Muling iginigiit ng mga eksperto ang kagyat na pagpasa sa Philippine Building Act bilang paghahanda sa “The Big One,” isang lindol na tinatayang may magnitude na 7.2 at maaaring magdulot ng malaking pinsala sa Metro Manila.
Kung maipatupad, magtatakda ang panukala ng mas striktong regulasyon sa mga gusali kumpara sa kasalukuyang National Building Code na halos 48 taon na ang nakalipas nang isabatas.
“I'm familiar with every hearing that they attended sa House. … I'm not aware of real big contentious issues except that it's not being tabled. Na-fru-frustrate lang ako na why do we wait so long?” saad ni Benito Pacheco, focal person for structures ng National Academy of Science and Technology, sa Kulê.
Walang tiyak na petsa
Muling nabuksan ang diskurso sa kahandaan ng bansa sa “The Big One” nang tamaan ng magnitude 7.7 lindol ang Myanmar noong Marso.
Bahagi ang Pilipinas sa Pacific Ring of Fire, kung saan nagaganap ang karamihan ng lindol sa mundo. Higit-kumulang 900 lindol ang naitatala sa bansa kada taon, kung saan 100 hanggang 150 dito ay nararamdaman ng tao, batay sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Isa sa pinakananganganib na bahagi ng bansa pagdating sa mga sakuna ang Metro Manila, kung saan naninirahan ang higit 13 milyong Pilipino.
Sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency noong 2004, natukoy nito na ang pinakamalubhang lindol na maaaring yumanig sa Metro Manila sa hinaharap—na binansagang “The Big One”—ay dulot ng paggalaw ng West Valley Fault. Naglalaman ito ng fault line na dumadaan sa kahabaan ng Metro Manila at mga probinsya ng Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna (tingnan ang sidebar 1).
Sidebar 1. Maaaring magdulot ng magnitude 7.2 na lindol ang paggalaw ng West Valley Fault, kung saan apektado ang buong Metro Manila at mga karatig na probinsya.
Huli itong gumalaw noong ika-17 siglo, at nagdudulot ito ng lindol kada 400 hanggang 600 taon, ayon sa mga pag-aaral. Dahil dito, mataas ang posibilidad na maging aktibo muli ang West Valley Fault sa nalalapit na panahon.
Tinatayang sa loob pa lamang ng Metro Manila, aabot sa 52,000 patay at 114,000 sugatan ang maitatala habang 40% ng mga residensyal na gusali ang magtatamo ng danyos kung mangyari man ang lindol, ayon din sa pag-aaral noong 2004.
Mula nang ilabas ang pag-aaral, marami naman nang paghahandang naipatupad ang bansa tulad ng pagsasagawa ng regular na earthquake drills at pagpapatatag ng mga pampublikong gusali, ani Likha Minimo, direktor ng knowledge sharing sa UP Resilience Institute, sa panayam ng Kulê.
Ngunit mismong mga ahensya ng gobyerno tulad ng PHIVOLCS at Office of Civil Defense ang umamin na hindi tiyak ang kaligtasan ng imprastraktura sa Metro Manila, partikular na ang mga matatandang gusali.
Tinitingnan ng mga mambabatas bilang solusyon ang pagpapatibay ng bagong batas na papalit sa kasalukuyang National Building Code. Ngunit sa dalawang dekadang pagtatangka na mabuo ito, wala pa ring naisasabatas hanggang ngayon.
Pagkabinbin sa Senado
Malaon nang pinupuna ng mga eksperto na taong 1977 pa huling inamyendahan ang National Building Code, na nagtatakda ng mga regulasyon sa imprastraktura, lalo na’t lumawak na ang kaalaman ng bansa sa mga sakuna tulad ng lindol.
Mula 2004, ang taong inilabas ang pag-aaral tungkol sa “The Big One,” nagkaroon na ng 37 panukalang batas sa House of Representatives at 15 sa Senado na may layong amyendahan o palitan ang National Building Code. Ang kaisa-isang nakaabot sa ikatlong pagbasa ay ang House Bill 8500 o Philippine Building Act noong 2023.
Para sa mga eksperto, mas mabisa ang Philippine Building Act sa pagsigurong matatag ang mga gusali dahil nagtatakda ito ng mandatoryong inspeksyon kada 15 taon.
“While the power to inspect has always been there even in the old building code, in reality hindi nagagawa. If you ask, nagagawa lang on paper for those buildings na, incidentally, kailangan kumuha ng other permits, like business permits,” ani Pacheco.
Itinatakda rin ng panukalang magkaroon ng sariling building official ang bawat lungsod at first-class municipality upang matiyak ang pagpapatupad ng batas sa lokal na lebel.
Sa mga kukuha ng building permit para sa istrukturang “special” o may kakaibang laki o hugis, minamandato nito ang peer review, kung saan may inspeksyon ang gusali sa pamumuno ng isang building professional na hiwalay pa sa nangangasiwa sa gusali.
Dagdag pa, mas mabigat ang mga parusa kung may lalabag sa bagong panukala. Maaaring umabot sa 1% ng kabuuang gastos ng konstruksyon ng proyekto at hanggang anim na taong pagkakulong ang multa sa paglabag nitong batas, kumpara sa di lalampas sa P20,000 at dalawang taong pagkakulong sa kasalukuyang National Building Code.
Ayon sa National Academy of Science and Technology, ang mga probisyong ito ay hindi lamang makaaambag sa kaligtasan ng mamamayan kundi makasisiguro din na may pananagutan ang mga opisyal na nagpapatayo ng imprastraktura.
Ngunit, nakabinbin pa rin sa lebel ng komite ang Senate Bills 1181, 1467, at 1970 na nagsisilbing katumbas sa Senado ng Philippine Building Act. Noong Marso 8, 2023, pa huling nagkaroon ng joint hearing ang mga komite tungkol dito, sa kabila ng taon-taong paggigiit ng national academy na dapat nang ikonsolida ang tatlong panukala.
Kasalukuyang nakasuspinde ang sesyon ng Senado at wala pa sa dalawang linggo ang natitira sa Hunyo bago magsimula ang susunod na Kongreso. Pagkahalal ng mga bagong senador, kakailanganing ulitin muli ang proseso ng pagsasabatas ng Philippine Building Act (tingnan ang sidebar 2).
Sidebar 2. Sa kabila ng paggigiit ng National Academy of Science and Technology na isabatas ang Philippine Building Act, nakabinbin pa rin ito sa Senado mula 2023.
Pang-araw-araw na sakuna
Para maipatupad ang Philippine Building Act, mangangailangan ang gobyerno ng mas maraming eksperto sa lokal na lebel mula sa mga larangan ng engineering, geology, at katulad na disiplina. Alinsunod dito, kakailanganin ng gobyernong mahikayat ang mga ekspertong magsilbi rin sa maliliit na bayan, at hindi lang sa malalaking siyudad.
“At the most, may mga big cities na may Department of Science and Technology, pero yung mga smaller municipalities, wala. We need to build local expertise as well,” saad ni Minimo.
Sa katunayan, may higit 110,000 civil engineer na rehistrado sa Professional Regulation Commission, ang pinakamarami sa lahat ng kursong engineering, batay sa datos noong 2019.
Malabo man ang kagyat na konsolidasyon ng Philippine Building Act sa kasalukuyang Kongreso, iginigiit ng mga eksperto na susi ito upang harapin nang ligtas ng milyong-milyong Pilipino hindi lamang ang pinakamalubhang mga kalamidad, kundi ang mga pang-araw-araw na sakuna.
“We should act now, meaning i-enact na natin yung batas. Mayroon mang ‘Big One’ o walang ‘Big One,’ a moderate earthquake could also damage us, so why do we even let it?” ani Pacheco. ●