kong marami sa kanila ang nakikita ang sarili sa sakripisyo ni Hesus: karamihan ng mga deboto rito ay may sari-sariling bitbit na krus. May tita akong doble ang kayod para mabayaran ang mga gastusin sa na-ospital kong lolo. May pinsan din akong rumaraket kasabay ng pag-aaral para mabayaran lang ang patuloy na tumataas na matrikula sa kolehiyo.
Naisip ko: Ang mga ganid na siyang sanhi ng ganitong mga paghihirap ang kinondena ni Hesus noong siya pa ay nabubuhay. Kaisa siya ng mamamayan, kahit sa sandaling pinagkanulo na siya nito. Maraming mga relihiyoso ang sinundan ang turo niya, lumalaban noon at ngayon sa karahasan na nilelehitimisa ng estado. Kaya naunawaan ko na sa parehong antas ng indibidwal at lipunan, may mapagpalayang potensyal din ang pagsandig sa relihiyon.
Hindi pa rin ako naniniwala sa Diyos. Pero naniniwala ako na buhay ang diwa ni Hesus sa mga komunidad na nagiging sandigan ang isa’t isa at kanilang mga paniniwala upang patuloy na makihamok sa buhay na puspos ng suliranin. ●