Hindi nawawala ang layaw ng yaman sa Katipunan Avenue. Sa ilalim ng nagtataasang gusali, matatagpuan si Allan Merino, 37, sa ilalim ng isang overpass sa tapat ng UP Town Center. Gamit ang mga nakalatag na karton, mga lumang unan, at isang tablang plywood, nakahanap ng tirahan si Allan sa maingay at abalang mga lansangan ng lugar.
Sinusuyod ni Allan ang kahabaan ng abenida sa araw-araw upang rumaket sa pangangalakal o minsa’y magbenta ng mga napipitas na mangga malapit sa pamantasan. Sa kanyang pagsusumikap kumita, pasan niya ang bigat ng kanyang masalimuot na nakaraan. Kilala ng iilan si Allan na matiyagang barker sa Katipunan, nagtatawag ng jeep umulan man o umaraw. Ngunit sa likod ng pagpupursiging ito, bagaheng dala-dala ni Allan ang panghuhusga ng iba sa kanyang nakaraan bilang ex-convict.
Bunsod ng kabataang markado ng barkada at bisyo, natulak si Allan na pasukin ang buhay ng kabuhungan. Sa kanyang pagbitaw sa buhay ng krimen, pinapangarap ni Allan ang lipunang tutulong at magbibigay ng pagkakataon sa mga katulad niyang nagbabagong buhay.
Nabihag na Pangarap
Noon pa man, hindi mamahaling bahay o kotse ang pinangarap ni Allan para sa sarili at pamilya. Tanging trabaho na may sapat na kitang makatutustos sa kanyang mga pangangailangan ang hinangad nito.
Anak ng salat na manininda at kabilang sa malaking pamilya, tila naging mailap ang pag-abot ng kanyang mga pangarap. Dala ng kahirapan, hindi na napag-aral ng kanyang mga magulang si Allan. Nakapasok lamang siya sa isang eskwelahan sa Krus na Ligas nang magmabuting-loob ang isa sa mga suki ng tindahan ng kanyang ina.
Ngunit sa mga hindi pagkakaunawaan sa pamilya, nasama siya sa hindi magandang barkada. Sa edad na 12, nabaon siya sa bisyo at impluwensya ng iba, kalauna'y nasama sa barkadang snatchers sa loob ng UP. “Nagnakaw ako sa mga tambayan sa Vinzons noon, salisihan,” ani Allan.
Tuluyang natuldukan ang pangarap ni Allan nang mapasok ito sa Diversion Program ng Department of Social Welfare and Development sa bisa ng Juvenile Justice and Welfare Act. Proyekto ito ng estadong naglalayong mapigilan ang mga delingkwenteng kabataang magpatuloy sa buhay ng krimen.
Sa paglihis ni Allan sa tamang daan, tumigil ito ng third year high school at piniling suungin ang buhay trabaho sa kagustuhang masuportahan ang sarili, at kalauna’y matustusan ang pangangailangan ng sariling pamilya.
Kagipitan sa Piitan
Hindi naging matagumpay ang pagsubok ni Allan sa pagtatrabaho, at kalauna’y bumalik din siya sa pagnanakaw. Sa pagkakataong ito, nahuli na siya at napiit sa Quezon City Jail sa salang robbery-snatching. Ang kagustuhan sanang mabilhan ng gatas ang anak ang nagdala kay Allan sa bilangguang siksikan sa espasyo at hikahos sa makakain.
Tila wala ni katiting na kalayaan sa loob ng kulungan, kwento ni Allan. Kulang sa rasyon ng makakain, masikip ang mga selda at tulugan, at regular ang riot o kagaluhan sa loob. Lalo pang nagpahirap sa buhay ni Allan sa loob ng piitan ang kawalang suporta mula sa pamilya.
Desperado at kulang sa panustos ng pangangailangan, napili ni Allan na ipa-tattoo ang pangalan ng kung sinumang magbabayad sa kanya. “Minsan 500, 700 ibibigay sakin,” saad niya. Bilang pabalik-balik sa piitan, napuno ng mga tattoo ng pangalan ng kung sino-sino ang katawan ni Allan.
Markado ng mga tattoo na nakuha sa piitan, patuloy na sinusuong ni Allan ang balakid na dala ng mga mapanghusgang mata. (Pia Suarez/Philippine Collegian)
Muling napipiit ang karamihan bunga ng kahirapan, kawalan ng akses sa libre at kalidad na edukasyon, at kawalang suporta mula sa estado, ayon sa pag-aaral mula sa JPAIR Multidisciplinary Research Journal noong 2023. Sa bansa, 47.9% ng mga nakukulong ay nababalik sa pagkapiit.
Sa kawalang tulong at suporta mula sa sistemang naglalayong baguhin sila, hindi natatamasa ng mga bilanggo ang kanilang kinakailangan para tuluyang makapagbagong-buhay. Para kay Allan, hindi sapat ang alok ng gobyerno na mapasok ito sa Alternative Learning System. Aniya, kailangan niya ng sapat na oportunidad at benepisyong makatutustos sa pangangailangan niya at ng kanyang pamilya.
Matapos ang halos 15 taong pabalik-balik sa bilangguan, ang pagkalaya mula sa isang taong sentensya ni Allan noong 2023 ang gumising sa kanya na lumihis mula sa nakasanayang buhay. “Sa mga anak ko, gusto kong bumawi,” ani Allan, rason sa pagsisikap nitong magbagong-buhay.
Hindi nagtatapos sa pagkakakulong ang gapos ng paghihirap kay Allan. Dahil sa kanyang nakaraan, kadalasang tinatanggihan si Allan ng mga trabahong sinusubukan niyang pasukin. “[Sabi nila sa akin] ‘Dami mong tattoo, marami kang record.’ Kaya pinili ko nalang magtiyaga sa buhay ko ngayon, kahit mahirap, basta walang tinatapakang tao,” aniya.
Tila tattoo na hindi mabura ang mga nakaraan ng dating mga napiit. Hikahos sa oportunidad na makapaghanapbuhay, 13.8% ng mga dating nabilanggo ang walang pormal na trabaho, doble sa nasyonal na porsyento noong 2021. Pasan man nila ang marka ng kanilang nakaraan, patuloy na lumalaban ang mga tulad ni Allan sa pag-asang mabago nito ang sariling buhay at kapalaran.
Panawagan at Pagtitiis
Bukod sa hirap ng pagkabilanggo, ang kabagalan at naaantalang proseso ng sistema ng paglaya ang naging rason kung bakit halos apat na taong naghirap si Allan sa loob ng piitan sa sentensyang dapat isang taon lamang.
Danas ang hirap ng naudlot na kalayaan, nananawagan si Allan na ayusin ang sistema sa mga bilangguan. Kailangan mabigyang kapasidad ang mga itong matustusan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga bilanggo at matulungan silang magkaroon ng oportunidad pagkalaya.
Salat sa oportunidad na makakuha ng pormal na trabaho, tinitiis ni Allan ang hirap na kalakip ng pagbabagong buhay. (Pia Suarez/Philippine Collegian)
Ngunit hindi rito nagtatapos ang panawagan ni Allan. Para sa kanya, kailangan rin ng pag-unawa ng lipunan upang tuluyang matamasa ng mga nagbabagong-buhay ang kalayaang inaasam. “Kung ano man nakikita niyo, may mga tao naman siguro na pwede magbago,” ani Allan.
Makikita si Allan ngayong nagsusumikap sa buhay, malayo man sa inisyal niyang pangarap. Aniya, mas pipiliin niyang magsumikap nang makaalpas sa karalitaang nararanasan kaysa bumalik sa buhay ng krimen at pagkabilanggo. Hangad niyang mabigyan ng makataong reporma ang mga bilangguan at tingnan sila ng lipunan, hindi sa kanilang nakaraan, bagkus sa kanilang mga pinaglalaban at kapasidad na magbago para sa ikauunlad ng sarili at pamilya. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-24 ng Abril 2025.