Nitong Pasko ng Pagkabuhay, inaasahan sana ng mga magtatahong ng Navotas ang isang hapag na puno ng pagkain dahil panahon na ng ani. Ngunit dahil sa bilis ng pag-usad ng reklamasyon sa lugar, nanatiling walang laman ang kanilang mga plato.
Noong 2022 sinimulang limasin ng pamahalaan ng lungsod ng Navotas ang mga tahungan dito. Ibinunyag ng mga dating magtatahong na ngayon ay kasapi ng PAMALAKAYA - Navotas na biglang hindi ni-renew ang kanilang mga business permit para bigyang-daan ang proyektong reklamasyon ng San Miguel Corp.
Masasagasaan ng isinasagawang Navotas Boulevard Business Park o Navotas Coastal Bay Project ang mga tahungan at kabahayan sa gilid ng lungsod. Isa itong 650-ektaryang proyekto ng reklamasyon para sa commercial at mixed use. Ayon sa mga ulat, inaasahan itong maging “Southern Gateway to the Manila International Airport.”
Bukod sa perwisyong dulot ng pagkawala ng kanilang kabuhayan, nangangamba rin ang mga magtatahong ng Navotas na mawalan ng tirahan dahil sa planong pagpatag ng lahat ng nakapaloob sa 30 metro mula sa dike para sa reklamasyon. Inaasahan nilang paaalisin na sila sa loob ng ilang buwan.
Mga Nilunod na Pangako
Hindi inasahan ni Nida, hindi niya totoong pangalan para mapangalagaan ang kanyang seguridad, na may-ari ng isang tahungan sa Navotas, na mawawala na lamang basta-basta ang kanyang pinaghirapang kabuhayan sa isang iglap.
Nagkaroon ng isang pagpupulong ang munisipyo at San Miguel noong 2022 na dinaluhan nina Nida at ng mga kapwa niyang may-ari ng tahungan para pag-usapan ang gagawing reklamasyon. Dito, napag-alaman niyang hindi tatamaan ang tahungan niya sa mga maapektuhan ng proyekto.
Ngunit ilang araw matapos ang pagpupulong, nagulat na lamang siya nang bigla silang dalawin ng mga pulis. Kinakailangan na raw tanggalin ang kanyang tahungan sa loob ng 10 araw. Walang konsultasyon, walang abiso—wala nang nagawa sina Nida.
Kaakibat ng pagpapasara sa maraming mga tahungan ang pagkawala ng kabuhayan ng mga magtatahong at may-ari ng mga tahungan. Taliwas din sa ipinangako ng gobyerno ng Navotas, nananatili silang walang mapagkunan ng pera para sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Sa isang online public hearing na isinagawa sa Ingles at dinaluhan lamang ng 96 katao noong Oktubre 2020, mariing sinalungat ng gobyerno ang mga agam-agam sa posibilidad ng pagkawala ng trabaho ng libu-libong mangingisda dahil magbibigay sila ng “alternative livelihood” para sa mga maaapektuhan.
“The reclamation project would require a large number of workforce. During the construction works, it will definitely create a lot of jobs, not necessarily very skilled or engineering nature of jobs, but general construction activities that can support the livelihood and additional jobs for fishermen,” saad ng isang consultant ng Surbana Jurong, Singaporean company na gumawa ng masterplan para rito.
Isang sampal na nga sa karaniwang P2,000 na kita kada araw ang alternatibong inihain ng Navotas at Surbana Jurong, hindi pa ito naipatupad. Sa Bagong Silang, na kilala bilang tahungan, karamihan sa mga mamamayang may trabaho ngayon dito ay umeekstra na lamang sa construction, naglalako ng kung anu-ano, at nagtratrabaho sa patisan.
Hindi na rin nakatutulong ang pangingisda, dahil bukod sa madalang na pagkakaroon ng isda buhat ng reklamasyon, nagmahal na rin ang gas para sa bangka. Umakyat ngayon sa P700 ang presyo ng gas, na malaking dagok sa potensyal na kita ng isang mangingisda.
Sa isang pagbisita ng Agham Youth sa Bagong Silang, napag-alaman ding nakaapekto ang kawalan ng trabaho sa bilang ng mga estudyanteng nakakapag-aral sa lugar. Ayon pa sa kwento ng isang dating may-ari ng tahungan, pinatigil niya ang anak niyang nasa 4th year na sana sa kolehiyo dahil sa hirap ng buhay.
Nang ikwento nila ito kay Navotas Mayor John Rey Tianco, sinabi nito na mayroon naman daw Navotas Polytechnic College na libre para sa mga mamamayan ng Navotas. Mukhang hindi raw sumasagi sa isip ni Tiangco na hindi lang tuition ang gagastusin para sa pagpapaaral, dagdag ng dating may-ari ng tahungan.
Nakakaapekto rin sa iilang patuloy na nagsisikap magpalaki at kumuha ng tahong ang mga kemikal na dulot ng konstruksyon sa kanilang paligid. Ang tahong na kadalasa’y madaling paramihin, ngayon ay umuunti na at lumiliit, ayon sa isang magtatahong. Naturang may Environmental Compliance Certificate pa ang proyektong ito mula sa Department of Environment and Natural Resources.
Inaasahan na rin ng mga mamamayan ng Bagong Silang na hindi magbabago ang sitwasyong ito sa nalalapit na hinaharap. Ibinalita ng ilan sa kanila na makikita na raw ang mga binubuong haligi sa dagat at maging sa daang C-4.
Hindi Mabingwit na Katarungan
Para sa mga may-ari ng tahungan, mahirap lunukin ang biglaang pagbaklas ng gobyerno sa kanilang mga negosyo lalo’t malaki ang ipinuhunan nila dito. Tinatayang P100,000 ang babayaran sa 50 na tulos. At karamihan sa mga may-ari ng tahungan sa Navotas ay nakapagpundar na ng maramihang tulos na bunga ng deka-dekadang paghihirap.
Kwento ni Maria, hindi niya rin totoong pangalan, at isa ring dating may-ari ng tahungan at kasapi ng PAMALAKAYA-Navotas, kakapatayo pa lang niya ng 20 karagdagang tulos—na iniutang pa niya—nang limasin ng gobyerno ang mga ito. Nagmakaawa sila kay Mayor Tiangco na kunin ang mga tulos matapos ang mahal na araw noong 2022 para kumita man lang sila ng pera, ngunit hindi ito pumayag.
Bagaman masigasig ang pakikipaglaban ng mga magtatahong ng Navotas, hindi rin nagpapatinag ang lokal na pamahalaan ng Navotas. Isinalaysay ni Maria na nang minsang nakipagdayalogo si Tiangco sa kanila matapos ang isang rally ay ininsulto pa sila nito.
Nang pumasok sila sa Navotas City Hall, kinuha agad ang kanilang mga gadget. Tinatayang hindi bababa sa limang pulis ang nakadestino sa bawat palapag. Pinatanggal ang lahat ng alahas at kinapkapan daw sila sa bra pati ang kanilang mga ari.
Lahat ng ito ay sinunod nila, para lamang masabihan ni Tiangco na “basura” ang kanilang trabaho. Sinabihan pa raw sila nito na kinakailangan nilang magbayad ng P500,000 hanggang P1,000,000 para sa mga araw na hindi nila dinemolish ang mga tahungan nila.
Ngayong darating na eleksyon sa Mayo, muling tatakbo si Tiangco bilang mayor ng Navotas at wala siyang kalaban.
Nitong Abril 3, nagsampa ng Temporary Restraining Order ang mga magtatahong ng Navotas sa Navotas Regional Trial Court. Layon nitong pansamantalang itigil ang reklamasyon. Ngunit bago ito maging epektibo, kinakailangan muna nilang kumbinsihin ang hukom na makararanas sila ng matinding pinsala hanggang hindi ito inaaprubahan.
Inaasahan nilang makuha ang hatol bago matapos ang Abril. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-24 ng Abril 2025